Tadhana

913 53 8
                                    

Nakatanaw lang sa kalangitan si Pirena. Nagtataka siya ngunit sa kabilang banda ay natutuwa rin dahil tila mas mahaba ang gabi ngayon kung ihahambing sa nakasanayan. Tila ba dinidinig ng mga bathala ang kanyang dasal.

Nagising ang kanyang diwa nang maramdamang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Agad siyang napapikit at humilig dito. Pinagdikit nito ang kanilang mga pisngi kaya napangiti na lamang siya. Ganoon rin si Magayon. May maginhawang haplos sa kanyang puso dulot ng init katawan nito at ng kumot na ibinalot nito sa kanilang dalawa.

Mayamaya pa ay iginiya siya nito upang sumayaw kasabay ng mahinang pagkanta nito. Hindi ito ang unang beses na narinig niya ang awiting iyon dahil minsan na rin niyang narinig si Lira na kinakanta iyon ngunit hindi niya naitanong ang pamagat.

Kakaiba ang saya na dulot sa kanya ng boses ni Magayon. Hinayaan na lamang niya at patuloy na pinakinggan ang malamyos nitong tinig hanggang sa matapos ito sa pagkanta.

"Ano ang iyong kinanta, mahal ko?" tanong niya habang nakahilig pa rin dito.

"Hmm... Isang kanta na minsan kong narinig sa mundo ng mga tao. Tadhana ang pamagat."

"Napakagandang awitin. Ngayon lang rin ulit kitang narinig na kumanta. Napakanda talaga ng iyong boses."

Narinig niya ang mahinang pagtawa nito.

"Alam mo ba na may tawag rin sa mga tulad mong mahilig magbigay ng papuri, mahal ko?"

"Ano iyon?"

"'Bolera'."

"'Bolera'?"

"Oo."

"Bakit bolera?"

"Dahil pakiramdam ko ay binibilog mo ang ulo ko sa mga papuri mo."

"Ano?" Bahagya siyang nakaramdam ng inis sa sinabi nito.

Kumilos siya upang harapin ito ngunit hindi siya nito hinayaan. Hinigpitan lang nito ang pagkakayakap sa kanya at hinalikan ang kanyang pisngi para kumalma siya.

"O uminit na naman ang ulo mo."

"Dahil hindi naman totoo ang sinabi mo," aniyang nakalabi. "Hindi ko binibilog ang iyong ulo. Hindi ako bolera. Tunay naman na nakapaganda ng iyong boses."

Muli itong natawa sa pagmamaktol niya kay mas lalong kumunot ang kanyang noo. Tumigil naman ito sa pagtawa at maingat siyang pinihit paharap dito. Masuyo siyang hinalikan ni Magayon at agad naman siyang tumugon. Naramdaman niya ang pag-ngiti nito habang itinatali nito ang kumot sa likod ng kanyang leeg. Kapwa na sila ngayong nababalot ng tela habang malaya ang dalawang kamay nitong humahaplos sa kanya. Napasinghap ito nang hinapit niya ito sa bewang at mas idiniin pa ang kanilang katawan.

"Nasaan na naman ang damit mo?" tanong niya.

"Aba malay ko. Ikaw ang nagtapon niyon kung saan."

Natawa na lamang siya sa sagot ni Magayon.

"Pilya."

"Sa iyo lang, mahal ko," anito. Muli siya nitong hinalikan bago pinaglapat ang kanilang noo.

"Ikaw ang tadhana ko, Pirena."

"At sa iyo ang aking mundo, Magayon."

Niyakap siya nito upang itago ang pamumula ngunit agad ring humiwalay.

"Tingnan mo, mahal ko," nakatanaw ito sa labas at puno ng pagkamangha ang mukha. "Napakaganda ng mga buwan."

"Siyang tunay," tugon niya. Nakatingin rin siya sa mga buwan habang nakayakap pa rin kay Magayon. "Waring nakiki-ayon sila sa sayang nadarama ko ngayon, lalo na at narito ka kapiling ko."

Unang Pag-ibig ng Isang Sang'greWhere stories live. Discover now