"Siguro... punta nalang tayo ng Baguio. Gusto nyo ba?" tanong ni Mike.
Malamig ang hangin na gumitna sa kanila pagkatapos ng tanong. Nakasandal sa isang puting 1969 Volkswagen Beetle, nakatingin sa isa't-isa, hindi sigurado ang tropa kung ano yung sasagutin nila. Tinakatak ni Nathan ang konting abo mula sa kanyang nakasinding sigarilyo sa hangin. Pinunasan ni Armi ang lente ng salamin niya gamit ang isang malambot na panyo. Tinangal ni Rick ang kanyang suot na ID at tinago sa backpack. Kumislap ang mga ilaw ng siyudad katabi ng Manila Bay, mga bituing pumipilit na umilaw sa gitna ng kadiliman.
Pero may naramdaman silang lahat. Isang bagay na hindi nila mapagkaila para sa ibang emosyon. Alam ng bawat isa kung ano ito. Lahat sila hindi ginustong bastusin ang alaala ni Luna.
"Sige ba," sabi ni Nathan.
"Magpapa-leave nalang ako sa Editor ko," ani ni Mike. "Ikaw, Armi?"
"Madali naman kausap si Dean. Kaya yan," sagot niya sabay tingin kay Rick. "Alam ko mas mahigpit sa call center pag ganyan, eh."
"Hindi naman," sagot ni Rick. "Ganon din, tulad ng kay Mike."
"So pede ka?" tanong ni Armi.
"Oo naman. Kelan ba?"
"Planuhan nalang yan. May alam akong lugar dun; bahay." Ngumiti si Nathan. Ang unang beses niyang ngumiti noong gabing iyon. "Kabanda ko dati yung may-ari kaya siguardong mura lang yun."
"O ayun. Set na," sabi ni Rick.
Armi: "Text-text nalang."
"Baka ma-miss ka ng mga estudyante mo, Mam Armi," sabi ni Mike sabay ngisi.
"Nako, mabubuhay naman mga yun."
"At tinaguriang 'best professor,' sa school niya noong 2019, no...?" tanong ni Nathan.
"Hoy gago; maayos naman ako pag-dating sa school," sabi ni Armi sa boyfriend niya. "Sayo lang hindi."
Naglapag si Rick ng papel sa lamesa. "O, sulat niyo CP number ninyo jan."
Nagsulat ang buong magtropa ng mga phone numbers nila papel ni Rick. Sa totoo lang, hindi naman nila talagang katropa si Rick. Tatlong oras lang bago yun, wala ni isa sa kanila nakakilala kay Rick. Tatlong oras lang bago yun, na-imbitahan silang magkita sa hindi malaman na dahilan. Tatlong oras lang bago yun, naalala nilang lahat ang namatay nilang kaibigang si Luna.
YOU ARE READING
Luna
Short StoryLimang magkakaibigan. Nabawasan. Nagwatak. Nagsama-sama at nadagdagan ng isa.
