Nine

7K 114 14
                                    


"LAGI kong naaalala, ang kanyang tindig at porma. At kapag siya ay nakita, kinikikilig akong talaga..."

"Nararamdaman kong in love ka, Crizandra."

Natigil sa pagkanta si Zanny nang marinig ang tinig ng ina niya. Tumigil siya sa paghuhugas ng pinggan at nilingon ito.

"Nanay naman, kumakanta nga lang, eh."

"May halong kilig ang boses mo," pinandilatan siya nito.

"Wala kaya."

"I-record mo nga, 'tapos pakinggan mo."

Natawa siya. "Ang nanay talaga, masyadong madaming napapansin."

"Apektado ka sa sinasabi ko kasi totoo. At hindi ko na kailangan pang itanong kung para kanino ang kantang 'yan."

Napamaang na lamang siya sa nanay niya nang pakanta-kanta pa ito nang talikuran siya. Napapailing na bumalik na siya sa ginagawa. Tumpak na tumpak ang sinabi ng nanay niya sa kanya. Para kay JK nga ang kantang iyon.

Pangalawang araw na iyon mula nang magsimula ang semestral break. Noong nakaraang gabi ay tinawagan nga siya ni JK, katulad ng pangako nito sa kanya. Naalala pa niya kung gaano siya namumula habang kausap ito sa cell phone na para bang iyon ang unang pagkakataon na nakausap niya ang binata.

Pero ganoon talaga ang epekto nito sa kanya. Pakiramdam niya ay isa pa rin itong bituin na mahirap abutin, kaya every time na nakakausap niya ito, madalas sa minsan, ay natatameme pa rin siya.

Masaya rin siya dahil tinupad nito ang sinabi nitong tatawagan siya nito. Pakiramdam niya ay nakahiga sa isang malambot na California king bed ang puso niya dahil sa comfort at saya na nararamdaman niya nang mga oras na iyon.

Kinahapunan ay tinulungan na niya ang nanay niya sa paghahanda ng hapunan nila. Siya mismo ang nag-request dito na gulay na lamang ang lutuin nila. Na-miss na niya iyon. Nitong nakaraang buwan kasi ay madalas na karne o hindi kaya ay longganisa ang nagiging ulam nila. Mamaya pa ang dating ng tatay niya kaya sigurado siyang sila na namang dalawa ng nanay niya ang magsasalo sa hapunan.

Inihahanda na ng nanay niya ang paglulutuan at siya naman ay kasalukuyang naghihiwa ng gulay na lulutuin nila. Bahagya pa siyang napaigtad nang may marinig na nagta-'tao po' sa labas ng bahay nila. Kumunot pa ang noo niya nang makilala ang boses ng nasa labas.

"Crizandra, puntahan mo na sa labas, tingnan mo kung sino at kung ano ang kailangan," wika ng nanay niya sa kanya na mukhang napansin na nawala siya sandali sa isipan niya.

Napalunok pa siya nang makalabas na at makitang si JK nga ang nasa labas.

"JK, anong ginagawa mo rito? Hindi ka man lang nag-text," kinakabahang wika niya sa binata.

Paano ay malaking t-shirt at short lamang ang suot niya nang mga oras na iyon. Malay ba niya kung ano ang hitsura niya sa suot niyang iyon.

"Naisipan ko kasing sorpresahin kayo," nakangiti nitong wika sa kanya.

Nais niyang mapaupo at tingnan na lamang ang binata. Artistahin na artistahin ang dating.

"Halika, pasok ka na," aniya. Doon na lamang niya napansin na may dala pala itong supot. "Ano 'yan?"

"Kumakain ba kayo ng manggang hinog?" nag-aalangang tanong nito sa kanya sa halip na sagutin ang tanong niya.

Natawa siya. "Oo naman."

"May nakita kasi akong nagbebenta nito sa kanto kaya naisipan kong magdala," wika ng binata.

Nais matunaw ng puso niya sa sinabi nito. "Hindi ka na sana nag-abala."

Crizandra's Dream Come True  (Raw/Unedited) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon