To Find Myself

11.2K 252 3
                                    


CHAPTER NINE

“GUSTO mo ba ng fruit juice? Kaka-squeeze ko lang ng orange juice kung ayaw mo nitong iced tea,” sabi ni Iris kay Rich. Nagtataka siya kung bakit nito tinatanggihan ngayon ang ibinibigay niyang inumin gayong nasanay na siya na kapag hapon, lalo na at mainit ang panahon, ay naghahanap ng malamig na maiinom ang asawa. “Kung gusto mo igagawa na lang kita ng mango shake. May mga manggang binili si Mommy Lorna kanina.”
“I’m good, Iris. Don’t bother.”
Kahit nasasaktan sa inaasal ngayon ni Rich ay iniwan na lang niya ito. Baka kailangan lang ng kanyang asawa na mapag-isa para makapag-isip nang mabuti. Baka wala lang talaga sa mood na uminom ng juice kasi busog pa o umiiwas sa dagdag na calorie intake. Dapat niyang intindihin ang damdamin ng asawa. May ganoon talagang panahon sa bawat tao. Panahong ayaw na kinakausap o inaabala.
Marami pa siyang maaaring idagdag doon upang mapaglubag ang sarili. Marami pa siyang puwedeng ibigay na katwiran sa inaasal ngayon ng asawa para unawain pa ito.
But God, I’m hurting, too, Rich. Hindi naman ako ang may ibang minahal. Ako ang nagmahal sa iyo noon at patuloy na nagmamahal pa rin ngayon kahit alam kong siya pa rin ang mahal mo. May idea ka man lang ba kung gaano kasakit iyong tanggihan mo ang pagsisilbi ko? At habang sinasaktan mo ako kahit hindi mo alam na nasasaktan ako, dito sa puso’t isip ko, alam kong patuloy pa rin  kitang uunawain at iintindihin.
Ang masakit pa, hindi ko maaaring ipaalam sa iyo na nasasaktan ako, ngayong alam ko na kaya ka malungkot ay dahil inaalala mo siya. Dapat ko pa ring ipakita na masaya ako sa harap mo, kasi ayokong makonsiyensiya ka kapag nalaman mo. Ayokong kaawaan mo ako kaya pipilitin mong umakto na gaya ng dati—masaya sa piling ko.
Tumutulo ang mga luha ni Iris habang kinakausap ang imaginary Rich sa harap ng bintana ng kanilang silid. Ni sa hinagap, hindi niya inisip na darating pala ang pagkakataon na pipiliin niyang hindi magpakatotoo sa sarili, na magiging ipokrito siya, kung mangangahulugan iyon ng posibilidad na hindi magiging maganda ang pakiramdam ni Rich, kapag nalaman nito ang totoong kondisyon ngayon ng kanyang damdamin.
Naramdaman niyang pumasok sa silid ang asawa. Mabilis niyang pinahid ng mga palad ang magkabilang pisngi na basa ng luha.
“Hey,” sabi ni Rich nang lapitan siya. Lumapat ang braso nito sa kanyang balikat. “Is something wrong?”
Nakagat ni Iris ang ibabang labi sa lambing ng pagtatanong ni Rich. Kaya ba biglang lumambing ang asawa ay dahil na-realize na napasama nito ang kanyang loob? Ilang beses bang itatago ni Rich ang totoong nararamdaman sa mga ganoong paglalambing? “Panahon na siguro para ipaalam ko kina Mama na nandito na ako.” Sabi nga sa kanya ni Mikay noon, ano man ang mangyari, sa pamilya pa rin tatakbo ang isang tao sa panahon na kailangan nito ng makakaramay.
“Ikaw. Kung gusto mo na.” Humapit at pumisil ang palad nitong nakalapat pa rin sa punong-braso niya. “Kailan mo ba gustong pumunta tayo sa kanila?”
“Baka mas mabuti kung ako na lang muna ang magpakita sa parents ko. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon nila. I mean, baka may gawin sila na makasakit sa iyo,  makasira sa career at image mo. Mas mabuting hindi ko muna ipaalam na sa iyo ako nagpakasal.”
“Iris, hindi naman yata tama na pabayaan na lang kita na mag-isang humarap sa parents mo.”
Tiningnan niya ang asawa. “Kung normal lang ang lahat sa atin, Rich, papayag ako na sabay tayong humarap sa kanila.” Isasalang ba niya ang asawa sa posibleng pangit na reaksiyon ng kanyang mga magulang kapag nalamang kasal na sila? Hindi niya gagawin iyon. Tinulungan na siya ni Rich. Unfair sa palagay niya na idamay ito sa magiging galit ng kanyang mga magulang. Baka malagay pa sa alanganin ang career nito kapag nag-ingay ang mama at papa niya.
Bahagyang kumunot ang noo ni Rich. “Bakit, ano ba ang hindi normal sa atin? As far as I’m concerned, normal na mag-asawa tayo. Kaya nga magkasama tayo ngayon, 'di ba?”
Normal nga naman ang pagsasama nila. Pero mukhang normal lang dahil nagkakasundo sila, nagsisiping. Hindi niya makakalimutan na siya lang ang nagmamahal kay Rich at hindi ito sa kanya. “Ang sinasabi kong hindi normal, 'yong biglaan na pagpapakasal natin kahit hindi tayo naging mag-boyfriend-girlfriend.”
“Kahit naman hindi tayo naging mag-boyfriend-girlfriend, dati na tayong magkakilala at magkaibigan. Isa pa, alam ko nang crush mo ako noon,” pilyong dagdag pa nito na nakaani ng kurot sa kanya.
Bakit kaya kahit ang pinakasimpleng pagbibiro ni Rich ay sapat na para matunaw ang kanyang hinanakit?
Nasunod pa rin ang gustong mangyari ni Iris. Siya lamang ang nakipagkita sa mga magulang. Hindi siya pumayag na sumama si Rich. Una niyang pinuntahan ang tinitirhan ng ina.
Gulat na gulat ito nang makita siya, mahigpit siyang niyakap. “Kailan ka dumating? Bakit hindi na kita makontak? Saan ka pumunta noong umalis ka sa bahay ni Desmond?” sunod-sunod nitong tanong.
Hindi alam ni iris kung saan magsisimula. Naisip niyang simulan na lang sa pinakamalaking pangyayari sa kanyang buhay. “Nag-asawa na po ako, Mama.”
Nagulat ito. Inaasahan na niya iyon. Ngunit siya ang mas nagulat nang lumabas mula sa silid nito ang isang lalaking naka-shorts at sando lamang na parang doon na nakatira.
“Honey, siya ba ang sinasabi mong anak mo?” nakangiting sabi ng lalaki habang nakatingin kay Iris.
Honey?

InstaGroom Series 1 Rich COMPLETEDWhere stories live. Discover now