Chapter 4: Bisita sa Dilim

Start from the beginning
                                    

Bitbit ni Tony ang brown bag ng tinake-out nilang tirang pagkain. May laman pa iyong chicken barbecue, rice at buto ng crispy pata na may balat at laman pa. Inabot niya iyon kay Andy. Baka magutom ka mamaya, aniya sa kaibigan. Tumanggi si Andy pero pinilit ni Tony na kunin niya ang take-out.

Nagkamay sila at nagpaalam sa isa't-isa.

(II)

Nang makauwi si Andy ng bahay ay biglang naramdaman niya ang pagod ng nagdaang araw. Physically at mentally. Pumasok siya sa loob at binuksan ang ilaw, nguni't imbes na dumiretso ng hilata sa sofa ay napunta ang atensyon niya sa ang mga picture frames na nakapatong sa tukador at naka-hang sa wall. Napatitig siya nang matagal. Ang ala-ala ng masasayang araw ng kanyang buhay ay nasa mga litratong ito. Litrato niya, ng kanyang ama't ina, ni Pauline, nilang dalawa kasama si Carol, ang ina ni Pauline. Naisip na ni Andy na alisin na ang litrato ng kanyang ex-wife pagka't may ibang pamilya na ito, nguni't hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nagagawa.

O sadyang kinakalimutan.

Pagkatapos ay inikutan ng tingin ni Andy ang loob ng bungalow. Ang bahay na puno ng magagandang mga ala-ala. Dito lumaki si Pauline mula sa siya pa lamang ay sanggol, hanggang sa magdalaga, hanggang sa lumipat sa sariling apartment matapos ang hiwalayan.

Ngayong nag-iisa na lamang si Andy, ang bahay ay nawalan ng buhay. Ang naiwan na lamang ay mga ala-alang unti-unti na ring nagsisipaglaho.

Para mawala ang isip sa hinanakit ay inabala ni Andy ang sarili sa hinaharap niyang bagong kaso.

Matapos makapaghilamos, sipilyo, at makapagpalit ng pambahay na t-shirt at shorts ay nilatag niya sa mahabang dining table ang mga dokumento na ibinigay sa kanya ni Colonel Laxamana. Nagsindi siya ng sigarilyo, habang inisa-isa ang mga dokumento. Ang secret report ng alien abduction sa bayan ng Callejon. Mga litrato. Mga police reports. Mga eyewitness accounts.

Nakasulat doon:

- Na sa gabi ng Hulyo biente-otso, dakong alas-onse ng gabi, ay nakita ng ilang residente mula sa mga karatig na bayan ng Callejon ang maliliwanag na ilaw na hugis bilog sa kalawakan.

- Hulyo biente-nuebe, dakong ala-una ng madaling araw, habang binabaybay ng mag-asawang Cruz ang Talabas Road, ay nasaksihan nila ang mga "bolang" ilaw sa kalangitan ng bayan ng Callejon.

- Hulyo biente-nube rin, ayon sa testimonya ng isang ginang na taga-bayan ng Daigdigan, nakita raw niya na nagdilim ang kalangitan at nawala ang mga bituin sa gawi ng bayan ng Callejon. Ito'y dakong alas-dos ng madaling araw.

- Dakong alas-singko ng umaga ng araw ding iyon, unang nakapansin ng pagkawala ng mga residente ng Callejon ay isang matandang mangangalakal na regular na nagpupunta sa nasabing bayan. Agad itong nagsadya sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya sa karatig na bayan.

Binalikan pa ni Andy ang ibang mga kaso kung saan isang buong bayan ang basta na lamang naglaho. Disappeared without a trace from the face of the earth.

Isa sa mga recent na kaso nito'y nito lamang year 2000s.

Ang nasabing bayan ay ang Langville, Montana, USA. Ayon sa report, ang unexplained case na kung tawagin ay The Langville, Montana Incident ay nagsimula pa noong early 1900s. Na may kung anong mysterious force daw ang dumaan sa bayang ito kung saan ang mga residente were "turned inside out." Kung ano exactly ang ibig sabihin ng inside out, ay na-imagine ni Andy na ito'y kahindik-hindik. Posibleng ang anatomy ng isang tao ay binaligtad at ang laman-loob niya'y iniluwa. Ayon pa sa report, noong 2000s ay maaari pang i-Google ang lokasyon ng Langville sa mapa, nguni't ngayon lahat ng impormasyon ukol sa nasabing bayan ay tila naglaho na rin. Isang government cover-up ang naisip ni Andy. Lalo na't may theory na maaaring aliens ang may kagagawan sa nangyari sa Langville, Montana.

Ang Bayang NaglahoWhere stories live. Discover now