"Hay, naku, James. Kung ganyan ka, walang mangyayari sa 'yo. Palayasin mo na ang hiyang 'yan sa katawan mo."

"Hayaan mo. Kusa ring aalis 'yan."

"Kailan pa? Nasa sa iyo rin naman 'yan, eh. Ikaw ang bahala."

"H-hindi ka ba nahihiya? Pinagtitinginan tayo."

"Huwag mo silang pakialaman. Masaya sila sa ginagawa nila." Walang paalam na tinanggal niya ang salamin nito sa mga mata.

"Bakit mo tinanggal?" tanong nito.

Muli niyang ipinatong ang mga kamay niya sa mga balikat nito, hawak-hawak ng kanan niyang kamay ang salamin nito. "This is better," nakangiting sabi niya. Kitang-kita ang kaguwapuhan nito kapag walang salamin.

"Ang labo mo," sabi nito.

Natawa siya. "Malabo talaga ang paningin mo, ano?"

"Tinawanan mo pa ako. At nagtanong ka pa, eh, halata naman."

"Sorry," natatawa pa ring paghingi niya ng paumanhin.

Tumahimik ito. Muli niyang isinuot dito ang salamin nito bago sila bumalik sa mesa nila. Mayamaya ay may lumapit sa kanya. Si Third!

"You're so beautiful tonight, Celine. May I dance with you?" Tila walang pakialam si Third sa ka-date niya. Ni hindi nito tiningnan si James.

Tumingin siya kay James. Tumango ito.

Tiningnan niya ang nakaangat na kamay ni Third bago inangat ang tingin dito. "Third, paano si Lizzy?"

"Prom night ito. Puwede naman sigurong maisayaw natin ang gusto nating makasayaw. Nagpaalam na ako sa kanya."

Pumayag siya at nagsayaw sila ni Third. Palihim na tiningnan niya si Lizzy na tila ayaw nang ialis ang tingin sa kanila, tila lalo na sa kanya.

"You know what, nagseselos ako," sabi nito.

"Ha? Saan? K-kanino? May iba bang pumoporma kay Lizzy?"

"Nagseselos ako sa ka-date mo," prangkang sabi nito.

"W-what?" Hindi siya makapaniwala.

"I think I like you, Celine. I like you to be my girl."

Nagulat na naman siya sa kaprangkahan nito. "You have a girlfriend, Third. Si Lizzy."

"Hindi ko alam kung bakit ko siya niligawan. Siguro namangha lang ako sa maganda niyang boses."

"No, Third. Baka sa akin ka lang namangha dahil sabi mo nga ang ganda ko ngayon." She was serious, she was not joking.

"Hihiwalayan ko siya kung iyon ang gusto mo."

"Hiwalayan mo siya kung hindi mo na siya mahal."

Natahimik ito. Oo at patay na patay siya kay Third. Pero hindi siya desperadang maging nobyo ito. Kung sana ay wala lang itong nobya ay kanina pa niya tinanggap ang alok nito. Pero committed na ito.

"Let's stop this dance, Third. Ihatid mo na ako sa date ko."

Pagkatapos ng prom ay hindi na naman siya pinansin ni Third. Siguro ay sinubukan lang siya nito kung kakagat siya. Pero unti-unting nagkalabuan ito at si Lizzy.

Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now