IRIS felt betrayed. Lahat pala ng mga tao sa kanilang pamilya ay nagsinungaling sa kanya. Niloko siya. Ang mga taong minahal niya at pinagkatiwalaan, ang mga itinuring niyang kakampi, sila pa mismo ang nanloko sa kanya. Akala niya ay mahal siya ng mga ito, at naniwala siyang nagmamalasakit sa kanya. Ngunit ang totoo, mula pagkabata ay pinapaniwala siya sa isang malaking kasinungalingan. Twenty-two years. Ganoon katagal naitago sa kanya ang katotohanan. 
Bumaba siya ng bahay nang walang tiyak na pupuntahan. Nadaanan niya si Tita Olivia sa isang panig ng hardin, tahimik na umiiyak. Hindi niya alam kung paano nito natiis na mawalay sa kanya na tunay pala nitong anak.
Nilapitan ni Iris ang tiyahin upang sumbatan. Ngunit hindi niya alam kung paano. Paano niya susumbatan ang isang taong mula sa kanyang pagkabata ay naging mapagmahal at mabuti sa kanya?
“Patay na ang ama mo bago pa kita maipanganak noon, Iris,” sabi nitong tila talunan. “Pinagbantaan ako ni Mama na itatakwil kung ipipilit kong iuwi ka rito. Ayaw niyang mapahiya sa mga kakilala namin. Mas ayaw niyang magkaroon ng bastardong apo. Natakot ako para sa kapakanan mo. Bata pa ako noon. Wala pang muwang sa buhay. Hindi ko alam kung paano kita bubuhayin. Kaya kahit ayoko, kahit labag sa loob ko, napilitan ako na iwan ka kina Ate. Pero sana paniwalaan mo ako. Walang araw na hindi ko pinagsisihan na hindi ko nagawang ipaglaban ang karapatan ko bilang ina sa iyo… I’m so sorry. Patawarin mo sana ako.”

HINDI pa nakalalayo ang F250 pickup truck na dala ni Iris nang marinig niya ang tila sipol na tunog ng nabutas na gulong. Ayon kay Tita Olivia ay si Lola Irenea mismo ang pumili ng sasakyang iyon bilang kapalit ng lumang Strada pickup ng mga ito.
Matapos makapag-isip-isip sa mga rebelasyong ipinagtapat sa kanya ni Lola Irenea ay muli siyang bumalik sa San Pablo. Tinanggap na lang niya sa sarili na si Tita Olivia talaga ang kanyang ina. Pinili na lang niyang patawarin ang mga ito. Ayaw na niyang magkimkim ng sama ng loob sa kanyang puso. Marami na siya niyon. Siya rin ang mahihirapan kung patuloy na paiiralin ang galit at sama ng loob. Sapat nang humingi ng tawad sa kanya ang mga ito. It was now time to move on.
Napilitan si Iris na itabi ang sasakyan at bumaba. Napangiwi siya nang makita ang salarin—isang kalawanging horseshoe nail  ang nakabaon sa hulihang gulong sa kaliwa.
“Na-flat ba, 'ne?”
Napapitlag si Iris sa tinig sa kanyang likuran. Suddenly, she was assailed by a feeling of déjà vu. Nangyari na iyon dati. Pero imposibleng maging iisang tao ang pagmulan ng linyang iyon. Kasalukuyang nasa Middle East si Rich kasama ng banda para sa isa uling concert tour.
Pumihit siya. At nang makita niya ang taong nagsalita ay naumid na ang kanyang dila; nanlaki ang mga mata.
“Kumusta ka na, Iris?” sabi ng nakangiting si Rich. Humakbang ito hanggang sa iilang dangkal na lang ang pagitan nila. Hindi nito inaalis ang tingin sa kanyang mga mata.
Iris, too, could not get her eyes off him. Dalawang buwan din silang hindi nagkita. Parang napakatagal nang panahon. Panahong naging kainip-inip at puno ng luha tuwing mahihiga siya sa gabi at magdarasal na sana ay magawa na ni Rich na mahalin siya. Panahong nakikipag-bargain siya sa Diyos na hindi man tuluyang mawala lahat ang pagmamahal ni Rich kay Geah, basta magkaroon lang sana ng kahit kaunting puwang sa puso nito para sa pagmamahal niya.
“I’ve missed you…”
I’ve missed you, too. Napakadali sanang sabihin. Kung hindi lang naging komplikado ang lahat. “'Di ba dapat, nandoon ka rin sa Middle East ngayon kasama ng banda ninyo?” tanong niya  sa halip.
“Si Emp muna ang pinasama ko sa kanila. Nagpaiwan ako. I figured, I had a much more important thing to settle here first.”
Kinabahan si Iris. Hihilingin na ba ni Rich na ipa-annul ang kasal nila? Hindi pa siya handa roon. Hindi siya magiging handa kailanman. Dahil sinong babae ang magiging handa na alisan ng karapatan sa pinakamamahal niyang asawa? Iyon pa lamang paghihiwalay nila ay balde-balde na yata ang kanyang nailuha. Paano pa kaya kapag nabura nang lahat ng ugnayan nila? “Ahm, k-kailangan kong makarating agad sa lawa. Magpapalit pa ako ng gulong.” Tinalikuran na niya ito at kinuha sa tool compartment ang tire wrench.
“Ako na ang gagawa,” boluntaryo ni Rich, sabay kuha ng tire wrench sa kamay niya bago pa niya magawang tumanggi. Kumuha na lang siya ng basahan na pagpupunasan nito ng kamay pagkatapos.
Walang nagawa si Iris kundi panoorin na lang ang pagpapalit ni Rich ng gulong ng pickup.
Maya’t maya ang baling ng tingin niya upang huwag lamang mapako ang mga mata sa kabuuan at sa payat ngunit batbat ng muscles na pangangatawan ni Rich. Ngunit maya’t maya rin namang bumabalik dito ang kanyang mga mata.
Nang minsang pagtingin ni Iris kay Rich ay siya namang pagtingin din nito sa kanya kasabay ng pagtayo. Hindi inalis ni Rich ang tingin sa kanyang mga mata. Hindi rin niya magawang alisin dito ang tingin.
“Good as new,” muwestra ni Rich sa gulong na pinalitan. Hinagip nito ang kabilang dulo ng basahang hawak ni Iris, nagpunas doon nang hindi pa inaalis ang tingin sa kanyang mga mata.
Muli, parang agos na bumalik sa isip ni Iris ang ganoong pangyayari noon, kung saan kapwa nakahawak ang mga kamay nila ni Rich sa telang pinagpupunasan ng kanilang mga kamay—kasabay ng mga nakapagpapatulirong pakiramdam. He had branded her heart early on. He had taken her heart captive even before they learned each other’s name.
Siya ang unang nakabawi. Binitiwan niya ang basahan. “Maraming salamat sa tulong mo. Bab—”
Namatay ang mga salita sa bibig ni Iris nang hawakan ni Rich ang kanyang kamay. “Mahal mo pa ba ako?” anitong nasa mga mata ang pagsusumamo.
Pagak na tumawa si Iris habang napapailing. Sinisikap lang niyang hindi mapabulalas ng iyak sa pag-akyat ng gakamaong harang sa kanyang lalamunan. Hindi muna siya dapat malunod sa emosyon. “Huwag mo akong tingnan nang ganyan, please.”
“Ng ano?”
“Nang ganyan na parang hindi mo alam ang nararamdaman ko.” May nakatakas na isang butil na luha sa kanang mata niya ngunit wala na siyang pakialam.
“Mahal mo pa rin ako,” mas mahina, ngunit mas tiyak na sabi nito.
“At hindi ko alam kung paano iwawala ito. Nakakatawa, hindi ba? Sinaktan mo na ang loob ko. Ipinamukha mo sa akin, silently, na si Geah pa rin ang mahal mo kahit hindi niya magawang suklian ang pagmamahal mo.”
“No, Iris—”
“Yes, Rich!” mas matapang na salag niya. Wala na rin siyang pakialam kung bumabasa na sa kanyang mukha ang mga luhang kung saan-saan na lang dumadaloy. “N-nakita mo lang uli siya, nawala na ang sigla mo. Nabura na ang tuwa sa mga mata mo na nakita ko noong maiwan tayo sa Singapore. K-kung nagawa ko man sigurong ipakalimot siya sa iyo, saglit lang… Saglit na saglit lang. Dahil nag-iba ka kaagad sa sasandaling panahon na nagkausap kayo.” Sumagap siya ng hangin dahil nahihirinan na siya ng sariling luha. “Pero hindi kita sinisisi. Masakit sa akin, oo, p-pero naiintindihan ko a-ang nararamdaman mo. Kasi pareho lang tayo… Kung paanong hindi mo magawa na kalimutan si Geah, hindi ko rin magawang iwala ka sa isip ko. P-pinipilit ko pero hindi ko makayang kalimutan na mahal kita.”
Hinatak ni Rich ang kamay niyang hawak nito hanggang sa mapaloob siya sa mahigpit nitong yakap. “I’m sorry, Iris… I’m so sorry. Forgive me, please?”
Sa dibdib ni Rich siya umiyak nang umiyak. Kahit hindi siya nito mahal, iisipin na lang niyang isa itong kaibigan na nang mga oras na iyon ay nagmamalasakit sa kanya.
Matagal sila sa ganoong posisyon. Nang magawa ni Iris na kumalas kay Rich ay inakay siya nito hanggang sa makapasok sila ng sasakyan.
“Totoong nagulo ang isip ko nang makita ko uli si Geah,” sabi ni Rich, hindi pa rin binibitiwan ang kamay niya kahit pareho na silang nakaupo. “Siguro nga tama ka. Mahal ko pa rin siya noon. Matagal ko siyang minahal. Kung ilang taon. Kaya nahirapan akong i-give up ang feelings kahit nag-decide na akong pakawalan siya. Umiisip ako noon ng paraan para maiwala na siya sa sistema ko nang magkita tayo sa Singapore. I grabbed the opportunity to marry you just so I could forget her… for opting for a clean slate. Dahil gusto ko nang talikuran ang nakaraan.
“Bata ka pa lang may soft spot ka na sa puso ko. Nagkataon lang siguro na una kong minahal si Geah. Pero dahil nahalata ko na noon pa lang, secretly, may feelings ka sa akin, I figured, magiging madaling mahalin ang isang taong hindi kailanman nang-reject sa akin. Kaya hindi naging mahirap sa akin na mag-alok ng kasal sa iyo.
“I was surprised when I married you. Oo at nariyan pa rin ang alaala ni Geah, pero naging masaya ako sa piling mo. Ipinadama mo sa akin kung ano ang pakiramdam ng pinahahalagahan. Ng inaalagaan. Ng minamahal…”
Naramdaman ni Iris ang pagkalat ng kilabot ng luwalhati. Luwalhating dala ng emosyong pumupuno sa magagandang mata ni Rich, na ang tingin ay nakatutok pa rin sa mukha niya.
“Kinailangan kong lumayo sa iyo para maramdaman ko ang pagkawala mo. Para mas makilala ko kung totoong pagmamahal na ba ang nararamdaman ko sa iyo. Ayoko lang namang dayain ka. You don’t deserve that, as priceless as you are.” Yumuko ito hanggang sa magkatapat ang kanilang mga mukha. Malapit na malapit.
Napalunok si Iris. Parang umaangat sa floorboard ang kanyang mga talampakan.
“Pagkatapos ng pag-uusap natin na ito, gusto ko sanang payagan mo na akong ilabas sa media na mag-asawa na tayo. Gusto ko nang planuhin natin ang magiging church wedding. Hindi na ako makapaghintay na sabihin sa lahat na ako ang winner sa puso mo.”
“Huu, kung hindi ko pa alam. Panay pa rin ang dikit sa iyo ng Frenchie Oreta na 'yon.”
“Pero alam niyang hindi ko siya gusto. Alam na rin niyang may asawa na ako.”
Tiningnan niya si Rich ng tinging hindi naniniwala. “Totoo?”
“Oo. Ginawa ko 'yon para tigilan na niya ang pag-iilusyon sa akin. Kaya nga sa susunod na concert namin, hindi ka na dapat mawala,” anitong naging pilyo ang hilatsa ng mukha. “Okay lang sa akin na bakuran mo ako para wala nang ibang makaporma dito sa guwapo mong asawa.”
Kinurot ni Iris ang tiyan nito. Umigtad si Rich habang tumatawa ngunit kaagad ding ibinalik ang mukha sa tapat ng kanyang mukha, muling sumeryoso.
“I was glad I left you. Mas malinaw na sa akin ngayon kung ano ang totoong feelings ko.” Marahang-marahan, dinampian nito ng halik ang pagitan ng kanyang mga kilay. “I love you, Iris… I love you with a love that is incomparable to any other. Because you never held back when you loved me. It was you who taught me how to really love someone. I can’t even compare it with the love I had for Geah. Nagawa mo nang burahin ang dating pagmamahal ko sa kanya.
“Siguro pagdududahan mo pa sa ngayon. But we have many years ahead of us. I love you truly, Iris. Let me prove it to you for the rest of our lives. Iyon ay kung tatanggapin mo pa itong sira-ulo mong asawa,” dagdag pa nito, nakangiti na uli. 
Natatawang isinubsob ni Iris ang mukha sa dibdib ni Rich. Muling pumalibot ang mga bisig nito sa kanya. Naramdaman niya ang marahang haplos ni Rich sa kanyang ulo. Sira-ulo na lang siguro siya kung hindi pa siya maniniwala sa sensiridad na nakita niya sa mga mata ng asawa, habang walang takot na sinasabi ang lahat ng nasasaloob nito. “Right,” anas niya habang nakakulong dito. “We have many years ahead of us… plenty of time to prove your love to me. And it starts here. Right now.”
Pagtingala ni Iris kay Rich ay sinalubong agad siya nito ng masuyong halik. Sinuyo nito ang kanyang mga labi, buong pananabik na pinalalim ang halik, hanggang halos mapugto na ang kanilang hininga.
“Thank you for taking me back…” maluha-luhang sabi ni Rich nang magkalas sila. “Salamat, mahal ko.”
Salamat. Marami nga palang dapat ipagpasalamat si Iris. Sa Diyos. Sa mga taong nagmalasakit at nagmahal sa kanya sa kabila ng kanya-kanyang kahinaan. At sa lalaking ito na isang matibay na patunay sa sikat na adage—Love begets love.

•••WAKAS•••

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 28, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

InstaGroom Series 1 Rich COMPLETEDWhere stories live. Discover now