A Kiss At Last!

10.3K 319 16
                                    


CHAPTER 8

“WOW! ANG ganda-ganda mo, Berry! Lalo kang gumanda nang maayusan,” nasisiyahang sabi ni Yumi habang palipat-lipat ang tingin niya sa kapatid at sa repleksiyon nito sa salamin. Suot na nito ang isang aqua green cocktail dress na nagpapakita ng magandang bone structure, ng mahuhubog na binti at hita, at bahagyang nagpapalitaw ng magandang cleavage. Nagdagdag pa sa kabuuang elegance nito ang five-inch silver strappy sandals.
Nakatitig si Berry sa sariling repleksiyon, tila hindi makapaniwala.
“Dapat makita ka rin ng ibang kapatid natin. Sandali, tatawagin ko sila.”
“Ay, teka lang, Ate Yumi, huwag na,” pigil nito sa kanya. “Ayoko. Baka hindi-”
“Ay hindi puwedeng ayaw mo. Dapat makita ka rin nila. Ang ganda-ganda mo kaya. Matutuwa rin ang mga ‘yon kapag nakita ka sa ayos mo ngayon. Lalo na siguro kung professional hair stylist at makeup artist ang mag-aayos sa iyo.” Dinampot ni Yumi ang cell phone at tinawagan si Vera. “Pakitawagin mo lahat ng mga kapatid natin na nandito sa bahay,” sabi agad niya nang sagutin ng kapatid ang call. “Pumunta kayo rito sa kuwarto ko ngayon. May surprise ako sa inyong lahat.”
Wala pang dalawang minuto ay kumakatok na sa pinto ng silid ni Yumi ang mga kapatid niya. Namangha ang lahat nang makita ang ayos ni Berry.
“Berry, ikaw ba talaga ‘yan?” nakangiting sabi ni Ailene habang humahagod ang tingin sa kapatid nila. “Parang Liz Clairborne ang suot mo, ah. Ang ganda.”
“Hindi ‘to, Lis Kleyrborn, Dior ‘to.”
“Uy, alam mo nang i-pronounce ang Dior, ah,” sabi ni Sky.
“Narinig ko lang kay Ailene ‘yon.”
Si Mabel ay lumapit pa at namamangha pa rin sa ayos ni Berry. “In fairness, Berry, fit sa katawan mo ang dress. Bagay sa ‘yo.”
“At, girl, sigurado ako, kung makikita ka lang ngayon ni Attorney, for sure hindi na no’n aalisin ang mga mata sa iyo,” susog pa ni Sky, dahilan para tuksuhin ng lahat si Berry, na tinawanan lang nito.
“Ate Yumi, ibibigay mo na lang ba kay Berry ang dress?” tanong ni Ailene.
“Oo. Medyo maluwag sa akin ‘yan kaya hindi ko pa naisusuot. Mabuti na lang nag-fit kay Berry.”
“Yumi,” agaw ni Vera sa pansin niya, “ito ba ‘yong dress na binili namin ni Aunt Carrie sa New York?”
“Hindi. ‘Yan ‘yong dress na niregalo ni Lolo sa akin noong bago ang engagement namin ni Jairus.” Wala nang kumibo pagkatapos ng huling sinabi niya. Alam na ng mga ito ang naudlot na kasal nila noon ng kababata.
Si Amira ang bumasag ng katahimikan. Nitong mga huling araw ay nagagawa na ng loner nilang kapatid na makihalubilo at magsalita o magkomento ng kahit iilang salita. “Sayang, hindi nakita ni Eira ang magandang ayos mo ngayon, Berry.”
“I’m sure compensated naman ng magandang view ni Alex- I mean ng magandang view sa gulayan ng uncle ni Alex ang mga na-miss dito ni Eira,” pilyang sahod ni Sky. Nasiko tuloy ito ni Mabel.
Ngumiti si Berry. “Okay na rin na wala siya ngayon. Siguradong hindi makakatiis ang isang ‘yon na kuhanan ako ng litrato.”
Sa sinabi ni Berry ay biglang inilabas ng mga ito ang kanya-kanyang cell phone at nagkakaingay na kinuhanan si Berry. Pati si Yumi ay kumuha rin ng litrato nito. Si Ailene ang pasimuno sa pagkuha ng selfie picture na kasama silang lahat, na ginaya rin ng lahat sa kanya-kanyang cell phone.
“Hay, ang hirap palang maging model,” kunwari ay reklamo ni Berry sabay paypay ng kamay sa sarili. Nagkatawanan tuloy sila.
Tama kayo, Lolo…  nasa puso ng mga kapatid ko ang pagmamahal para sa isa’t isa. Sa kabila ng lungkot na nararamdaman, sumilay ang ngiti sa mga labi ni Yumi.

