Binilisan niya ang paglalakad habang pinapakiramdaman ang paligid. Matalas ang kanyang pandinig at hindi nga siya nagkamali, naririnig niya ang mahinang yabag ng mga paa. At mukhang hindi iyon dalawang paa lamang, kundi apat. Hindi tao ang sumusunod sa kanya.

Hindi siya lumingon at hindi rin siya huminto. Mas binilisan niya ang kanyang paglalakad. Hindi rin niya maitanggi ang kaba at takot na nararamdaman niya. Dumadagundong ang tibok ng kanyang puso habang mabilis niyang tinutumbok ang madilim na daan. Natatakot siya pero pinipigilan niyang mangatal. Pinipigilan niyang kumaripas ng takbo kahit na gustong-gusto na niyang gawin iyon. Hindi niya kasi mawaglit sa kanyang isipan na may gumagalang mabangis na hayop sa kanilang lugar at nanlalapa ng mga tao!

Baka iyon ang kanina pang sumusunod sa akin! Huwag naman sana!

Tatakbo na sana siya nang matanaw na niya ang kanyang bahay nang siya ay mapahinto dahil sa nakita.

"Mika, dumating ka rin! Kanina pa kami naghihintay dito, ah." Pansamantalang nawala ang takot niya at napalitan ng pagtataka nang makitang nasa labas ng kanyang bakuran si Roy at apat na iba pang mga kalalakihan na pawang may mga sukbit na baril sa baywang.

"Bakit nandito kayo? Ano'ng kailangan niyo?" Kaibigan nina Roy si Tonyo. Pare-parehong tambay ang mga ito. Mga mayayabang at mga panggulo sa kanilang bayan.

"Nandito kami para sa kaibigan namin." Napaurong siya sa mala-demonyong ngiti na binigay sa kanya ni Roy. Ang kaninang kaba na nararamdaman niya ay biglang bumalik dahil sa kakaibang tingin ng mga lalaking kaharap. "Nandito kami para ipaghiganti siya at para gawin ang hindi niya nagawa."

"Ano'ng pinagsasabi niyo? Wala akong kinalaman sa pagkamatay niya." Sa bawat pag-urong niya ay siya namang pag-abante ng mga ito palapit sa kanya. Pakiramdam niya ngayon ay parang isa siyang hayop na nasukol at desperadong makatakas. Naghahanap ang mga mata niya ng puwedeng ipamprotekta sa kanya pero wala siyang makita.

"Siguro nga, pero kung hindi siya pumunta rito kagabi para pagsamantalahan ka, hindi sana siya namatay." Natigilan siya sa mga sinabi ni Roy at naalala niya ang nangyari kagabi.

Si Tonyo ang may gawa ng kalabog kagabi at balak niya akong pagsamantalahan? Pero hindi niya nagawa dahil may pumatay sa kanya... May pumigil sa kanya...

"At ngayon, gagawin namin ang hindi niya nagawa sa'yo." Bigla siyang natauhan nang sunggaban siya ni Roy. Hinawakan siya nito nang mahigpit sa kanyang braso pero nagpumiglas siya. Malakas ito kahit na payat pero ayaw niyang magpatalo kaya kinalmot niya ang mukha nito at malakas na tinadyakan sa binti. Napahiyaw ito at nabitawan siya kaya kumaripas siya ng takbo papuntang kagubatan. Narinig niya pang sumigaw si Roy sa mga kasamahan nito para habulin siya kaya kahit na nangangapa siya sa dilim at nadadapa na siya ay sige pa rin siya sa pagtakbo. Naiiyak na rin siya sa nararamdamang takot at hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa ito nina Roy.

Bakit ba nangyayari sa akin 'to?

"Mika!"

Nahihintakutang napatago siyasa pagitan ng naglalakihang mga ugat ng isang malaking puno nang marinig ang galit na sigaw ni Roy. Kung puwede lang nyang isiksik ang sarili sa loob ng puno ay ginawa na niya sa sobrang takot. Napatakip siya ng bibig nang hindi na niya kayang pigilin ang kanyang mga luha.

"Magtago ka na! Dahil bukas, sisiguraduhin kong ikaw naman ang matatagpuang patay!"

Diyos ko, tulungan niyo po ako. Ayoko pang mamatay...

"Mika... Nandiyan na kami..." Nanlalabo na ang mga mata niya dahil sa luha at nahihirapan na rin siyang huminga dahil sa kaba. Naririnig na rin niya ang papalapit na mga yabag nina Roy, ang nakakalokong halakhak nito at ang pagkasa ng mga baril. Nawawalan na talaga siya ng pag-asa.

WP New Stories' One-Shot Story ContestWhere stories live. Discover now