A Slice of Summer

127 6 2
                                        

April 2006

Habang nagmamaneho ako ng aking sasakyan ay pinatay ko na ang aircon at binuksan na lamang ang bintana. Ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas ay kaagad na pumasok sa loob ng aking sasakyan. Tumingin ako sa aking relos at nalaman ko na alas-dos na pala ng hapon. Ang kalangitan ay asul at ang araw ay nakangiti pero walang bahid ng kahit anong init ang aking nadarama. Kung tama ang hinala ko. Mukhang nasa Baguio na nga ako.
Limang oras ang binayahe ko upang balikan ang lugar na 'to. Walong taon na rin mula nang huling beses na nakatapak ako sa lugar na ito. Napakaraming mga ala-ala ang kaagad na bumalik pero habang tinatahak ko pa rin ang lugar kung saan ako tutungo ay naisipan ko munang bumili ng isang bouquet ng bulaklak sa gilid ng daan.
Matapos niyon ay muli kong ipinagpatuloy ang pagmamaneho hanggang sa narating ko na ang lugar na naging dahilan kung bakit ko binalikan ang lugar na ito. Ang simenteryo.
Hinanap ko agad ang lapida at sa pagkakaalala ko ay mayroong isang malaking puno ang nakatirik malapit dito. Umikot ako at nakapagtataka dahil hindi ko pa rin nakikita ang malaking punong iyon. Sakto naman at may isang matandang lalaki ang nagwawalis sa di-kalayuan at kaagad ko siyang nilapitan. Tinanong ko kung nasaan na ba ang punong iyon at saka niya sinabi na matagal nang pinutol ang iyon "Siguro mga anim taon na ang nakararaan mula nang tanggalin ang punong iyon dito." Wika niya. At saka niya naman itinuro ang lugar kung saan dating nakatayo ang punong iyon. Nagpasalamat ako sa kanya at saka ko na tinungo ang lugar na iyon.
Nang marating ko na ang tamang lugar ay saka ko napagtanto na napakarami na palang nagbago sa lugar na ito. Tinatanaw ko ang mga bundok sa kalayuan at kung dati ay maaliwalas itong tingnan. Ngayon ay nakaharang na ang mga maliliit na gusali at may mga sasakyan din ang umaakyat dito.
Pagkarating ko sa tamang lapida ay kaagad kong inilapag ang bulaklak. Dinama ko ang malamig na lapida hanggang sa bigla akong nakadama ng matinding kalungkutan. Pero gayunpaman. Hindi muna ako umalis sa lugar na ito at kaagad akong umupo sa tabi ng lapida. Tumanaw ako sa kabundukan at kalangitan hanggang sa nakita ko ang mga ibong malayang nagliliparan. "Parang kailan lang. Walong taon. Tila kahapon lang. napakabilis ng mga pangyayari."
Hanggang sa muli kong naalala ang mga pangyayari sa aking buhay na matagal ko nang itinago at pinanatili sa pinakasulok ng aking puso.
Sa pagkakaalala ko ay labindalawang taon na ang nakararaan mula nang mawala ang aking mga magulang. Nawala sila dahil sa isang aksidente. Ang kanila kasing sinasakyan na bus ay nahulog sa bangin doon sa may Marcos road. Sa pagkakaalala ko ay ibinalita pa iyon sa TV at naging usap-usapan din iyon dito sa Baguio.
Matapos mawala ng mga magulang ko ay natuto na akong mamuhay nang mag-isa. Pinagsabay ko ang pagtatrabaho sa aking pag-aaral at nakatulong din ang insurance ng aking ama para makatapos ako ng high school. Pero hindi pa iyon ang buong kwento.
Habang nasa high school ako. Third year kung aking maaalala. Nangyari ang pinakahindi ko malilimutang kabanata ng aking buhay.
Iyon ay noong nagkagusto ako sa kaklase kong si Tony. Araw-araw ko siyang pinadadalhan ng sulat at ipinapaabot ko ito sa kaibigan niyang si Jarold na tanging kaibigan ko rin simula noong first year high school pa lamang ako. Si Tony ang nagsisilbi kong inspirasyon sa aking pag-aaral bukod sa aking mga magulang pero ni isang beses ay hindi ko siya nakakausap. Sa mga sulat lamang ako umaasa na siya ay mapansin ako.
Tuwing alas-tres ng hapon. Magtutungo ako sa labas ng gate ng aming paaralan at doon ko tatagpuin si Jarold. Ibibigay ko sa kanya ang isang sulat na nakalagay sa isang intermediate pad at dadalhin niya naman ito kay Tony. Pero isang araw, nagtataka ako dahil kahit na mahigit sampung sulat na ang naipadala ko kay Tony ay hindi pa rin niya ako magawang pansinin.
Kaya noong isang maulang hapon. Muli kong tinagpo si Jarold at ipinaabot ko sa kanya ang isang papel na nakalagay sa envelope kung saan ay walang nakasulat. "Wow! Naka-envelope na ah. Mukhang seryoso na talaga 'to." Sa pagkakaalala ko ay iyon ang mga katagang sinabi niya sa akin.
Kaya ko iyon ginawa ay upang malaman ko kung nakakarating ba talaga kay Tony ang mga sulat na ginagawa ko para sa kanya. Matapos kong ibigay ang envelope kay Jarold ay kaagad na siyang bumalik sa loob ng campus upang iabot ang sulat kay Tony.
At saka ko siya sinundan.
Pinilit ko na hindi niya ako makita at habang sinusundan ko siya ay nagtatago ako sa mga puno hanggang sa siya ay pumasok na sa isang gusali kung nasaan naroon ang aming classroom. Sinundan ko siya sa loob hanggang sa nakarating na ako sa labas ng aming classroom. Si Jarold ay nauna nang pumasok habang ako naman naman ay nagtago sa tabi ng pintuan. Hanggang sa nakarinig ako ang mga tawanan sa loob. Sumilip ako sa maliit na bintana hanggang sa nakita ang mga mga kaklase kong si Walter, James, Dennis, Chris... at si Jarold. Sila ang mga kaklase ko na malakas nang-asar. Pero nagtataka ako kung bakit sila ang pinuntahan ni Jarold? At nasaan na ba si Tony?
"Ano naman na ba 'tong katarantaduhan ang sinulat niya?" Wika ni Chris.
"Ang tanga talaga niya. Akala ba niya magugustuhan siya ni Tony?" Sagot ni dennis.
"Siyempre hindi. Sino ba magkakagusto sa isang loner na babae at walang mga magulang?" Hanggang sa narinig ko ang boses ni Jarold na sinabi ang mga salitang iyon.
"Dali na. Buksan mo na 'yung sulat. Para malaman na natin kung ano naman na ba 'tong kabaliwan ang isinulat niya?" Pasigaw na sinabi ni Walter.
Bigla naman akong nakarinig ng papunit ng papel at saka na nila sinimulang basahin ang walang lamang sulat.
"Ano ba 'yan? Bakit wala? Niloloko mo ba ako Jarold?" Padabog na sinabi ni James.
"Bakit wala? Teka. Babalikan ko si Amber sa labas. Hahabulin ko siya." Sagot naman ni Jarold.
"Sige! Balikan mo siya. At kapag nagawa mo iyon. Papayag na kami na maging bahagi ka ng grupo namin." Wika ni Chris.
Kaagad na bumukas ang pintuan ng classroom hanggang sa nakita ko si Jarold. Napahinto siya at parang gulat na gulat nang makita niya ako na nakatayo sa gilid ng pintuan.
Pinagmasdan ko siya habang ang aking mga mata ay lumuluha. Tumalikod ako mula sa kanya at saka na ako tumakbo papalayo sa aming classroom habang ako ay lumuluha pa rin. Pinilit niya akong habulin hanggang sa labas pero hindi niya na ito nagawa nang sinugod ko ang napakalakas at napakalamig na ulan.
Tumakbo lang ako nang tumakbo hanggang sa marating ko na ang Burnham Park. Umupo ako sa gilid at patuloy pa rin ako sa paghagulgol. Ang mga tao ay pinagmamasdan ako pero wala akong pakialam dahil ang tanging naiisip ko lamang ay ang masakit na ginawa sa akin ni Jarold. Hindi ako makapaniwalang ginawa niya iyon sa akin. Siya na tanging kaibigan ko.
Hindi ko nararamdaman ang lamig ng panahon hanggang sa isang matandang babae na may dalang payong ang lumapit sa akin.
"Nako iha! Huwag kang magpapaulan. Baka magkasakit ka niyan. Napakalamig pa naman ngayon." Binigay niya sa akin ang isang payong at isang makapal na tuwalya. "Umuwi ka na iha sa inyo. Nag-aalala na ang mga magulang mo."
"Patay na po sila." Matapos kong sabihin iyon ay tumakbo na ako papalayo sa kanya at hindi ko na kinuha ang payong at tuwalya na inaalok niya sa akin.
Sa pagkakatanda ko. Hindi ako nakapasok kinabukasan dahil sa lagnat at sipon. Walang nag-asikaso sa akin kundi ang aking sarili. Wala rin ni isang kaklase ko ang dumalaw o nangamusta sa akin dahil si Jarold lang naman ang kaibigan ko. Pero matapos nang ginawa niya sa akin ay mukhang wala na akong kaibigan pa.
Lumipas ang dalawang araw. Muli na akong nakabalik sa paaralan at habang naglalakad ako sa hallway ay bigla akong sinalubong ni Tony. Sa sobrang gulat ko ay nanlaki ang mga mata ko at hindi ako makapagsalita. Uminit ang pakiramdam ko hanggang sa siya ay nagsalita.
"Maraming salamat pala sa mga sulat na ginawa mo para sa akin." Huh? At papaano? "Nabasa ko lahat iyon. Natuwa nga ako dahil sa buong buhay ko. Ikaw lang ang gumawa niyon. Nagulat nga ako kasi noong isang araw. Lumapit sa akin si Jarold at binigay niya sa akin ang lahat ng sulat na ginawa mo daw para sa akin. Sinabi niya rin sa akin na inipon niya muna ang mga sulat at humingi rin siya ng tawad dahil hindi niya napigilang basahin lahat ng ginawa mo. Maraming salamat ulit ah. Papasok na ako. Bye!"
Umalis si Tony habang ako naman ay nakaulala at nakatayo pa rin sa hallway.
Pagpasok ko sa classroom ay kaagad akong pinagtinginan ng mga samahan ni James. Napansin ko naman na hindi na nila katabi si Jarold at siya ay nakaupo na sa pinakalikod. Mukhang hindi na rin sila nag-uusap.
Matapos nang klase ay muli ko naman na nakasalubong si Tony. Inaya niya ako na sabayan siyang kumain sa canteen at kaagad din naman akong pumayag. Pero pagkarating namin sa lugar na iyon. Hindi ko inakala na kasabay pala naming kumain si Jarold kaya sinabihan ko si Tony na busog pa ako at walang gana. Sa katunayan ay ayokong makausap si Jarold matapos nang ginawa niya sa akin.
Naglakad ako papalabas at alam ko namang pinagmamasdan ako ni Jarold at alam niya rin na masama pa rin ang loob ko sa kanya.
Kinahapunan bago ako umuwi at maglakad pabalik sa bahay ay muli ko naman na nakasalubong si Tony. Nakangiti siya at may inabot siyang sulat sa akin. "Hmm. Sa totoo lang, hindi ako ang gumawa nito. May nagpapaabot lang sa akin. Sinabi niya na ibigay ko daw sa iyo. Pero... pero... Huwag mo munang babasahin ah. Gusto ko pag-uwi mo na lang." Matapos niyon ay tuluyan na siyang umalis.
Pag-uwi ko sa bahay kung saan mag-isa akong naninirahan ay inilapag ko ang gabihan kong noodles na nabili ko sa convenience store. Pumunta ako sa terrace at kaagad kong binuksan ang sulat.
Saka ko nalaman na galing pala ito kay Jarold. Binasa ko ang sulat at sa pagkakaalala ko. Siya ay humihingi sa akin ng tawad at pinili niya na hindi na makipagkaibigan kila James. Nagsisisi siya at gabi-gabi ding hindi nakakatulog nang maayos. Sinabi niya rin sa sulat na natutuwa siya dahil napapansin na ako ni Tony. Pero sa lahat ng isinulat niya. Ito ang pinakatumatak sa isip ko.
"...Mabuti na lamang at napapansin ka na ni Tony. Huwag ka na ring mag-alala dahil kahit kailan, hindi na ako mangungulit sa iyo. Alam ko namang hindi mo na ako mapapatawad pa dahil sa mga nagawa ko. Simula noong first year high school pa lang tayo. Alam mo naman na ikaw lang ang kaibigan kong babae. Hindi rin ako nakapag-isip nang maayos kaya ko iyon nagawa. Naiinggit kasi ako kay Tony. Kaya ko lang din ginawa iyon dahil gusto kita. Matagal na kitang gusto mula nang unang beses pa lang tayong magkakilala. Pero huwag kang mag-alala dahil alam kong hanggang doon lang iyon. Hindi ako ang taong para sa iyo dahil makasarili ako. Inisip ko lang din muna ang sarili bago ang mararamdaman mo. Sa katunayan nga, nagseselos ako dahil sa tuwing nababasa ko ang sulat na ginawa mo para kay Tony. Parang sinasaksak ang puso ko. Iniisip ko na sana para sa akin na lamang ang mga iyon. Gabi-gabi akong umiiyak sa tuwing naaalala ko na bakit sa kanya ka nagkagusto at hindi sa akin na matagal mo nang kasama at nakakausap. Pero wala akong magagawa dahil alam kong kahit kailan, hindi mo rin ako magugustuhan. Hanggang sa muli Amber. Hanggang sa susunod nating pagkikita. Paalam."
Matapos kong mabasa ang sulat na nakapagpaiyak sa akin ay napakarami kong napagtanto. Naging makasarili din ako dahil ginamit ko ang pagkakaibigan namin ni Jarold para mapansin ako ni Tony.
Pagbalik ko kinabukasan sa paaralan ay nagtaka ako dahil si Jarold ay wala na sa loob ng aming classroom. Hanggang sa nalaman ko sa adviser namin na siya pala ay umalis na patungo sa Canada upang doon ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral kasama ang kanyang mga magulang.
Nalungkot ako nang sobra dahil noong araw din na iyon dapat ay papatawarin ko na siya.
Natapos naman na ang isang hapon at naglakad na ako pauwi. Naaalala ko pa ang mga masasayang ala-ala na nabuo namin ni Jarold. Lalo na noong dumaan kami sa isang animal shelter noong second year high school pa lamang kami. Pinagmamasdan niya noon ang mga aso at sinabi niya na kapag dumating na ang tamang panahon. Reregaluhan niya ako ng isa nito simbolo ng pagkakaibigan namin.
Pero hindi iyon nagkatotoo dahil isang buwan matapos niyang sabihin iyon ay tuluyan nang nagsara ang animal shelter at ang mga aso roon ay inilipat na ng ibang probinsya. Nalungkot noon si Jarold pero sinabi ko sa kanya na huwag mag-alala dahil marami pa namang pagkakataon na makakakuha siya ng asong maibibigay sa akin.
Alas-singko na ng gabi nang marating ko ang bahay at nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Jarold na nakatayo sa gate ng bahay ko. Sa kanyang tabi ay nakaabang ang isang sasakyan na mukhang maghahatid sa kanya patungo sa airport at buhat-buhat niya din ang isang cute na shih tzu at sa pagkakaalala ko ay ito ang asong matagal na niyang alaga. Tinanong ko kung bakit siya narito at sinabi niya sa akin na wala na siyang ibang malapitan kundi ako na lamang.
Sa pagkakatanda ko ay hindi niya ako matitigan sa mga mata at mukhang nahihiya pa siya. Pero sa sobrang cute ng dala-dala niyang aso ay hindi ko napigilang hawakan ang ulo nito at kargahin na rin. Tinanong ko siya kung bakit mayroon siyang dalang aso at saka niya sabi sa akin ang dahilan.
"Kung ayos lang sana sa iyo Amber. Gusto kong ikaw ang mag-alaga kay Lily hanggang sa makabalik ako."
"Uhm. Okay lang naman sa akin. Ang cute-cute niya eh. Ilang araw ka ba mawawala?"
"Medyo matagal dahil doon na kami titira. Doon na rin ako mag-aaral ng kolehiyo. Mukhang matatagalan ang pagbalik ko. At hindi ko rin alam kung makakabalik pa ako. Depende sa kung ano man ang mangyayari sa hinaharap."
Bigla akong nalungkot nang malaman ko na matatagalan ang kanyang pagbalik. "Mag-iingat ka Jarold. Saka huwag ka mag-alala dahil aalagaan ko si Lily na parang anak ko. Palagi din akong magsusulat sa iyo."
Siya ay napangiti at hinalikan niya si Lily. "Kahit hindi na Amber. Sa iyo na si Lily. Palagi mo siyang pakainin at mahilig din siyang makipaglaro." Huminga nang malalim si Jarold at muli siyang nagsalita "Hanggang dito na lang ako Amber. Sana sa muli nating pagkikita maging matagumpay ka at sana maging kayo ni Tony. Paalam at salamat sa pagkakaibigang ibinigay mo sa akin."
Matapos niyang magsalita ay bigla niya akong niyakap nang mahigpit habang si Lily ay napapagitnaan namin.
Siya ay muling sumakay ng sasakyan at tuluyan na siyang umalis. Siya ay nakangiti pero kitang-kita ko sa kanyang mga mata na ito ay pinepeke lamang niya. Alam kong hindi siya masaya.
Lumipas ang mga araw. Tila parang mas nagkaroon ng saya ang buhay ko dahil kay Lily. Sa tuwing tinitingnan ko siya ay lalo kong naaalala si Jarold. Buwan-buwan akong nagpapadala ng sulat upang balitaan si Jarold sa kalagayan ni Lily pero hindi siya sumasagot sa mga liham na ipinapadala ko.
Katulad ng ipinangako ko kay Jarold ay itinuring ko na para ko nang anak si Lily.
Ang pagkakagusto ko naman kay Tony ay unti-unti nang nawala. Dumating ang pagiging fourth year high school ko at si Tony ay tuluyan nang nag-transfer sa ibang paaralan. Tuluyan na akong nawalan ng mga kaibigan pero si Lily ay nanatili sa akin. Lumipas din ang mga araw ay mas lalo kong naalala si Jarold. Kumusta na kaya siya? Nag-aaral kaya siya nang mabuti?
Hanggang sa dumating ang isang gabi...
Sa pagkakaalala ko ay Pebrero iyon taong 1997 noong magising ako mula isang mahimbing na pagkakatulog. Si Lily kasi ay biglang nagkasakit nang malala at siya ay suka nang suka. Nawala ang kanyang sigla at ang kanyang mga mata ay tila lumuluha. Sa sobrang pag-aalala ko ay kaagad ko siyang dinala sa pinakamalapit na veterinarian sa aming lugar. Sobrang nag-aalala ako sa kalagayan niya hanggang sa nanatili na lang ako sa clinic nang magdamag. Nakatulog na ako sa sofa hanggang sa ginising ako ng doktor at sinabing wala na si Lily. Siya ay binawian na ng buhay...
Pumunta ako sa kwarto kung saan siya nakahiga at kaagad akong naiyak. Tumakbo ako papalapit sa kanya at niyakap ko siya. Pinipilit ko siyang gisingin pero kahit anong gawin ko ay hindi na siya bumabangon pa. Hinalikan ko ang kanyang ulo hanggang sa bumulong ako sa kanya na sana ay muli ko siyang makita at makalaro. Ang pagkawala ni Lily ay pareho sa naramdaman ko nang mawala ang mga magulang ko. Sobrang sakit at sobrang hirap pero kailangan kong makaya.
Pinilit kong magpakatatag kahit na ako ay mag-isa na lamang. Palagi akong pumupunta sa iba't ibang lugar dito sa Baguio para kahit papaano ay mawala ang kalungkutan ko. Pero kahit saan ako magtungo ay nakasunod ang napakalamig na hangin na dumadapo sa balat ko. At katulad ng hangin. Palagi ring nakasunod ang kalungkutan sa puso ko.
Nagpadala ako ng isang liham para kay Jarold at sinabi ko na wala na si Lily pero lumipas na ang mga araw at buwan ay hindi ako nakarinig ng isang sagot mula sa kanya. Hindi ko na alam kung nakakarating pa ba sa kanya ang mga sulat na ginagawa ko o hindi na.
Lumipas pa ang mga araw hanggang sa dumating na ang high school graduation. At saka na dumating ang pinakamalaking pagbabago sa buhay ko. Iyon ay ang kolehiyo.
Ako ay nagtungo sa Manila upang doon magsimula muli nang panibago kong buhay. Inisip ko na sa lugar na ito mabubura ang mga masasakit na ala-alang nabuo sa pagkabata ko sa lugar na iyon. Ako ay naging scholar at ang mga magulang ko na lamang ang nagsilbi kong inspirasyon. Nagkaroon ako ng mga kaibigan at ang buhay ko ay mas nagkaroon ng kulay. Nabalitaan ko na si Tony raw ay maagang nag-asawa at mayroon nang dalawang anak. Siya ay hindi nakatapos ng pag-aaral at nagtatrabaho sa isang Factory sa La Union.
Pero kahit na marami na ang nagbago. Araw-araw pa ring pumapasok sa isipan ko si Jarold. Naaalala niya pa kaya ako? Wala naman akong ibang magawa kundi ang tumingala na lang sa mga bituin. Umaasang nakatingin din siya...
Lumipas pa ang mga taon hanggang sa ako rin ay nakatapos na ng pag-aaral at bumuo nang isang maliit na negosyo. Isang souvenir shop mula sa Baguio na ngayon ay mayroon nang apat na branches sa Metro Manila at balak ko ring magdagdag sa mga kalapit na probinsya. Nagtayo rin ako ng isang animal shelter dito sa Baguio para sa mga hayop na walang kumakalinga. Binuo ko iyon dahil sa pagmamahal ko kay Lily.
Ngayon ay narito ako sa Pet Cemetery sa Baguio kung saan nakalibing si Lily at ito rin ang unang beses na nakabalik ako sa lugar na ito mula noong ako ay high school pa.
Habang inaalala ko ang mga pangyayaring iyon sa buhay ko ay hindi ko mapigilang mapahawak sa lapida ni Lily. Ibinulong ko sa hangin na tila parang kailan lang at napakasariwa pa rin sa akin ng yugto na iyon sa buhay ko. Bumalik ako sa lugar na ito upang alalahanin ang lahat bago pa man ako tuluyang lumisan patungo sa Amerika upang doon na mamuhay nang tahimik.
"Paalam Lily. Alam kong magkikita pa rin tayo. Hindi man dito sa mundo pero alam ko na isang araw, muli tayong magtatagpo. Hanggang sa muli." Mahina kong sinabi sa lapida. "At ikaw rin Jarold. Alam kong magtatagpo rin tayo. Hindi siguro ngayon o bukas pero baka sa likod na lang ng mga ulap..."
Tuluyan na akong tumayo at bago pa man ako makabalik sa aking sasakyan ay bigla akong sinalubong ng matandang lalaki na kanina ay nagwawalis. Siya rin ang pinagtanungan ko ng direksyon kung saan nakatayo ang dating puno sa simenteryong ito kanina.
"Magandang hapon iha. Ikaw pala ang may-ari sa nakalibing roon?" Sabay turo sa lapida ni Lily.
"Opo. Ako nga po. Dinalaw ko lang 'yung alaga ko kasi aalis na ako patungo sa Amerika." Sagot ko sa kanya.
"Ahh. Mabuti naman. Alam mo kasi. Palaging may dumadalaw diyan sa libingan ng alaga mo. Sa pagkakaalala ko iha. Mga tatlong beses sa isang taon. Isang matangkad na lalaki tapos palaging may dalang bulaklak at pagkain ng aso. Kapag lanta na 'yung bulaklak at bulok na 'yung dog food. Kinukuha ko na dahil baka pugaran na ng mga uod 'yung libingan ng alaga mo."
At saka pumasok sa isipan ko si Jarold.
"May pagkakataon ngang nakausap ko siya eh. Sinabi niya na galing pa siya ng Canada at nagbabakasyon lang dito sa Baguio para dalawin 'yung alaga mo. Pero noong pinakahuling punta niya. Noong Enero. Sinabi niya na iyon na ang huling beses na pupunta siya sa lugar na ito dahil siya ay ikakasal na at hindi na babalik sa lugar na ito. Binigyan pa nga niya ako ng pera at sinabi na palagi ko sanang lilinisin 'yung libingan ng alaga mo. Mukhang mayaman nga at napakabait rin."
Si Jarold nga.
Nagpasalamat ako kay manong at inabutan ko rin siya ng pera. Sinabi ko na taon-taon akong magbibigay ng pera sa kanya upang mapanatili niyang malinis ang libingan ni Lily at maging ang ibang mga alagang nakalibing sa lugar na ito.
At tuluyan na akong nagpaalam sa kanya at sumakay sa aking sasakyan.
Pinaandar ko na ang makina ng aking sasakyan at tuluyan na akong lumisan. Tuloy-tuloy lang ang biyahe ko habang ang malamig na simoy ng hangin ay tuluyan nang napalitan ng isang mainit. Senyales na wala na ako sa Baguio.
Pero muli kong ipinarada ang aking sasakyan sa gilid ng daan at lumabas saglit upang tanawin ang mga bundok kung saan nakatirik ang napakaraming mga bahay. Tumigil muna ako sa aking biyahe upang tuluyan na akong makapagpaalam nang maayos sa lugar na ito.
Ngumiti ako at inalala na ang biyaheng ito ay parang buhay ko. May pagtigil at may pagbalik pero ang mahalaga ay tuloy-tuloy lang. May mga pagkakataon din na may makakasalubong tayo sa daan. May mga makikisakay at bababa rin dahil iba ang direksyon ng kanilang patutunguhan.
Muli na akong bumalik sa loob ng sasakyan at tuluyan ko na itong pinaandar. Hindi na rin ako hihinto upang mas maaga akong makauwi sa lugar na aking pupuntahan. Binuksan ko rin ang radyo upang makinig sa kaunting musika. Iyon ay upang iba naman ang maalala ko.
Siguro... ang radyong ito ay iiwan ko na ring nakabukas hanggang sa makauwi ako.

A Slice of Summer (Short Story)Historias para obsesionarse. Descúbrelo ahora