Chapter I

6.1K 81 2
                                    

"NABABALIW ka na." Narinig ni Lola na akusa ng bestfriend-slash-housemate niya na si Liz matapos niyang kausapin ang handler na si Justo sa cellphone. Lola ang pangalan niya dahil ipinanganak siya sa unang death anniversary ng lola niya sa mother side. Maria ang pangalan ng nasira niyang lola pero dahil marami na daw Maria sa mundo, pinangalanan na lang siyang Lola.

"So?" Tinapon niya cellphone sa bulaklaking sofa na binili nila ni Liz sa garage sale at pumunta sa ref na siyang original niyang pakay bago pa tumawag ang handler.

Pero bago pa niya binuksan ang ref ay naharangan na siya ni Liz na kahit bading ay may itsurang alanging babae, alanganing lalake pero maaaring buntis. Naka-lip gloss kasi ito at liquid eyeliner na blue, na wala ring itinulong para maging soft ang hard features ng mukha. Lalakeng-lalake pa rin kasi ang dating niyon at ang tiyan nito, susme, parang kabuwanan na.

"Pang-ilang project 'yon na hindi mo tinaggap dahil sa echusera mong quarter-life crisis?" talak pa nito.

"Ewan." Dahil honestly, hindi niya na talaga alam. Basta ang alam niya ayaw niya na ang role na yaya at kahit sinabi pa ni Justo na imposibleng makakuha siya ng ibang role sa ngayon ay patuloy pa rin niyang tatanggihan ang mga alok nitong gig. Dahil puro yaya na naman.

Letseng role. Hindi magtatagal at bawat child star ay makakasama niya na sa eksena bilang yaya. Buti sana kung may dialogue, ang kaso ay madalas wala. Taga-patahan lang ng artistang bata, taga-subo ng kunwa-kunwariang dinner at ang shining moment niya ay makiiyak sa gumanap na anak-anakan ng isang has-been star dahil pinapalo kuno nito ang alaga niya. Iyon ay habang binibitawan ang linyang, Tama na po, sir. Tama na po...

Yuck.

"Ayoko nang maging yaya, Ang sabi ko kay Justo, kahit mahaderang kapit-bahay o taong-grasa, basta huwag yaya." Hinawi niya ang mala-bouncer na katawan ni Liz at binuksan ang ref. Kinuha niya doon ang latest niyang comfort food, ice cream.

Bumalik siya sa sofa at nilantakan iyon habang namimili ng papanooring piratang dvd gamit ang isang kamay.

"Sa lahat ng taga-showbiz, ikaw ang sumusuporta sa pirata." Tinabihan siya ni Liz matapos kumuha ng sariling kutsara at nakikain ng ice cream.

"Bakit? Ano namang magagawa nila kung pirata lang afford ng TF kong pang-yaya?" Hawak niya na ang pirated copy ng Black Swan at Zombadings. Alin kaya sa dalawa ang mas masarap panoorin ulit? Ang kalukringan ni Natalie Portman o ang wig ni Roderick Paulate?

"Sabi nga ni Justo, wait lang ang beauty mo sa break. Isipin mo na lang, at least may trabaho." Hindi na patalak ang tono ni Liz kundi mahinahon na ulit. Siguro kasi alam nitong wala itong mapapala kung tatalakan lang siya.

"Pero katulad nga ng sabi ko kay Justo, four years nang naghihintay ang beauty ko sa letseng break na 'yan. Kailan pa? In three years, kadiri na kung bibigyan pa ako ng ka-love team."

"Sino ba naman kasi ang nagpasok sa kukote mo na pang-love team ka? Malay mo naman kung mas effective kang kontrabida? Ano ba ang tawag doon sa mga nagpapasabog ng building kapag bored at busy lagi sa pagpapapatay sa bida?" Pumitik ito. "Character actress. Taray. Lola, the chacter actress." Inilahad pa nito ang mga kamay sa hangin na parang ini-imagine ang label niya.

Sinimangutan niya ito. "Paano ako magiging effective na anything kung na-typecast na ako bilang yaya?" Ang pinakamalupit siguro na wake-up call ay nang ma-reject siya sa VTR pa lang ng isang local brand ad dahil kilalang-kilala na daw siya ng madla bilang yaya. Paano daw niya ma-embody ang product at mapo-portray ang bagong role?

Nang lingunin niya si Liz ay halatang natigilan din ito. Ito kasi at si Justo ang kasama niya sa nasabing VTR. Pero bilang bestfriend ay kay Liz siya umiyak nang umiyak.

My Quarter-life Crisis Boyfriend (UNEDITED VERSION/PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon