"Kaya mo ba sinunog ang bahay? Para makapaghiganti sa'min ha!?" Pinikit ko ang mga mata ko dahil sa pagtatalsikan ng laway niya sa mukha ko. Pikit mata ko itong pinunasan bago imulat ang mga mata ko.

"Ganiyan ba kakitid ang utak mo? Sa bagay, hindi naman pala makitid ang utak mo. Nakalimutan kong wala ka naman pala talagang utak." Napasinghap ito sa sinabi ko. Binitawan niya ang buhok ko at biglang hinablot ang kwintas sa leeg ko.

"Ibalik mo 'yan!" Tinulak ko siya. Isang ngisi ang iginanti niya sa'kin. Tinapat niya ang kwintas palabas sa railings ng tulay. Nagtagis ang bagang ko sa ginawa niya, 'wag na 'wag lang siyang magtatangkang ihulog 'yan dahil hindi ko alam ano'ng magagawa ko sa kaniya.

"'Wag na 'wag mo'ng ihuhulog yan Lily, hindi ko alam anong magagawa ko sa'yo." Ngumisi na naman siya kaya naiyukom ko ang kamay ko.

"See? Nasa loob ang kulo mo Lucy. Stop acting like a saint!" I literally rolled my eyes at her.

"You turned me into this, so shut up." Hinakbang ko ang mga paa ko't sinubukang agawin ang kwintas sa kamay niya. Nailayo niya ang braso niya sa railings ng tulay, kaya hindi ko ito naagaw sa kaniya.

Tumakbo siya papuntang gitna ng kalsada kaya napasandal ako railings ng tulay. Pakiramdam ko'y nagbabalak siyang ihagis ito, at hindi nga ako nagkamali. Walang pag-aalinlangan niya itong inamba at tinapon sa kaliwang gawi ko. Malayo ito, pero tinakbo ko pa rin ito upang saluhin. Umakyat ako sa unang bahagdan ng railings, tinukod ko ang kaliwang kamay ko, at ginawang pang-abot ng kwintas ang kanang kamay ko.

Maaabot ko na sana ito nang may tumulak sa'kin. Nadulas ang kamay ko sa railings at dumausdos ang katawan ko pababa. Sinubukan ko pa'ng kumapit sa pinakahuling bahagdan nito, ngunit kinapos ako. Parang bumagal ang takbo ng oras nang mahulog ako, dumampi sa balat ko ang malamig na simoy ng hangin. Inangat ko ang tingin ko upang tanawin si Lily na nagsisisigaw, balisang-balisa ang mukha nito't ilang beses napapatakip ang bibig sa bigla at takot.

Hindi nakatakas sa paningin ko ang buwan. What a wonderful sight of death under the wondering moon. Panigurado naman kasing masama ang pagkakabagsak ko lalo na't nagmula ako sa mataas na lugar. Hindi man ako mamatay sa lunod, paniguradong mamamatay ako sa mga batong nakatago sa ilalim ng ilog na 'to. Kung hindi mababagok ang ulo ko,malamang mabubugbog ang katawan ko.

Siguro'y ganito nga kung nasa bingit ka na ng kamatayan. Wala ka ng ibang magagawa kun'di ang magdasal na sana'y mabuhay ka pa't mailigtas ng Diyos. Kung tinakda na ang iyong kamatayan, mangyayari't-mangyayari 'yon sa ayaw at sa gusto mo. Wala rin naman akong pinagsisihan sa buhay ko. Kung mamatay man ako, wala na akong magagawa kun'di ang tanggapin ang kapalaran ko.

Pinikit ko na lang ang mga mata ko. Pagkatapos ng ilang sandali, tumama ang napakalamig na tubig sa balat ko. Sa lakas ng pagkakabalugsok ko'y mabilis ang pagkakalubog ko pababa sa kalaliman ng ilog. Ang nakakapagtaka lang, walang kahit anong bato akong nararamdaman. Sa katunayan nga'y nakakakalma ang pagdampi ng tubig sa balat ko.

Susubukan ko sana'ng imulat ang mga mata ko, ngunit unti-unti akong nauubusan ng hininga. Marunong ako lumangoy, kaya kong sumisid ng malaliman, pero ang palaging problema ko ay ang pagkakaroon ng konting hininga sa ilalim ng tubig. Naging lupaypay ang katawan ko't tuluyan na akong lumubog pababa. Nakakapagtaka lang na kahit halos wala na akong malay, nakakaramdam pa rin ako sa paligid ko.

Matapos ang ilang sandali, naramdaman ko na lang na may humila sa kamay ko. Hindi ko man alam kung sino ito, alam kong dapat akong magpasalamat sa kaniya sa oras ng pagmulat ng mga mata ko. Hindi nagtagal, tuluyan ng nilamon ng kadiliman ang paningin ko't hindi ko na alam kung ano na ang nangyari sa'kin.

Naigalaw ko na lang ang daliri ko nang maramdaman kong may maliliit na kamay na tumatapik sa pisngi ko. Nangunot ang noo ko nang makaamoy ako ng isang usok na napakasakit sa ilong. Naimulat ko ang mga mata ko, at pagkatapos no'n ay nakarinig ako ng sigaw mula sa isang bata.

Luminous Academy: The IntellectualWhere stories live. Discover now