Chapter 5

205 3 6
                                    

PAANO KUNG MAWALA ANG ANGHEL? Sino pa ang magtatanggol sa musmos? Naririnig niya ang mga batang naglalaro sa may di kalayuan sa kanila. Hindi man niya nakikita ang mga ito, alam niyang masaya ang mga ito sa paglalaro.

Buti pa ang mga ito, nakakapaglaro nang malaya. Hindi nagugulpi araw-araw, hindi nasasaktan, hindi pinarurusahan. Samantalang siya, kahit kailan ay hindi pa naranasang makalabas ng bahay. Gustong gusto niyang makapaglaro sa labas!

Tumayo siya mula sa kinauupuan at lumapit sa Anghel. Nasa banyo ito, nagkukuskos ng inodoro nilang kulay dilaw na sa dumi. Panay pasa ang mukha nito, nakapikit ang isang matang maga at nangingitim. Bakit kaya kapag naglalaro sila ng Demonyo, laging suntukan at resling ang laro nila?Hindi ba ito naaawa sa Anghel?

Sinubukan niyang kausapin ang Anghel ngunit hindi ito sumasagot. Tumingin lamang ito sa kanya na para bang hindi siya nakikita. Maya-maya ay umiling ito at sunod-sunod na pumatak ang mga luha. Parang holen na gumugulong ang mga luha mula sa mata nitong hindi na maimulat nang maayos.

Ngunit kahit na nakapikit na halos, nabanaag niya sa mukha nito ang biglang pagdating ng masidhing takot. Blag! Bumagsak ang pinto sa taas, at kasunod noon ay ang mga yapak pababa sa hagdan na kinahihintakutan nilang marinig.

Hala! Ang Demonyo! Nandito na ang Demonyo!

Napasiksik siya sa gilid ng Anghel. Hinaplos-haplos nito ang likod niya, isang bagay na lagi nitong ginagawa kapag natatakot siya. Nakalma ang kalooban ng musmos ngunit sandali lamang iyon dahil papalapit na ang Demonyo sa banyo. Amoy asupre at alkohol ang Demonyo. Parang galit na naman!

"Kanina mo pa sinimulan yan, hanggang ngayon hindi ka pa rin tapos?! 'King ina talagang buhay 'to! Dinaluhong ng Demonyo ang Anghel, ngunit natigilan ito nang makita siya. "Kaya pala ang kupad mo, inuuna mo pa yang kutong lupang yan kesa sa gawain mo!" Hinaklit ng Demonyo ang mumunti niyang braso at kinaladkad siya sa sala.

Isinalya ng demonyo ang murang katawan niya at saka siya inundayan ng sampal habang dakot-dakot nito ang buhok niya. Napaatungal siya sa sakit!

Sumunod na sa tabi nila ang Anghel, nagmamaka-awa na naman sa Demonyo. "Maawa ka, Mon! Ako na lang ang parusahan mo!" Kung kanina ay tulala ito, ngayon ay lumabas ang natitira pang lakas nito para lamang ipagtanggol siya. Huwag, Anghel! Huwag ka nang makialam! Baka ikaw naman ang saktan ng Demonyo! Kung nababasa lamang nito ang nasa isip niya, siguradong hindi na ito makikialam.

Balewalang itinulak ito ng Demonyo at saka siya muling hinarap. Hinila nito ang latigong madalas gamiting panghataw sa kanya. Nanlaki ang mga mata ng musmos. Wag yan! Wag yang latigo masakit yan! Aaahhhh!!!!!

Ilang ulit siyang hinagupit ng latigo. Walang pinipiling parte ng katawan ang mga hagupit nito. Halinhinan sila ng Anghel na hinataw nang hinataw. Tanging ang mga patpating kamay nila lamang ang nagawa nilang ipangtakip sa mukha.

Nang mapagod marahil ay tumigil ang Demonyo at nagsindi ng sigarilyo. Halos alam na niya ang kasunod na mangyayari, at hindi nga siya nagkamali.

Makikipaglaro na naman sa kanya ang Demonyo. Isang laro na ito lamang ang nasisiyahan. Bakit hindi na lang habulan? Bakit ba ang hilig nito sa larong pasuan. Pinaso nito nang paulit-ulit ang musmos. Sa braso, sa hita, sa batok, sa likod. Wala siyang nagawa kundi pumalahaw ng iyak.

Ginamit ng Demonyo ang latigo para itali ang mga kamay niya paikot sa poste. At ang sigarilyo nitong walang pagkaubos ay sa balat niya pinatay. Napahiyaw siya sa hapdi! Araaayyy!!!

"Tangina ang ingay!" Dahil sa pagkapikon ng Demonyo ay sinapak nito ang musmos sa mukha. Umagos ang dugo mula sa ilong niya. Unti-unting sumara ang kanyang mga mata. Pahina nang pahina ang tinig ng galit na Demonyo at ng umiiyak na Anghel. Padilim nang padilim hanggang sa tuluyan nang bumigay ang kanyang kamalayan.





CROOKS-TO-GO Book 2Antonio: The Deceitful CrookWo Geschichten leben. Entdecke jetzt