Love Incantation

11.1K 331 11
                                    


CHAPTER 9

“ATE YUMI!”
Sinalubong niya ang nakabukang kamay ni Eira nang bisitahin niya ito sa gulayan ni Uncle Pacifico. Mas naging matingkad ngayon at mamula-mula ang balat nito na dati ay maputi lamang. Mukhang may epekto na sa kutis nito ang pagkain ng gulay.
Nagyakap silang magkapatid. Na-miss niya ang bunso nila. Constant reminder ang personalidad nito ng sweetness at cheerfulness. Parang may kulang na tuloy sa mansiyon dahil wala ito roon nang ilang araw.
“Kumusta ka na? Kumusta ka rito?” tanong niya sa kapatid.
Pinagalaw nito ang mga balikat. Nakangiti ito ngunit alam niya na gustung-gusto na rin nitong makabalik sa kanila. “Promise, puwede na akong mag-apply na endorser ng gulay sa Department of Agriculture pagkatapos ko rito.”
Tinanong niya kung nasaan na ang mga kasama nito roon.
“Si Tito Pacifico sumama sa nagha-harvest ng mga gulay sa taniman niya d’yan sa ibaba.”
“Eh, si… Alex?”
Kumislap ang magagandang mata ng kapatid niya pagkabanggit ng pangalan ng binatang pamangkin ni Uncle Pacifico. “Mamaya pa siguro siya pupunta rito.”
Iniabot niya kay Eira ang isang may kalakihang paper bag. “May etag at tapang mountain deer sa ilalim ng bag,” bulong niya rito kahit wala silang kasamang ibang tao sa paligid. Pinatungan niya ng mga paperbacks ang dalawang plastic ware na pinaglalagyan ng etag at ng tapang usa. Pinaibabawan pa niya iyon ng isang makapal na avocado green shawl na binili niya kahapon sa Sagada Weaving para kay Eira.
“Totoo, Ate Yumi?” pabulong din na sabi ng kapatid niya, tuwang-tuwa at pigil na umirit bago siya niyapos nang mahigpit. “Thank you!”
“Huwag mo lang ibubuko ang sarili mo kay Uncle Pacifico kapag kinain mo sa room mo ‘yan. Pareho tayong sasabit.”
“Promise, mag-iingat ako nang husto at uunti-untiin ko ito.”
“What about Alex?” balik ni Yumi sa nasimulang paksa kanina.
“What about him?” Overly innocent ang pagkakatingin sa kanya ni Eira. She was sure there is something going on between her sister and Alex.
“May na-colored na ba sa inyong dalawa? I mean,” aniya nang maalala ang termino ni Sky at ni Berry, “napasagot mo na ba?”
Tumawa si Eira. “Ayaw ngang sumagot. Wala daw kasi akong tinatanong.”
“Eh di tanungin mo na ng, ‘Will you marry me?’”
Mataginting ang halakhak ni Eira sa sinabi ni Yumi. Nakakahawa talagang tumawa ang kapatid niyang ito. There was never a dull moment with Eira. “Hayaan mo, Ate, dadagdagan ko pa ang ipon ko ng lakas ng loob at kapal ng face para maitanong ko na ‘yan sa kanya.”
“Siguro tadtad na ng mga stolen pictures niya ang cell phone mo, ano?” kunwa ay akusa niya.
“Ang galing mong manghula,” pag-amin nito kaagad. “Ang mahal naman kasi ng singil niya kapag nagpapaalam akong kunan siya ng pictures.”
“Patingin naman ng latest selfie picture n’yong dalawa, o.”
Inilabas nga ni Eira ang cell phone nito at ipinakita sa kanya ang mga kuha nito at ni Alex.
“Hmm… glowing ka sa lahat ng kuha mo rito, ah. At itong pose mo rito,” turo niya sa nakadikit na pisngi ng kapatid niya sa dibdib ni Alex, “parang pinagnanasaan mo na.”
“Ate Yumi, matagal ko na kaya siyang pinagnanasaan.”
Tumawa siya ngunit kinurot niya ito nang bahagya sa tagiliran. “Sis, payong ate lang, huwag mo kaagad isusuko ang Bataan sa lalaking ‘yan kahit pinagnanasaan ka na rin niya.”
Kay lakas ng tawa nito. 
 
“MANONG Samuel, pakibalikan n’yo na po ako rito kina Uncle Pacifico,” tawag ni Yumi sa driver gamit ang cell phone niya. Nakababa na siya noon sa bakurang kinaroroonan ni Eira. Lumakad na siya patungo sa kalsada para hindi na mahirapang magmaniobra ng sasakyan si Manong Samuel.
“Naku, Yumi, puwede bang maghintay ka lang sandali?” sagot ng driver sa kabilang linya. “Inutusan ako ni Mabel na bumili ng sariwang prutas para sa alkaline water niya. Pabalik pa lang ako ngayon sa mansiyon.”
“Ah, gano’n po ba? Sige po, maglalakad-lakad lang muna ako. Pakisalubong na lang po ako kapag nakaalis na kayo ng bahay.”
“Oo, Yumi. Pasensiya ka na. Akala ko kasi magtatagal ka. Sana pala dinaanan na kita d’yan.”
“Okay lang po, Manong Samuel. Hihintayin ko na lang po kayo.”
Naglakad na nga lang si Yumi. Mabagal niyang tinahak ang pamilyar na kalsada. Makulimlim na naman at tila nagbabadya ng ulan ang panahon.
Nasa isip pa niya ang masayang ngiti ni Eira. Mabuti pa ang kapatid niya, mukhang malinaw ang direksiyon ng love life. Samantalang siya…
Hindi alam ni Yumi kung paano siya nakauwi noon pagkagaling niya sa tree house. Iba’t ibang bagay ang pumasok sa isipan niya matapos niyang sampalin nang ubod-lakas si Jairus nang basta na lang siya nito halikan.
Ang alam lang niya ay tumakbo siya nang matulin palayo sa mansiyon ng mga McGranahan. Hindi niya pinansin ang pagtawag sa kanya ni Jairus. Mabuti na lang at nasalubong niya ang minamanehong pickup truck ni Brian. Ito ang naghatid sa kanya pauwi sa mansiyon.
Nagtungo si Jairus sa kanila kahapon, nakunsensiya marahil sa ginawa sa kanya. Hindi niya ito hinarap.
Aaminin niya sa sarili na nalunod siya ng halik ni Jairus. Ganoon naman siguro ang lahat ng babaeng umiibig sa lalaking hahalik dito. Ngunit bago pa lumalim iyon ay bumalik kaagad sa isip niya ang mga pang-iinsulto at pagpapahirap ng kalooban na ginawa nito sa kanya.
Hinalikan lang siya ni Jairus dahil siya na mismo ang naghahain ng pag-ibig dito. Sabi na nga ba maling idea ‘yong pinapagawa sa akin ni Lolo Alfonso na ligawan ko ang Herodes na ‘yon.
Sumagap ng hangin si Yumi. Maisip pa lang ang huling enkuwentro nila ni Jairus ay nagsisikip na ang dibdib niya. Malinaw na ibinasura na rin nito ang mahabang mga taon ng pagkakaibigan nila.
Lalo tuloy niyang na-miss si Lolo Alfonso. Laging may sagot ito sa mga tanong niya noon. Kapag nalulungkot siya at nakausap na siya nito, napapanatag agad ang kalooban niya. She badly missed the old man, and the security of his presence.
May nahagip na galaw ang peripheral vision ni Yumi. Paglinga niya sa kabilang panig ng kalsada ay naroroon at naglalakad din si Jairus!
Hindi malaman ni Yumi kung lalakad nang mabilis o aatras para bumalik na lang sa pinanggalingan niya. Nag-iisip pa siya nang biglang tumawid si Jairus. Saglit pa at kaagapay na niya ito at kaagad na nahawakan nito ang kamay niya.
“Bitiwan mo ‘ko!” piglas ni Yumi sa malabakal na pagkakakapit ni ng binata sa palad niya.
Hindi ito sumunod sa utos niya. “Please, Yumi, pakinggan mo muna ako. I’m sorry… I’m so sorry. Alam ko wala na akong karapatang mag-demand ng oras mo o makipagkita sa iyo pagkatapos ng ginawa ko. Pero kailangan nating mag-usap.”
“Para ano? Para insultuhin na naman ako? Para parunggitan at hiyain? Para… para s-samantalahin,” piyok niya.
Dinig niya ang paghugot at pagbuga nito ng hininga. “I won’t do that again, Yumi,” malumanay na sagot nito. “Not without your permission.”
Nagulat siya nang lumiko ito, tangay siya. Naroon na pala sila sa bakuran ng JM Architectural Designs. Sinubukan niya uli na kumawala sa pagkakahawak nito. “Hindi ako sasama sa iyo d’yan! Bitiwan mo ‘ko!”
Saglit na napatiim-bagang ito. “I promise you, kapag hindi ka pumayag ngayon na mag-usap tayo, hahalikan kita d’yan sa labas, sa maraming makakakita.”
Napaluha na siya kahit anong pagpipigil niya. “D’yan ka na nga magaling ngayon… ang mang-harass ng isang babaeng walang kalaban-laban sa iyo. Wala na talaga ang magalang at mabait na kababata ko noon.”
“Yumi, please…”
Naisip niya na hindi rin uubra ang gusto niya sa lalaking ito, kaya hindi na siya pumalag. Unfair talaga na isinilang na magkaiba ang physical strength ng babae at lalaki. Dapat sana kanina pa niya natakasan ito.
“Ano pa bang sasabihin mong napakaimportanteng bagay para dalhin mo pa ako rito?” Hindi pa rin binibitiwan ni Jairus ang kamay niya kahit nasa loob na sila ng inner room sa opisina nito.
Malamlam ang mga mata nito nang magsalita. Parang kasing lungkot ng panahon ang mukha nito. “Yumi, nakausap ko si Vera…”
Vera na naman. Nakagat ni Yumi ang ibabang labi.
“May nabanggit siya sa akin tungkol sa provision ng lolo mo para makuha mo ang mana…”
Nanlaki ang mga mata ni Yumi. Bakit pati ang isang personal at pampamilyang bagay ay sasabihin ng kapatid niya kay Jairus?
“Alam kong si Brian pa rin ang mahal mo. At… at payag ako na makipagkasundo sa iyo na magbalikan tayo para makuha mo ang pamana ni Lolo Alfonso.”

Barely Heiressess Book 2 - Yumi  (Published 2015)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon