Chapter 2: Maverick P.I.

Start from the beginning
                                    

Tumayo ang sekretarya at inabot kay Andy ang maliit na piraso ng papel kung saan nakasulat ang nasabing numero ng nabanggit na colonel. Tinignan iyon ni Andy at nag-iisip kung tatawagan ba. Sa mesa, umuusok ang mainit na kape. Hinipan iyon ni Andy habang ina-alala ang pangalan ng taong nasa papel. Dinampot niya ang receiver ng landline at idi-dial na sana ang numero nang biglang bumukas ang pintuan ng opisina at pumasok si Tony, ang partner ni Andy na isa ring private investigator. Mas bata si Tony ng ilang taon lamang kay Andy.

"O, pare, dumating ka na pala?" masayang bungad ni Tony, malalim ang boses ng matangkad at matipunong P.I. na dating PNP. "Kumusta trip mo? Nahanap mo ba 'yung nagtagong asawa?"

"Sa kumbento sa dulo ng walang hanggan," walang ganang sagot ni Andy habang ibinaba ang hawak na telepono.

Natawa si Tony habang hinubad ang jacket n'ya at sinabit sa sandalan ng upholstered na office chair, pagkatapos ay naupo.

"Kumbento? Talaga?" ngiti niya. "Okay lang 'yan, pare. Ayos naman bayad sa 'yo eh. Kung kasinggaling lang kita sa mga missing persons, makikipagpalit ako sa 'yo."

Ngumiti pabalik si Andy, "Alam naman ng lahat na ikaw ang Expose King."

Humalakhak si Tony habang binigyan din ng kape ni Vic.

"Two creams, two sugar, boss."

Nagpasalamat si Tony at bumaling sa sekretarya, "Marissa, dumating na ba 'yung mga insurance records na ni-request ko?"

"Pinadala na daw sa LBC. Siguro maya-maya darating na 'yon," sagot ng sekretarya.

"Good. At ah, tawagan mo nga si Dr. Antonio," dagdag ni Tony habang ini-start up ang kanyang desktop PC.

Tumango si Marissa, pinick-up ang landline phone at nag-dial.

Nasa malalim na pagmumuni pa rin si Andy. Naalala na niya si Colonel Laxamana, at lumingon siya kay Tony.

"Pare, naaalala mo ba si Greg? Greg Laxamana?"

Saglit na napahinto si Tony na kasalukuyang nagche-check ng kanyang e-mails.

"Oh, si Greg? Yung classmate mo dati. Bakit?"

"Tumawag daw. Hinahanap ako."

"Matagal mo nang 'di nakita 'yun 'di ba? Ano daw kailangan?"

Hindi na nga mabilang ni Andy ang taon nuong huling nakita o nakausap niya ang colonel, kung kaya't ganoon na lang ang kuryosidad niya kung bakit siya hinahanap nito.

"'Yun ang 'di ko pa alam," kunot-noo ni Andy.

"Baka malaki 'yan, pare. Military eh. Big time."

Sumingit sa usapan si Marissa.

"Boss, nasa line na si Doc," inform niya kay Tony.

"Okay, transfer mo."

Simula na ng araw. Business. Busy-ness. Si Tony sa telepono, si Marissa sa computer. Maging si Vic ay may mga ini-stapler na mga papel sa maliit niyang office table malapit sa xerox machine. At si Andy—may misteryo sa mukha na hindi na niya mapipigilan. Dinampot niya ang papel na may numero at nag-dial sa kanyang landline. Isang ring pa lang ay may sumagot na.

"Hello? Greg? Si Andy ito."

"Andy, pare, long-time no-see! Kumusta na?" sabi ng boses sa kabilang linya.

"Mabuti naman, pare, tumawag ka daw. Ano ba'ng atin?"

"Kailangan na kailangan ko ang tulong mo," sabi ni Colonel Laxamana. "Pwede ba tayo mag-usap in person? Nasa area lang ako."

"O-oo. Sure! Sure!" sagot n Andy.

"Okay, ite-text kita kung saan," sabi ng colonel.

Nang matapos ang kanilang tawag, ay naiwan pa ang pagtataka sa mukha ni Andy sa pagiging urgent ng usapan, ni walang small talk. May kutob siyang mahalaga ito. Tumayo siya, kinuha ang kanyang leather jacket at naglakad paalis.

"Marissa, lalabas lang ako," paalam niya.

Tumango ang sekretarya na abala sa kanyang computer. Ganoon din si Tony sa telepono, kung kaya't nag-hand signal na lang si Andy sa kanya na siya'y aalis. Tinanguan siya ng partner. Saglit na napatigil si Andy sa pintuan, nag-iisip, bago tuluyang lumabas.

Sa basement parking ng building lumabas ng elevator si Andy, at naglakad tungo kung saan nakapark ang kanyang pick-up truck. Bago siya makarating ay natanggap niya ang text message ni Colonel Laxamana, na ini-inform siya kung saan sila magkikita. Sumakay si Andy sa kanyang pick-up pero bago niya ito ini-start ay kinuhang muli ang cellphone at may hinanap na message.

Message thread niya at ng kanyang 18-year old na anak na babae na nagngangalang Pauline.

Malalayo ang agwat ng dates ng usapan nila. Ang last na message ni Pauline ay: I'M OK! Ang last na message ni Andy ay: How is your studies?

Hindi pa ito nire-replyan ni Pauline, at 2 days ago na ang message.

Nag-type si Andy.

Study Hard. Take care.

Pagkatapos ay itinabi niya ang cellphone sa upuan, inaantay na mag-reply ang anak kahit na alam niyang wala siyang matatanggap. Kinuha niyang kanyang wallet at tinignan ang litrato ni Pauline na nakaipit doon. Tatlong taon na ang litrato, 15-years old pa lang ang dalaga. Maganda si Pauline, mahaba ang buhok at maamo ang mukha. Hinugot ni Andy ang picture at tinignan ang likuran—sa nakasulat na dedication: Love you, Dad.

Napangiti si Andy. Noo'y halos araw-araw silang nakakapagusap o nagte-text ni Pauline, ngayo'y marami na ang dalawang reply sa isang linggo. Biglang dinaanan ng lungkot si Andy, hinahanap-hanap niya ang masasayang araw ng lumipas. Noong hindi pa sila naghihiwalay ng kanyang asawa at sila ni Pauline ang sentro ng kanyang buhay.

Binalik niya ang litrato at ini-start ang makina, at nag-drive paalis.

NEXT CHAPTER: "Ang Kaso ng mga Nawawalang Tao"

Ang Bayang NaglahoWhere stories live. Discover now