Ang maid of honor na si Jasmine ang nakasalo ng bouquet at ang best man na si Isaac ang nakasalo ng garter na halatang hindi nito inaasahan dahil hindi naman ito nakaabang. Tila bigla na lang nitong nakita na papunta rito ang garter at sinalo na lamang nito iyon. Ang una ay pinsan ni Queenie at ang huli naman ay foster brother ni Aaron.

Mayamaya ay nagpasalamat na ang bagong kasal sa lahat. Malaki ang pasasalamat ng mga ito sa pop group dahil kung wala ang mga ito ay walang kakanta ng wedding song nila. At siyempre sa kanya sa pagtugtog ng magandang musika at sa pagiging mabuting kaibigan sa mga ito.

Tumawag kay Aaron ang wedding singer at humingi ito ng paumanhin dahil naaksidente ang FX na sinasakyan nito patungo sa simbahan at pati ito ay na-ospital. Mabuti at hindi naman ito gaanong napinsala.

Natapos ang okasyon na masaya ang lahat at walang gulo.


"IHAHATID mo na ba ako pauwi?" tanong ni Celine kay James. Nasa loob na sila ng kotse nito.

"Oo. Baka hinahanap ka na sa inyo," nahalata niyang biro nito.

"Hindi na ako bata, 'no. At saka nagpaalam naman ako. Alam nina Mommy at Daddy na umalis ako. Maaga pa. Ayoko pang umuwi." Alas-dos pa lang ng hapon nang tumingin siya sa wristwatch niya.

"May pupuntahan ka pa ba? Ihahatid na lang kita ro'n." Ini-start na nito ang engine ng kotse.

"Baka ako pa ang maghahatid sa 'yo."

Kumunot ang noo nito. "Ano ba ang ibig mong sabihin?"

"Puwede ba akong pumunta sa bahay mo?" Ngumiti siya ng pilya.

"Hayan na naman ang ngiti mong 'yan. Baka mapagkamalan na naman kitang may gagawin ka sa 'kin. Alam mo na, hindi magandang tingnan na ang babae ang unang lumalapit sa lalaki."

Tumawa siya. Naalala niya ang eksenang iyon noon sa music room ng high school nila. Tumawa rin ito na tila naaalala rin ang naaalala niya.

"THIS IS where I live," ani James kay Celine nang makapasok sila sa unit niya sa condominium building na iyon.

"Nice place," komento nito habang iginagala ang tingin sa paligid.

Hinubad niya ang suot niyang amerikana at isinampay sa braso niya. Long sleeves ang natira niyang pang-itaas. "Four years na akong nakatira rito. Six years akong palipat-lipat sa boardinghouse at sa bahay namin sa Las Piñas. Nagbo-board ako noong nag-aaral ako sa college."

Hindi niya ito naririnig na nagsalita. Nakatalikod pa rin ito sa kanya. Nakaharap ito sa mga framed pictures na nasa itaas ng mini-cabinet na hanggang baywang ang taas. Sari-saring pictures ang naka-display doon. Kuha noong maliit pa siya, noong high school graduation, noong college graduation, picture ng mga magulang niya, ng ate niya, ng asawa ng ate niya, ng mga pamangkin niya. Mukhang nawiwili ito sa pagtingin sa mga larawan.

Lumapit siya rito. "That's Papa, noong binata pa siya," imporma niya rito sa tinitingnan nitong picture.

"Magkamukha kayo," nauutal na komento nito at napatingin na naman ito sa katawan niya.

"Pareho kaming guwapo, ano?"

"Mas guwapo ang papa mo."

"Nagmana sa 'kin, eh."

Sabay silang natawa sa biro nito.

"'Bihis lang ako," paalam niya.

"Okay," nakangiting sabi nito.

Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now