Chapter 10 - Smile (2)

1.1K 80 32
                                    

Hapon noon ng Sabado at naiwan siyang mag-isa sa bahay. Nagpuntang bayan si Boaz kasama si Tatay Melencio dahil may kakatagpuin raw itong supplier sa bukid. Kanina pang umaga umalis ito at sinabihan siyang hindi siya makakain sa bahay at sa hapunan na lang. Kaya sa tanghalian ay mahina ang naging pagkain niya dahil wala ito.

Nakatulog na siya at nagising ngunit wala pa rin si Boaz. Bumaba siya sa sala at naupo roon. Binuksan niya ang telebisyon na iilan channel lang ang meroon at wala siyang napusuang palabas. Naupo na lang siya ng komportable sa upuan at pumikit. Naiinip na siya.

Nagmulat siyang muli at nagfocus ang mata niya sa isang libro na nasa coffee table. Iyon ang bibliya ni Boaz. Tiningnan niya muna iyon ng matagal bago napagpasyahan na kunin ito.

Binuklat niya ang aklat at pansin niya ang naninilaw na pahina. Lumang-luma na ito at meroon pa ngang ilang dulo ng pahina na punit na sa kalumaan. May mga pahina na may mga kulay ang salita at meroon din nakaguhit. Inilipat pa niya sa ibang pahina at meroon naman nakasulat na salita dito. Rhema. Hindi niya maintindihan ang salita na iyon pero nakaturo ito sa nakakulay berdeng salita- Emmanuel. Emmanuel, ulit niya. Bakit maganda iyon sa pandinig niya?

Binuklat pa niya ang lumang bibliya at nakita niya ang libro ni Ruth. Sumagi ang kuriosidad sa kanyang isip kaya sinimulan niyang basahin. Si Ruth ay ang manugang ni Naomi. Namatay ang asawa niya ngunit imbes na umalis at iwanan ang biyenan ay sumama ito sa Bethlehem at doon ay naghanap ng ikakabuhay nilang magbiyenan. Napadpad siya bukirin ni Boaz at doon ay nanguha ng mga trigo. Sa unang pagkikita palang nila ay pinakitaan na siya ng kabutihan ng lalaki. Hinayaan siya nitong malayang kumuha ng trigo sa kaniyang bukirin, pinaalalahanan pa na huwag ng lumayo at sa lupain niya na lang ito manguha ng tirang ani, inihabilin sa kanyang mga tauhan, pinakain pa at pinainom. Favor, iyon ang binigay sa kanya ni Boaz sa pagtuntong palang nito sa lupain niya kahit hindi siya nito kilala. Napaisip siya dahil doon. Sadyang mabait lang ba si Boaz o sa unang pagkakita palang nito kay Ruth ay nagustuhan na niya? Pero sa dinami-rami ng kababaihan sa lupain nito ay si Ruth ang pinagtuunan nito ng pansin. Natuwa siya sa mga ginawa ni Boaz para kay Ruth kahit hindi niya alam ang basehan. Hindi niya akalain na may love story pala sa bibliya. Natuwa siya dahil doon. Nasabik pa siyang basahin ang susunod na kapitulo ng marinig na niya ang tunog ng sasakyan sa labas. Sumilip siya sa bintana at doon nakita niya ang sasakyan ng isa pang Boaz na sa palagay niya ay malaki ang pagkakahawig sa ugali ni Boaz na nasa bibliya. Naalala niya ang pagpapangalan ng Nanay nito kahaling sunod sa pangalan ni Boaz sa bibliya. Alam kaya ng ina nito na halos magiging magkatulad ang ugali ng dalawa?

Kaagad niyang sinara ang bibliya at binalik sa mesa. Tumayo na siya at wala sa sariling inayos ang mahaba niyang buhok sa isang pusod gaya ng nakagawian niyang ayos dito sa bukid. Pinasadahan pa niya ng palad ang bestida sa gusot na ginawa ng kanyang pag-upo. Matapos ay pumunta na siya sa may pinto at bago buksan iyon ay huminga siya ng malalim.

Binuksan niya na ang pinto at saktong paakyat na ng baitang patungo sa bahay si Boaz kasama si Tatay Melencio. Tumingin sa kanya si Boaz at ngumiti. Tiningnan niya lang ito at tumango. Ganoon rin si Tatay Melecio.

"Kamusta ka rito?" Tanong ni Boaz sa kanya.

"Mabuti naman." Agad niyang sagot.

"Kumain ka na ba?"

"Oo." Maagap na sagot niya. "Kayo kumain na ba?"

"Kumain na kami." Sagot ni Boaz. "Tuloy lang muna kami sa opisina, Ruth. Mamaya na lang." Paumanhin nito sa kanya at nalungkot siya dahil doon. Hindi niya ito nakita ng buong araw at ngayon nandito ito sa bahay ay abala naman ito.

"Gusto niyong dalhan ko kayo ng kape sa opisina?" Tumingin sa kanya si Boaz ng matagal na tila nag-isip.

"Salamat Ruth. Pero huwag na. Busog kami." Matapos noon ay pumasok na ito sa loob kasama si Tatay Melencio at siya ay naiwan sa labas at muling mag-isa. Nalungkot siya sa nangyari. Hinintay pa naman niya ang pagdating nito pero wala pang limang minuto ay iniwan ulit siya.

The Man After His Own HeartWhere stories live. Discover now