Tinulak nito ang kamay niya. "Huwag na. At huwag ka nang makulit."

"Bahala ka. Ako pa ang hindi? Libre 'to, eh. Masarap yatang kumain ng libre."

Hindi na ito nagsalita. Sinimulan na nito ang pagkain. Kay sayang tingnan ito habang kumakain. Magana kasi ito. Ginaganahan din tuloy siyang kumain kahit puno pa ang tiyan niya. Ito ba ang nagpagana sa kanya sa pagkain? Ito lang pala ang kailangan niyang appetizer kapag nawawalan siya ng ganang kumain.

Nag-init ang mga pisngi niya sa naisip. Pakiramdam niya ay namumula siya.

"You're blushing," puna nito.

Tama nga siya. Hindi ba nakakahiya iyon? "H-ha? Hindi naman. Sa makeup lang 'yan. Napadami yata ang napahid ng kaibigan ko." Ang totoo ay siya naman ang nag-a-apply ng makeup sa sarili niya. At light lang naman ang nilalagay niya.

"Gano'n ba? Pero parang wala ka namang makeup kanina. O, kain lang nang kain para tumaba ka."

Hindi na niya pinansin ang sinabi nito. Para rin siguro hindi na niya mapansin iyon ay dinugtungan naman kaagad nito iyon ng pangungusap na sinunod naman niya. Kumain na lang daw siya nang kumain para tumaba siya. Bakit, masyado na ba siyang payat? Hindi siya payat, ano? Slim siya. Sexy. And she was maintaining her body that way.

Pero kumain pa rin siya nang kumain. Mayamaya ay napamata siya sa paraan ng pagnguya nito. Ang cute yata nitong ngumuya. Bakit ba pati ang pagnguya nito ay gusto na rin niyang panoorin?

"Hindi yata kita nakita nitong mga nakaraang araw? Hinanap kita sa room n'yo. Pinagtanong kita sa mga kaklase mo pero hindi ka raw pumasok."

"Hinanap mo ako?" tila hindi makapaniwalang tanong nito. "Nagkatrangkaso kasi ako."

Nalungkot siya bigla pero kaagad din siyang ngumiti. "Mabuti naman at magaling ka na."

"Kahapon lang ako nakabalik sa school."

"Nakita mo pala ako?" Sa cheering squad ang ibig niyang sabihin.

Tumango ito. "Magaling kang sumayaw."

"Salamat."

Tahimik na ipinagpatuloy nito ang pagkain. Napatingin na naman siya sa pagnguya nito. This time, medyo matagal siyang nakatitig dito. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Dati, si Third ang gustong titigan ng mga mata niya pero bakit ngayon ay nag-iba na mula nang makita niya ang binatilyong kaharap niya?

At inaamin niya, ito ang dahilan kung bakit tinanghali siya ng gising kanina. Hindi kasi siya nakatulog sa kaiisip dito. Kung bakit hindi na niya nakikita ito sa school. Iyon pala ay nagkatrangkaso ito.

Hindi lang siya kagabi hindi nakatulog nang maayos kundi mula noong gabi ng pinakaunang araw na nakita at nakausap niya ito. Hindi lang niya alam kung bakit siya nagkakaganoon.

"O, hindi mo na ginagalaw ang pagkain mo."

Napakurap siya. Nawiwili na yata siyang panoorin ang pagnguya nito. Itinuloy niya ang pagkain. Nahiya na tuloy siyang tumingin dito. Pero hindi niya kayang huwag itong tingnan.

"B-bakit nga pala tumugtog ka ng piano kanina?" panimula niya ng bagong usapan. Ngayon lang niya na-realize na nagkaroon kanina ng live na minus-one. "Wala bang minus-one 'yong contestant natin?" tanong niya. Hindi niya binanggit ang pangalan ng contestant dahil baka hindi nito kilala iyon.

Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now