Makalipas lamang ang ilang linggo ay nakatanggap ang architectural firm na pinagtatrabahuhan niya ng isang magandang balita mula sa General Manager ng Liberty Hotel. Nagustuhan kasi nito ang ginawa niyang design para sa itatayong bagong branch ng hotel sa may Pasig. Mukhang nagdilang anghel talaga ang mga kaibigan niya.

"MOMMY, tingnan mo." wika ni Riku habang hawak-hawak ang alaga nitong pagong. "Dadalhin ko si Charlie sa school."

Napatingala si Anise dahil sa sinabi ng anak, kasakuluyan niyang inaayos ang mga gamit na dadalhin ng mga anak sa eskwelahan. "Hindi pwede anak."

"Okay lang 'yon Mommy." Wika naman ni Raji na kasunod lang pala ng kakambal. "Sabi ni Carlo okay lang naman ng magdala ng pet sa school."

Hindi naman niya malaman kung matatawa ba siya o maiinis. Ang Carlo kasi na sinabi ng anak ay ang siyam na taong gulang na bata na nakatira sa bahay na katabi ng sa kanila. Lahat yata ng kalokohan ay gusto nitong ituro sa mga anak niya. Lumapit siya kay Riku at marahang kinuha ang pagong na hawak nito.

"Hindi mo pwedeng dalhin si Charlie sa school. Gusto mo bang mapagalitan ng magiging teacher mo?" Ito kasi ang first day ng kanyang kambal sa eskwelahan. Limang taon na kasi ang mga ito kaya nagpasya siyang ipasok na ang mga ito sa Prep school.

Makalipas ang tatlumpung minuto ay nasa tapat na sila ng classroom ng mga ito.

"Mommy, 'wag ka nang pumunta sa trabaho. Samahan mo na lang kami dito." Waring naiiyak nang wika ni Riku. Halatang kinakabahan ito.

Nahabag naman siya sa itsura ng anak. Tiningnan niya si Raji na kahit hindi nagsasalita ay alam niyang kinakabahan rin. Maging siya man ay kinakabahan rin para sa mga ito. Pinilit niyang ngumiti para pagaanin ang loob ng mga anak. "Hindi pwede anak. Kapag hindi nagtrabaho si Mommy, paano ko mabibili yung mga gusto niyo? At saka paano tayo makakapunta sa mga lugar na gusto niyong puntahan?" She kneeled and gave the both of them a quick hug. "Don't worry magugustuhan niyo dito."

"Ano ka ba naman Riku, big boys na tayo kaya dapat hindi ka na natatakot d'yan." Matapang na wika ni Raji. "'Wag kang mag-alala Mommy, ako na'ng bahala kay Riku."

Napangiti siya. Sa dalawa kasi, mas mature nang kumilos si Raji. Kahit na kung tutuusin ay mas matanda dito si Riku dahil ito ang unang ipinanganak. "Okay. Hintayin niyo ako mamaya ha? 'Wag kayong aalis hanggang hindi ako nadating."

"Opo Mommy!" magkasabay na wika ng kambal.

Kung tutuusin mas magiging madali ang lahat kung mag-ha-hire siya ng yaya para sa mga ito. Pero wala na siyang tiwala na ipaalaga sa ibang tao ang mga anak niya. Sinubukan niyang gawin 'yon nung dalawang taong gulang pa lang ang mga ito. Hindi na niya kasi alam kung paano pagsasabayin ang pagtatrabaho at pag-aalaga sa mga anak.

Kaya lang sa kasamaang palad, binalak pa nung yaya na kinuha niya na dukutin ang mga anak niya. Mabuti na lamang at nalaman niya agad ang binabalak nito bago pa man nito naisagawa ang plano.

Simula noon, hindi na siya kumuha pa ng yaya para sa mga anak. Kahit mahirap ay pinagsabay niya ang pagtatrabaho at pagiging ina. Mabuti na lamang at mabait ang boss niya. Pumayag kasi ito na sa bahay na lang niya gawin ang trabaho niya. Pero kapag kailangan niya talagang umalis para um-attend ng meeting o kaya naman ay mag-present ng scale model o pumunta sa mga site, pansamantala niya munang iniiwan ang mga anak sa pangangalaga ni Jenny. Kapit-bahay nila ito at siya ring nanay ng batang si Carlo. At dahil mahilig ito sa mga bata ay tuwang-tuwa ito kapag iniiwan niya sa pangangalaga nito ang mga anak.

Nang makapasok na ang kambal sa loob ng classroom, naglakad na siya palabas ng eskwelahan.

SAKAY ng kanyang kotse ay nagmamadali na si Anise papunta sa Liberty Hotel. Papunta siya ngayon sa nasabing hotel para makipag-meeting sa General Manager at sa head engineer na in-charge sa project. Kailangan niya kasing i-present ang scale model na ginawa niya.

What Love IsWhere stories live. Discover now