“Nakikita lang nila ang hindi mo nakikita.”

Umismid siya. “Sila ang nabubulagan sa'yo.”

Pailing-iling pa rin siya hanggang sa makapasok sila sa unit nito.

“Welcome to my place.”

Inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng condo. “Ikaw lang ang nakatira rito?”

“Uhuh. My parents live in Alabang. Tuwing weekends umuuwi ako roon.” Iminuwestra nito sa kanya ang sofa. “Have a seat. I'll get you something to eat.”

Kunot-noong lumingon siya. “Huwag na. First aid kit na lang ang kunin mo at nang makauwi na ako.”

Ilang sandali siyang naghintay sa sofa bago bumalik si Theo. Ibinaba nito ang medicine kit sa center table. Naupo ang lalaki sa tabi niya.

Akmang bubuksan niya ang kit nang biglang naghubad ng polo ang lalaki. Nanlalaki ang mga matang tiningnan niya ito. “Ano bang ginagawa—” Napahinto siya sa pagsasalita. Iyon ay dahil sa nakitang pasa sa tagiliran ng lalaki. Halos sinlaki ng kamao ang pasa nito. At nangingitim na iyon.

“Bakit hindi mo sinabi na tinamaan ka pala sa tiyan?” Tumaas bigla ang boses niya. “Eh, dapat sa hospital tayo nagpunta. Paano kung may internal bleeding iyan?”

Hindi niya maintindihan kung bakit sa kabila ng mga sinabi niya ay nakuha pang ngumiti ni Theo. “Huwag kang masyadong mag-aalala, hindi naman ito nakamamatay. Ice pack lang ang katapat nito.”

Sa inis niya ay hinagisan niya ito ng bulak sa mukha. “Diyan ka lang. Huwag kang gagalaw. Gagawa ako ng ice pack para sa pasa mo.”

Dumiretso siya sa kusina nito at agad gumawa ng cold at hot compress. Nakakainis talaga ang lalaking iyon. Paano nito nagagawang umakto ng gan'on gayong may iniinda ito. Nakakaasar. Mas lalo siyang naiirita sa sarili niya dahil hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Naiinis siya kay Theo. Pero at the same time ay nag-aalala rin siya sa kalagayan ng lalaki.

“Tingnan mo nga naman…” Pumalatak siya. Paano ba naman, pagbalik niya ay naabutan pa niyang nanonood ng tv ang kumag. Inis na kinuha niya ang remote sa kamay nito at pinatay ang appliance.

“Ito dapat ang hawakan mo at hindi remote.” Inabot niya rito ang ice pack. “O, itapal mo sa pasa mo.”

Subalit ang hinayupak na lalaki, sa halip na kunin ay ngumiti lang sa kanya.

“Ikaw na Charisma. I don't know kung paano iyan i-apply.”

Inirapan niya ang lalaki. Gayunpaman ay sinunod pa rin niya ito. Ina-apply niya ang compress sa tagiliran nito.

Tinitigan niya ang pasa ni Theo. Wala naman sigurong namumuong dugo sa loob.

“Ano'ng nararamdaman mo?”

“Good. Nawawala ang sakit.” Nag-angat siya ng tingin sa mukha ni Theo, doon lang niya naalalang may sugat pa pala ito sa labi.

“Hawakan mo itong compress, gagamutin ko iyang sugat mo sa labi.” Sa pagkakataong iyon ay sumunod na ito. Siya naman ay mabilis na kumuha ng cotton ball. Nilagyan niya iyon ng betadine at dahan-dahang idinampi sa labi ni Theo.

“Puwede ka nang maging nurse, Charisma,” walang anu-ano'y wika nito sa kanya.

“Huwag ka ngang magsalita diyan,” saway niya sa lalaki. “Tapalan ko ng bulak iyang bibig mo, eh.”

Tinikom nito ang labi. Subalit kitang-kita pa rin niya ang pagkaaliw sa mga mata nito.

Sa halip na patulan niya ang lalaki ay nag-concentrate na lang siya sa paggamot ng sugat nito. Pero hindi siya makapag-pokus, dahil sa mga mata nitong nakatitig sa kanya.

Kissing The Beast (Unedited Version/Published) Where stories live. Discover now