Kaya't heto't nauwi na lang sila sa pag-aakapela ng mga kantang Pinoy Rock na tunog kalye. Beep Beep Beep Beep. Kanilang kanta. Awitin ng Juan dela Cruz band.

Sa kaligitnaan ng kanilang masayang pagkanta ay biglang natigilan ang driver.

"Naririnig mo 'yon?" aniya, at lumingon sa katabi na ganado pang bumibirit. "HUY! TUMIGIL KA, GAGO!" bulyaw ng driver.

Napatigil ang pahinante sa pagkanta, at sa katahimikan ng gabi ay narinig nila ang malalim na ugong. Ugong na tila nagmumula sa itaas. Wari nila'y parang ugong ng eroplano, nguni't ito'y tila napakalapit at palakas nang palakas. Nagsipagtinginan sila sa langit, nguni't ang nakikita lang nila'y mga bituin. Nilabas ng pahinante kanyang katawan sa bintana upang makakita nang mabuti, at noo'y nakita niya ang pinagmumulan ng mahiwagang ugong.

Naaninag niya sa kalawakan ang malaking bagay na hugis bilog na lumulutang sa ere.

"Anong nakikita mo?" sigaw ng driver.

Nguni't hindi siya sinagot ng kasama, pagka't tila natulala na ito habang nakatingala sa langit, nakabukang bibig, mga mata'y nanlalaki, nakatuon sa mahiwagang bagay sa ere. Kamuntikan na siyang makabitaw at mahulog kundi lang siya nahatak pabalik ng driver. Sumalampak pabalik sa upuan ang pahinante sabay inapakan ng driver ang preno, at sumadsad ng hinto ang jeepney at sila'y nagsipagbabaan. At agad silang nagsipagtingalaan at kanilang namalas sa kalangitan ang hindi pa nila nakikita sa tanang buhay nila.

Naroon ang mahiwagang bagay na lumulutang sa langit.

Hindi eroplano pagka't napakalaki at ang hugis nga'y bilog. Na sa sobrang laki ay natakpan nito ang mga bituin at buwan sa langit. Parang nag-eclipse at ang buong bayan ng Callejon ay inako ng kadiliman. At lumakas pa ang ugong na kanilang ikinagulat at sila'y nagsipatakipan ng mga tenga.

Kasunod nito'y ang biglang pagliliwanag at ang driver at pahinante ay nasilaw at nagsipagpikitan. Tila ba kasinliwanag ng isang libong mga bumbilya ang bumalot sa kanilang katauhan.

Pagkatapos at tumigil ang ugong. Pati na ang liwanag.

At ang mahiwagang higanteng bagay sa langit na hugis bilog ay lumipad papunta ng kalawakan, at sa paglisan nito'y makikitang wala na rin ang driver at ang pahinante ng jeepney.

Sila'y naglaho na parang bula.


II

Kinaumagahan.

Ang liwanag ng araw ay sumilip mula sa likuran ng mga bundok tungo sa lupain at gumapang sa kalye patungo sa bayan ng Callejon. Masarap ang simoy ng umaga, basa pa ng hamog ang mga palayan, at may nananaig na katahimikan. Sa kalye, mabagal ang lakad ng kalabaw kung saan nakasakay sa ibabaw nito ang matandang magsasaka na humihikab pa. Naka-sandong puti, maong na nakatupi ang laylayan sa tuhod, at sumbrerong gawa sa buri, na kanyang itinaas nang matanaw ang jeepney sa malayo. Pumungay ang kanyang mga mata at kumislap ang kanyang kulubot na mukha sa tama ng sinag ng araw.

Huminto ang kalabaw sa gilid ng jeepney, at sinilip ng magsasaka ang loob, at siya'y nagtaka. Naroong nakasaksak sa ignition ang susi, nguni't walang tao sa loob. Wala ang driver o kung sino mang nagmamay-ari ng jeepney na kanya ngayon inuusisa. Lumingon-lingon ang magsasaka sa paligid, nakikiramdam, at nang makasigurong walang tao'y dumukot ng isang piling ng saging mula sa likuran ng jeepney. Mabilis niya itong itinago sa loob ng kanyang sako.

Nakiramdam siya'ng muli. Hindi pa nakukuntento ay kumuha pa ng isang piling at mabilis na pinagpapalo ang tagiliran ng kanyang kalabaw para dalian itong umusad.

Natanaw ng magsasaka ang signage ng bayan ng Callejon. Napagiti siya't nagbalat ng saging at kumain. Tumingin pa siya sa kanyang likuran, at halos 'di na niya matanaw ang iniwang jeepney. Masarap ang saging, mataba't matamis. Hinagis niya ang balat sa malayo.

Nadaanan ng magsasaka ang isang kubo at nakitang bukas ang pintuan nito. Kilala niya ang nagmamay-ari ng kubo at kanyang isinigaw ang pangalan. Nguni't sa kanya'y walang sumagot. Naisip niya na baka abala lamang. Nagpatuloy siya at nadaanan ang ilan pang mga bahay na mga bukas na rin ang mga pintuan, pati pa nga mga bintana, pero wala namang mga tao sa paligid. Ipinagtaka niya ito pagka't alam niyang sa mga ganitong oras, ay may mga nagsisiga na ng mga tuyong dahon at nagwawalis ng kanilang mga bakuran. Kilala pa nga niyang ibang mga nakatira rito, bagama't ang iba'y sa mukha lamang. Kursunada niya ang matandang biyuda na may malagong mga bulaklak sa bakuran, nguni't wala rin ito sa kanyang bahay nang siya'y dumaan. Nagtatakang napakamot siya ng ulo, at nanghihinayang pagka't bibigyan sana niya ang kursunadang biyuda ng kanyang nasikwat na saging.

Ngayo'y nagpalingon-lingon ang magsasaka, kanyang kuryosidad ay tumataas na. Nagbalat na lamang siya ng isa pang saging para ilagay sa sikmura, at nagpatuloy sa paglalakbay.

Pagdating niya sa palengke ay doon na siya lubusang nagtaka. Pagka't alam niyang maaga pa sa tilaok ng manok ay dapat bukas na ito. Minsan nga'y alas-tres pa lamang ng madaling-araw ay abala na ang mga tao roon na naghahanda. Nguni't, ngayo'y wala ni isang anino. Walang mga tindero, tindera o mga nagdedeliver ng mga paninda. Sarado pa nga ang mga tablang takip. Sa palengke talaga ang sadya niya para bumili ng patuka ng manok, pero nasaan ang mga tao?

Bumaba ng kalabaw ang matandang magsasaka. Naisipan niyang puntahan ang ibang mga gusali. Ang tindahan, ang bakery, ang mga karinderya, ang barberya. Tumakbo siya sa plasa. Sa police station, sa barangay hall, ay wala ring mga tao. Nagsimula na siyang mag-panic. At naisip kung siya ba'y namamaligno? Kung ito ba'y isang bangungot. Kung siya ba'y buhay pa? Kinurot niyang sarili at napaaray.

Tumakbo siya sa mga bahay-bahay at nagkakakatok. Nang walang sumasagot, siya'y nagsisisigaw hanggang sa siya'y mamaos. Nguni't sa kanya'y walang sumagot.

Mabagal na bumalik ang magsasaka sa kanyang kalabaw na para bang tuliro.

Hindi niya mawari.

Hindi siya makapaniwala.

Na sa bayan ng Callejon, wala ni isang tao. Wala ni isang nilalang.

Ang buong bayan ay tila naglaho.


NEXT CHAPTER: "Si Andy Madrid, Isang Private Investigator"

Ang Bayang NaglahoWhere stories live. Discover now