Hindi niya inasahang titingin ito sa kanya. Mabilis niyang tinakpan ang bibig niya.

"O, bakit nagtatakip ka riyan? Are you laughing at me? Nakakatawa ba ang itsura ko?"

Umiling-iling siya. Pilit niyang nginunguya ang pumupuno sa bibig niya pero hindi niya magawa. Paano ba ito?

"Napa'no ka ba talaga? Bakit hindi ka na makapagsalita riyan?" takang tanong nito. Tila may pag-alala sa tono ng boses nito kahit na pasuplado ang pagkakasabi nito niyon.

Tatayo na sana siya upang tumungo sa restroom nang bigla siyang napaduwal.

Kaagad na hinawakan siya nito sa balikat. "O-okay ka lang ba?" Parang lalong nag-aalala ang tinig nito.

Iniluwa niya ang laman ng bibig niya sa lagayan ng popcorn na hindi pa nauubos. Hinimas-himas nito ang likod niya.

"Huwag ka kasing subo lang nang subo," anito.

Nang nailuwa na niya lahat ay uminom siya ng tubig mula sa plastic bottle ng mineral water na binili niya kanina kasama ng popcorn. Nang tingnan niya ito ay parang gusto nitong matawa sa kanya pero halatang pinipigilan lang nito.

"Tumawa ka hangga't gusto mo, 'no. Wala akong pakialam," pagtataray niya rito. Pinalis niya ang kamay nitong nasa balikat niya at tumayo.

"Where are you going?"

Tiningnan niya ito nang masama bago tinalikuran at naglakad palabas. Saka siya natawa sa sarili niya. Napangiti siya dahil hindi siya pinabayaan ni James.

Nasa labas na siya ng sinehan nang may humawak sa palapulsuhan niya. She guessed it was James. Pinalis niya ang ngiti niya. Nang lumingon siya ay nalaman niyang hindi siya nagkamali.

"Saan ka pupunta?" tanong nito.

"Wala kang pakialam. Tutal, binalewala mo naman ako nang nagkita uli tayo kanina after many years."

Natawa ito. "'Yon ba ang ikinasasama ng loob mo?"

Ano ba ang nasabi ko? "Bitawan mo nga ako." Iwinaslik niya ang kamay niya upang mabitawan nito. Nang nabitawan siya nito ay mabilis siyang naglakad palayo.

Inasahan niyang susundan siya nito pero nakarating na siya ng elevator ay hindi niya nakita ni anino nito. Nakapasok na siya sa elevator nang nakita niya itong mabilis na tumatakbo patungo sa kanya. Bago sumara ang elevator ay nakapasok ito. Narinig niya ang sunud-sunod nitong paghinga kasabay ng pagtaas-baba ng dibdib nito.

Iniwas niya ang tingin dito nang tanggalin nito ang ilang butones ng polo nito. Siguro ay sumikip ang paghinga nito sa ginawa nitong pagtakbo. Pero tinitingnan-tingnan niya ito sa gilid ng mga mata niya. Nakita niya ang gitna ng dibdib nito.

"Ang bilis mong nawala, ah. Hiningal ako sa kahahanap sa 'yo."

"Bakit mo ako sinundan?"

Huminga ito nang malalim. "Ano ba ang gusto mong gawin ko? Humingi ng tawad sa 'yo? Okay, I'm—"

"I'm not asking for your apology." I'm the one who should apologize.

Natahimik ito. "A-ayaw mo na bang manood?" pag-iba nito sa usapan.

"N-nawalan ako ng gana." Ang totoo ay nahihiya siya rito.

"Nang dahil sa 'kin? O ako mismo ang nakakawalang-gana? Tama ka, nakakawalang-gana nga ako. Kaya nga bigla mo na lang akong hindi pinansin noon, hindi ba?"

Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now