"Kaya isa sa pinaniniwalaan ko sa alamat ng apat na sirena na pumapatay talaga sila ng tao kada kabilugan ng buwan upang ialay sa kanilang ina" patuloy pa ni Batchoy. Ngayon ay sigurado na talaga sila na totoo ang alamat dahil kay Sirene.

Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit bigla siyang napatigil nang makita si Sirene na tuwid na nakaupo sa pinakadulong upuan habang nakapikit ang mga mata nito na animo'y nag-iisip ng napakalalim. "Pasalamat na nga lang tayo dahil mukhang hindi sumbungera si Sirene dahil paniguradong papatayin tayo ng nanay niya kapag nalaman nito na ninakaw mo ang mahiwagang perlas" wika pa ni Batchoy, inoobserbahan naman ni Nikolas ng mabuti si Sirene na walang imik na nakaupo lang doon at nakapikit pa ang mga mata habang napapalibutan ng mga babaeng pasahero na karamihan ay may mga anak na dala-dala.

"Posible bang hindi nalalaman ni Maguayan na nawawala ang mahiwagang perlas?" nagtatakang tanong ni Nikolas unti-unti na siyang nagiging interesado sa mahiwagang mundo na kinabibilangan ni Sirene.

"Iyon nga ang ipinagtataka ko, malakas ang kutob ko na lihim lang ang pagpunta ni Sirene dito sa lupa at hindi pa alam ng kaniyang ina ang pagkawala ng mahiwagang perlas" tugon naman ni Batchoy, sa pagkakataong iyon nagiging malinaw na kay Nikolas na hindi biro ang pagkawala ng perlas sa kanluran.


Ilang sandali pa biglang iminulat ni Sirene ang kaniyang mga mata at kunot noong nilingon ang babaeng katabi niya na nasa edad tatlumpung taon na habang may karga-karga itong sanggol na umiiyak.

"Hija, maaari mo bang kargahin saglit ang aking anak? kailangan ko lang samahan sa palikuran ang isa ko pang anak" pakiusap ng ale, hindi naman umimik si Sirene at nakatitig lang ito sa kaniya habang ang mukha nito ay walang emosyon.

"Nay, naiihi na po ako" tugon pa ng batang lalaki na nasa limang taong gulang pa lamang. May walong anak ang ale at karamihan sa mga ito ay mga batang paslit pa kung kaya't hirap na hirap ito sa pagaasikaso sa mga anak niya.

Dali-dali namang lumapit sa kanila si Nikolas at kinuha ang sanggol sa kamay ng ale na iaabot sana kay Sirene. "Ako na po ang magbabantay sa anak niyo" tugon ni Nikolas at nakangiti ito sabay karga sa sanggol. "Maraming Salamat hijo" tugon ng ale saka binuhat ang isa nya pang anak at dahan-dahan silang humakbang sa mga taong nakaupo sa lapag ng tren.

Naupo na si Nikolas sa tabi ni Sirene habang inaaliw niya ang sanggol na tumigil na sa pag-iyak mula nang kargahin niya ito. "Pigilan mo ang sarili mo kamahalan, siguro natatakam ka na ngayon sa batang ito" pang-asar pa ni Nikolas, isa sa dahilan kaya nagmamadali siya kanina na kargahin ang sanggol ay dahil baka kung anong gawin ni Sirene sa batang iyon.

Napakunot naman ang noo ni Sirene pero tinawanan lang siya ni Nikolas "Hep! Hep! Baka matakot ang bata kamahalan sa itsura mong iyan" pang-asar pa nito, akmang tatadyakan niya si Nikolas ngunit agad itong nakaiwas at inasar-asar pa siya na mukha siyang aswang.

"Napakatabil ng iyong dila" inis na tugon ni Sirene habang nakatingin ng masama kay Nikolas. Samantala, tatawa-tawa lang naman ang binata. Habang tumatagal ay mas nasasanay na siya na biro-biruin si Sirene lalo na't alam niyang di naman siya mapapatay nito dahil kailangan nilang mahanap ang perlas.

"Napakagwapo ko naman" hirit pa ni Nikolas sabay ngisi habang pinapatulog ang sanggol na karga niya. Hindi na lang siya pinansin ni Sirene at muli nitong pinikit ang kaniyang mga mata.

"Kamahalan, talaga bang kumakain kayo ng tao? at paborito niyo ang sanggol?" bulong ni Nikolas pero agad din siyang napaatras nang lumingon sa kaniya si Sirene.

"Mas paborito kong kainin at patayin ang mga walang kwentang tao tulad mo" mataray na sagot ni Sirene, medyo may kalakasan ang boses nito kung kaya't napalingon ang ibang mga pasaherong katabi nila. Agad namang tumawa-tawa si Nikolas dahil mukhang nawindang ang mga tao sa narinig nilang sinabi ng dalaga.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon