"Tapatin mo nga ako, Nawala ba talaga ang pilak mo, o baka naman sinadya mong iwala?" Napakurap ito. Umiling ang matanda at tinuro ako.

"S-sinungaling!" Hinigit ni Sapphira ang dulo ng damit ko kaya napayuko ako upang tingnan siya. Ang dungis ng mukha niya, ngunit kapansin-pansin ang mga mata niyang nakikiusap na tigilan ko na kung ano ang ginagawa ko.

"Nahihibang ka na ba? Bakit naman ako magsisinungaling na nawawala ang pilak ko?" Napangisi ako sa sinabi niya.

"Kung gahaman ka sa pilak, malamang gagawin mo ang bagay na 'yon." Nagsimulang magbulungan ang kapwa niya tindera at tindero sa isang tabi. Naririnig ko ang mga bulungan nilang sinasabi na gahaman nga sa pilak ang matandang 'to.

"Kung magkukunyari kang nawala ang tatlong pilak mo, alam mong may rerispondeng kawal. Hahanapin nila ang nagkasala, at kung mahanap nila, sasabihin mong ibalik ang nawawala mong tatlong pilak. Sa gano'ng sitwasyon, madadagdagan ang pilak mo. Hindi ba?" Nakita ko ang pagkurap ng mga mata niya, kasabay nito ay ang sunod-sunod niyang paglunok dahil sa sinabi ko.

"Hindi ba mga kawal?" Hindi nakasagot ang mga ito, bagkus ay iniwas na lamang nila ang kanilang paningin sa ibang direksyon.

"Sabihin na natin na tama ka, ngunit nasaan ang iyong patunay? Ang aliping gaya mo ay walang karapatan upang humingi ng hustisya sa kahit ano ma'ng bagay." Napalingon ako sa nagsalita. Napahigpit ang pagkapit ni Sapphira sa kamay ko nang marinig ang boses na 'yon.

"Komandante!" Sabay-sabay na nagsiyukuan ang mga kawal. Kahit ang mga nakikinood ay nagsiyukuan din upang magbigay galang. Kahit si Sapphira ay nanginginig na niyuko ang ulo niya.

"Kung mabibigyan mo ako ng matibay na katunayan na hindi ang paslit na yan ang nagnakaw, papakawalan ko siya. Ngunit kung hindi mo ako mabigyan ng sapat na katunayan, gugulong ang leeg mo sa maalikabok na sahig na 'to." Napalunok ako. Masyadong seryoso at maawtoridad ang boses niya. Hindi na ako magtataka kung bakit ganito siya galangin ng mga tao rito.

Nagsimulang naglumikot ang mga daliri ko habang nag-iisip ako ng gagawin. Kailangan mo mag-isip Lucy, tumatakbo ang oras. Tinukod ko ang kaliwang tuhod ko sa sahig upang makapantay ang tangkad ni Sapphira. Hinawakan ko siya sa balikat, at nginitian.

"Magtiwala ka kay ate ha?" Tumango ito kaya napangisi ako.

Tumayo ako at hinarap ang lalaking tinawag nilang komandante. Sa lugar kung saan nagtitinda ang matanda, malabong may pagtataguan siya ng pilak. Malaki ang posibilidad na nakatago lang ito saan ma'ng bahagi ng kasuotan niya.

"Kinakailangan magtanggal ng saplot ang dalawa." Mahinahon kong suhestyon. Napasinghap ang mga tao sa paligid, ngunit kapansin-pansin ang pamumutla ng matanda dahil sa sinabi ko.

"Kaya mo ba'ng magtanggal ng saplot sa harap ng maraming tao, alipin?" Tanong ng isang kawal sa akin. Tumango ako ng walang pag-aalinlangan.

"Mapatunayan ko lang na wala akong sala, gagawin ko lahat. Hindi ba, tanda?" Nagsimulang magtanggal ng damit si Sapphira. Nang i-abot ko ang damit niya sa mga kawal, agad nilang sinuri kung may pilak ba roon o wala.

"Walang pilak Komandante." Pagkokompirma nito. Ngayon ay nakatingin na kaming lahat sa matanda. Hinihintay naming lahat na magtanggal siya ng saplot sa katawan.

Pagkatapos ng ilang sandali, akmang tatanggalin na niya ito, nang bigla siyang tumakbo palabas. Napangisi ako sa isip ko, sinasabi ko na nga ba. Bago pa man siya mahabol ng mga kawal, may lalaking humablot sa matanda at pinadapa ito sa maalikabok na sahig. Siya yung lalaking kanina pa balisa sa isang tabi.

"Nagkakaliwanagan na ba tayo rito Komandante?" Imbis na sagutin ako, tinalikuran niya lang ako na para ba'ng walang nangyari. Dinampot nila ang matanda at kinaladkad ito palabas ng sirang tarangkahan.

Yumuko ako, at binihisan si Sapphira habang pinupunasan ang mga luha niyang natuyo na. Mas lalong naging madungis ang mukha niya. Mabuti't hindi siya nag-aamoy malansa kahit na ang dungis-dungis niya. Nakakita ako ng pares ng paa sa tapat ko kaya inangat ko kaagad ang tingin ko.

"Ang tapang mo," sabi nito. Tumayo ako at tinitigan siya ng mabuti. Matapang?

"Kung hindi ako dumating, malamang ay nakulong na si Sapphira. Bakit hindi mo sinabi na may alam ka?" Kinagat nito ang ibabang bahagi ng labi niya.

"Paano mo nalaman?" Pinagkrus ko ang braso ko habang tinitingnan siya ng mata sa mata.

"Sinasabi ng mata mo." Matapos ko iyong sabihin, hinawakan ko ang kamay ni Sapphira at naglakad na palabas ng tarangkahan.

Tahimik lang kami ni Sapphira habang tinatahak ang madilim na gubat pabalik sa maputik na kinatitirikan ng bahay nila. Walang kahit na anong ilaw ang nagbibigay liwanag sa daan namin bukod sa maliwanag na buwan.

"Ate Lucy," Napalinga ako nang tawagin niya ako.

"Bakit?"

"Ang tapang niyo po." Natawa ako. Buong buhay ko, ngayon lang ako naging matapang. Naging duwag na ako, at alam ko kung ano ang pakiramdam ng pagiging duwag. Walang-wala ka'ng mararating sa buhay, at puro sakit lang ang dadanasin mo mula sa matatapang na tao.

"Hindi masama ang lumaban Sapphira, lalo na kung alam mo'ng tama ka." Hindi ito sumagot sa sinabi ko. Tumigil siya sa paglakakad kaya napatigil din ako.

"May problema ba?" Umiling siya. May kinuha siyang isang lumang papel mula sa bulsa niya, at binigay ito sa akin. Lukot-lukot na ito at marumi pa.

"Lum...Lumi...Lumin...Ano ba 'to?" Inangat ko ang papel upang maaninag ang nakasulat dito. Hindi na kasi malinaw ang mga letrang nakaimprinta dahil mukhang nabasa ito.

"Luminous Academy?" Taka kong basa rito. Binalingan ko ng tingin si Sapphira.

"Gusto mo ba'ng mag-aral dito?" Agad siyang umiling.

"Nababagay ka sa paaralang 'yan Ate Lucy." Nakangiti niyang wika.

"Hindi ba't pinagbabawal ang edukasyon sa mga alipin?" Tumango siya, ngunit may bakas pa rin ng ngiti ang mga labi niya.

"Tama po kayo. Ngunit sa susunod na mga araw, may paligsahang gaganapin. Dalawa sa maswerteng alipin ang makakapasok sa loob ng Academia kung saka-sakaling manalo man sila sa paligsahang gaganapin." Napataas ang kilay ko. Sa dinami-rami ng mga alipin, dalawa lang ang hahayaan nilang makapasok sa paaralang 'yon para makapag-aral?

"Nababagay ho kayo roon Ate Lucy. May kakaiba sa'yo. Isa ka nga'ng alipin ngunit may kakaiba ka'ng angking talino, at bukod doon, hindi mo alam kung anong abilidad ang meron ka. Matutuklasan mo 'yon kung makakapasok ka sa Academia." Napanga-nga ako sa mga katagang lumabas mula sa bibig ni Sapphira. Nakakasigurado ba kayong pitong taong gulang lang 'to?

"Luminous Academy..." Bulong ko sa kawalan. Wala naman sigurong mawawala kung susubukan ko hindi ba? May rason naman siguro kung bakit, at paano ako napadpad sa lugar na ito.

"Sasali ako." Determinado kong sagot.

Nahuli ko ang pagngiti ni Sapphira dahil sa sinabi ko. Napa-iling na lang ako, mukhang magsisimula na ang kwento ng panibago kong buhay. Sana maganda ang kahahantungan nito, sana hindi ako magsisi sa huli.

_____

Stay tuned up for the Chapter One. I hope you'll support me with this one too. Ciao~

Luminous Academy: The IntellectualTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang