Kaya pala alam ng ipinakilala nitong Rainheart ang pangalan niya. "Hello, Rainheart," bati niya rito.

"Hay, ang ganda ng boses niya," sabi naman nito na tila nakatulala sa kanya.

"Mr. Guzman..." saway ni James dito.

Umayos ang estudyante. "Selos ka, Sir? Aminin mo na kasing girlfriend mo si Ma'am Celine para hindi na ako magpa-cute sa kanya."

Napangiti lang siya sa sinabi ni Rainheart.

"Tumahimik ka na, Mr. Guzman, ha. Nasa loob tayo ng simbahan. Huwag mo akong piliting gumawa ng kasalanan," seryosong sabi ni James.

"Pagpasensiyahan na po ninyo si Rain, Sir James," sabad ng isa sa grupong nandoon na hula niya ay mga kaibigan ni Rainheart. "Binasted kasi 'yan kaya ganyan," seryosong dugtong pa nito.

"Huwag mo naman akong ibuko, Aim," ani Rainheart dito, saka bumaling kay James. "Behave na po ako."

Ngumiti lang siya. Si James ay seryoso pa rin.

"Naku po, nakakatakot si Sir," hirit pa ni Rainheart. Ipinakilala nito sa kanya ang iba pang mga binata roon bilang pag-iba kaagad sa usapan. "Mga kagrupo ko pala, Ma'am Celine. Si Aimer, si Dylan, si Ethien, si Matthew. We're the Dream Boys." Sinabi rin nito na ang mga ito ang kumanta kanina ng wedding song at ang dahilan kung bakit ang mga ito ang kumanta. Kaya pala nandoon ang mga ito.

She said "hello" to the other members of the group. "Ma'am Celine" din ang itinawag ng mga ito sa kanya. Hinalikan pa ang kamay niya ng isang si Ethien na matinik daw sa chicks ayon kay Dylan pero hindi playboy ayon kay Matthew. Sinabihan niya ang mga ito na "Ate Celine" na lang ang itawag sa kanya. But they prefer "Miss Celine."

Nagkakuwentuhan pa sila ng ibang bagay dahil makukulit ang grupo maliban sa isa na si Aimer. Hininaan lang naman nila ang pagsasalita mula pa kanina dahil nasa loob sila ng simbahan at tahimik ang mga tao roon. Isa na si James sa mga nananahimik at nakakunot pa ang noo nito. Hula niya ay nakikinig din ito sa kanilang usapan.

Pagkatapos ng kasal ay niyaya siya ni James na sumama sa reception sa isang kilalang hotel. Nagdadalawang-isip siya dahil nahihiya siya. Hindi nga siya nakisali sa picture-taking nang niyaya siya ni James. Pero nang tumulong ang Dream Boys dito sa pagpilit sa kanya na sumama sa reception ay wala siyang nagawa kundi ang pumayag.

Anim laban sa isa, talo siya.


IPINAKILALA ni James si Celine sa bagong kasal nang makarating sila sa reception.

"Akala ko ba bahala na akong gumawa ng paraan para makilala si Celine, ha, JE? Iyon pala ay ikaw rin naman ang magpapakilala sa kanya sa 'kin," nakangiting wika ni Aaron sa kanya.

"Gano'n na rin 'yon. Makikilala mo rin naman siya kaya ipinakilala ko na," sabi niya.

"Maganda ka pala, Celine," puri ni Queenie dito.

"Kaya nga crush ni JE, eh," segunda ni Aaron. Ano pa nga ba ang aasahan niya rito? Pero hindi bale, masarap naman sa pandinig niya ang tinutukso siya kay Celine.

Ngumiti lang si Celine nang tingnan niya ito. Hindi ito makatingin nang diretso sa kanya, tila nahihiya, o naiilang.

"Ano, tutugtog na ba ako?" tanong niya sa bagong kasal.

Nang sumang-ayon ang mga ito ay nagsimula na siyang tumugtog. Sumayaw sa tugtog na "Queen Of My Heart" sina Queenie at Aaron. Theme song iyon ni Aaron para kay Queenie. Pero hindi lang instrumental iyon tulad nang sinayaw ng mga ito iyon noong kaarawan ng foster mother ni Aaron noong isang taon. Dahil ngayon ay kinakanta iyon ng Dream Boys. Nagkataon na namang nakanta na ng grupo ang awiting iyon kaya kabisado na ng mga ito.

Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now