KUMISLOT si Jairus sa pagkakasandal habang nakapikit sa headrest ng kanyang leather sofa. Naramdaman niya ang malambot na kamay na dumantay sa kanyang sentido. Napapihit siya. Si Yumi pala ang naroon. Naidlip marahil siya kaya hindi niya namalayang pumasok ito sa kanyang opisina. O sadya lang malakas ang tunog ng bumubuhos na ulan kaya hindi niya narinig ang pagdating nito. “Anong ginagawa mo?” sabi niyang pasita.
Bahagyang ngumiti sa kanya ang dalaga. “Sumasakit daw ang ulo mo, sabi sa akin ni Sangadil. Sumandal ka ulit at hihilutin ko.”
Ilang saglit na nakatunganga lang siya kay Yumi. Tama ba ang narinig niya? Pagkatapos ng pang-iinsulto niya rito noong isang araw ay binalikan pa rin siya nito? What is she really up to?
But the massage she was offering was very tempting. Itinaboy muna ni Jairus ang pagdududa at muli siyang sumandal sa inuupuan niya. Muling lumapat ang malalambot na kamay ni Yumi sa ulo niya.
“Mapipintog ang ugat mo sa ulo. Hindi kaya magkakasipon ka?”
Hindi siya magkakasipon. Hindi lang siya nakatulog kagabi kaya sumasakit ang ulo niya. Mula nang bumalik sa Sagada si Yumi ay nahihirapan na siyang matulog. Kahit ayaw niya, lagi na lang sumisiksik sa isip niya ang babaeng ito lalo na tuwing gabi at mahihiga na siya.
Masarap sa pakiramdam ang magagaang na kamay ni Yumi. Naaalala niya noong nag-aaral pa lang sila, may mga pagkakataon na sinasadya niyang magpahilot ng ulo rito kahit hindi sumasakit. Gusto lang niyang maramdaman ang dantay ng mga daliri nito sa ulo niya. It was always tender and comforting, healing the kinks of pain in his temple. Ngunit dahil sa kakaibang pakiramdam at init na idinudulot noon sa katawan niya ay hindi niya pinatatagal ang paghilot nito sa ulo niya.
Ngayon, kasisimula pa lang nito ay nararamdaman na naman niya ang kakaibang sensasyon. Nagsisimula nang mag-init ang bawat parte ng katawan niya kahit ulo lang niya ang nahahawakan nito.
He gritted his teeth. Tiniis niya ang nararamdaman hanggang sa abot ng kanyang makakaya, na wala pa yatang tatlong minuto mula nang magsimula ang pagmamasahe nito. Kung patatagalin pa niya ay baka ipahiya lang siya ng reaksiyon ng kanyang katawan sa mga hagod at haplos nito. “Okay, that’s enough!” Nagsisi agad siya nang makita ang reaksiyon ng dalaga sa pabigla niyang pagpapatigil dito. He saw raw pain in her lovely eyes.
“Ahm, J-Jairus… kasi…” Parang pinipigilan lang nitong mapabulalas ng iyak.
Nag-iwas siya ng tingin. Desire was eating him up it was so hard to restrain it. Kailangan niyang makaisip ng paraan para pigilan ang sarili. “Tigilan mo na ang panunuyo sa akin, Yumi. Lalo lang akong naaalibadbaran.”
Narinig niya ang pagsinghap nito.
Blast! Ano ba ang nasabi niya? “Look, gusto ko lang talagang magpahinga. You can go now. I just want to be alone.”
May pagmamadaling lumabas na si Yumi ng opisina niya. Hindi na nito nagawang magpaalam. At hindi na rin niya nagawang magpasalamat.
Kulang na lang ay sikaran ni Jairus ang sarili. Bakit ba lagi na lang hindi niya mapigilang saktan ang kalooban ng dalaga? Ganoon pa rin ba kalalim ang sakit na nakabaon sa puso niya?
Hurt people hurt people. Sino nga ba ang nagsabi sa kanya noon?  

LOLO, I’M sorry po… hindi ko na mapapangatawanan na gawin ang gusto n’yong mangyari… Sobrang pagtapak na po sa pagkatao ko ang ginagawa ni Jairus. Niyakap ni Yumi ang sarili. Giniginaw siya dahil nabasa siya ng malakas na ulan pagkababa niya sa opisina ni Jairus. Hindi na niya naalalang kuhanin ang payong na dala na isinabit ni Sangadil sa rack kaninang pagdating doon.
Panay ang patak ng luha niya habang nakalupasay sa tree house. Sa huling pagkakataon ay gusto pa rin niyang magtungo roon.
Aalis na lang siya. Mas kailangan siya sa Kanlungan. Doon may silbi ang paglilingkod niya, may saysay ang mga tulong niya. Dapat lang na manatili siya sa lugar kung saan siya kailangan.
Sa maiksing panahon ay nagawa na ng mga kapatid ni Yumi na mahalin at magmalasakit sa isa’t isa. Saan man sila mapadpad, nasisiguro niyang hindi na mawawala ang pagmamahal nila para sa isa’t isa. Ang pagmamahal ang tali na nagbibigkis sa kanilang walo. Sapat na iyon para kay Yumi. Maaari na niyang iwan ang mga ito.
Tungkol naman sa kanyang ama. Ipinauubaya na niya sa Diyos ang kapalaran nito. Dadalaw-dalawin na lang niya ito roon. Kung magigising pa ito ay Diyos lang ang nakakaalam.
Walang magagawa si Yumi kung hindi niya makukuha ang kanyang mana na nakasaad sa will ni Lolo Alfonso. Kakalimutan na niya ang pagiging sentimental at hahanap na lang siya ng ibang lugar na mapaglilipatan ng shelter. Oo nga at malulungkot siya para sa alaala ng kanyang Lola Talia na nagsikap na maitayo ang shelter sa lugar na iyon ng Pasong Tamo. Ngunit ganoon talaga siguro ang buhay. Hindi lahat ng bagay na gustong mangyari ng tao ay napagbibigyan ng kapalaran.
Panahon na para harapin niya ang mas mahahalagang bagay kaysa patuloy na tumanggap ng mga pang-uuyam at pang-iinsulto ni Jairus.
Panahon na rin para kalimutan niya ang pag-ibig dito.
Nagsikip na naman ang dibdib ni Yumi. Ayaw maampat sa pagbukal ang mga luha niya. Napakasakit para sa kanya na gawin ang disisyon. Iyon ang nagpapahirap nang husto sa kalooban niya – ang talikuran ang feelings niya kay Jairus at layuan ito.
Muli. Sa ikalawang pagkakataon.
“Yumi…”
Napalingon siya sa pintuan ng tree house. Tila nanlaki ang ulo niya sa pagkabigla na makita roon si Jairus, at makita siya nitong mukhang basang sisiw na tigmak ng luha sa mukha.
“I-I’m sorry… Ini-expect ko na mamayang hapon k-ka pa uuwi kaya-” pagkukumahog niya ng paliwanag sabay tayo. “I-it doesn’t matter… Paalis na rin ako.” Gumilid siya para makadaan dahil hindi man lang ito tumabi sa makitid na pinto ng tree house.
Pagtapat ni Yumi kay Jairus ay biglang sinaklit nito ang braso niya. Sa isang mabilis na kilos ay nagawa nitong hatakin siya hanggang sa mapasadlak ang katawan niya sa katawan nito.
Hindi pa siya nakakabawi sa pagkabigla ay bumaba na ang ulo nito sa mukha niya. Nayanig ang bawat himaymay at selyula ng katawan ni Yumi. Hinalikan siya ni Jairus sa lips!

Barely Heiressess Book 2 - Yumi  (Published 2015)  COMPLETEDWhere stories live. Discover now