I

5 0 0
                                    

Sabi nila, bawat darating na tao sa buhay mo ay simula ng bagong istorya. Istorya ninyong dalawa.

So, saan nga ba nagsimula ang istorya namin?

Malamang, nung binigyan niya 'ko ng Lemonsquare cheesecake nung 'di ako pinabaunan ng nanay ko. Natuwa ako no'n kasi hinati niya pa yung pagkain niya para lang di ako magutom sa school.

Tapos nalaman kong tatlo pala yung baon niyang cupcake no'n. Hinatian pa 'ko. Grabe.

Birthday ko pa no'n. Unggoy yung nanay ko, sa bahay na daw kasi ako kumain kasi maghahanda, kaya hindi ako binigyan ng baon. Mautak talaga. Eight to 3 pa pasok namin no'n. Bravo, mom. Advance Happy Mothers' Day.

Antagal na rin pala. Seven pa lang kami no'n, first grader, at parehas na kaming third year college ngayon, eighteen and nineteen years old. Sabi nga nila the best of friends daw kami.

Yung best friend ko? Siya yung himahangaan ng lahat:

•Honour student,
•Vice President ng Student Council,
•Born leader,
•Magaling sumayaw,
•Maganda boses,
•Mayaman,
•Mabait,
•Matulungin,
•Ma- Ma- Ma- Ma- Mamahalin ko- ayy.

Daming manliligaw niyan. Naks. Yung pag nagkasalubong kayo sa daan magkaka-stiff neck ka sa kahahabol ng tingin? Kaya nga nakaka-proud na simula nung araw na 'yon, hindi niya 'ko kinalimutan. O pinaramdam man lang sa'kin na hindi ko siya kapantay.

Ako? Simple lang. Pagnakasalubong mo ako sa daan, wala lang, didiretso ka lang sa pupuntahan mo. 'Di naman kasi 'ko kapansinpansin.

Hindi ko inisip no'n na darating yung panahon na sobrang magugustuhan ko siya. Akala ko hanggang best friend lang yung pwede kong maramdaman para sa kanya.

Pero ganon pala talaga, kasabay ng paglipas ng panahon ay ang pagbago ng nararamdaman ng tao.

Naalala ko pa, nung mga bata pa kami, palagi kaming naglalaro ng kasalkasalan kasama yung kapitbahay namin na classmate din namin nung Elementary.

Titingin siya sa akin habang nanunumpa at magsasabi ng, "I do." Na may matamis na ngiti sa kanyang mga labi.

Lampa ako nung bata, kaya kapag madudulas ako tuwing nagtatakbuhan kami palabas ng bakuran ni Mang Karyo para di niya malaman na nanungkit kami ng tanim niyang atis, titigil siya sa pagtakbo at agad na iaabot ang kamay sa akin at magtatanong kung ayos lang ako.
Iaangat ko ang aking ulo upang tignan siya sa mata, ngingiti at aabutin ang kanyang kamay habang tumatango bilang sagot sa kanyang tanong. Tapos bibitawan niya yung kamay ko, na siya namang sanhi ng pagkasadsad ulit ng pwet ko sa lupa, at tatawa ng maraming marami. Bwiset.

Tuwing kaarawan ko naman ay pupunta siya sa bahay namin at magdadala ng cheesecake. Tradisyon na namin 'yon, hanggang ngayon.

Isang beses nung birthday ko, ginising niya pa 'ko at nag-abot ng napakalaking box. Ni hindi ko nga mayakap yon sa sobrang laki. Medyo mabigat pa. Sobrang excited ako habang nagbubukas. First time ko makatanggap ng ganon kalaking regalo eh! Kasya ako sa loob. Hahah. Tapos puro plywood lang yung laman at isang pirasong cupcake, naghati pa kami. Nays talaga. At least naman daw pinagkagastusan niya yung box. Kaya ayon, ginawa kong lagayan ng damit.

Nung birthday niya naman nung taon rin na 'yon, niregaluhan ko rin siya ng nakabalot sa malaking box. Hype, isang linggo bago niya binuksan yung box. Nginatngat pa muna ng daga. Ang mahal pa naman ng watercolor paper! Tsk. Puro painting ko yung nasa loob no'n. Hayst.

Ang saya talaga balikan nung mga panahon na 'yon. Yung mga panahong kaming dalawa lang buo na araw namin? Yung puro kami kalokohan at masaya.

Yung panahong walang pang pumapagitna sa larawan.

Wala eh. Taken na siya. Three months na nga sila ngayon.

Ba't kasi ngayon ko lang napagtanto? Na iba na pala yung nararamdaman ko? Bakit ngayon lang kung kailan may iba nang nagmamay-ari sa kanya. Kung kailan may iba na siyang mas dapat paglaanan ng oras at bigyan ng pansin.

Pero okay na rin siguro, mas bagay naman sila eh. Samantalang kami, hindi pwede. Masyado kaming hindi compatible.

Maykaya lang pamilya ko.
Mayaman sila.

Lahing unggoy lang ako.
Maganda lahi ng pamilya nila.

Siya lang kaibigan ko.
Halos lahat ng schoolmate namin kilala siya.

Di ako magaling makipag-usap.
Lahat na yata gusto siyang kasama.

Mahina utak ko.
Salutatorian siya nung High School.

At kahit hindi ko na i-mention lahat ng mga katangiang pinagkaiba namin, sapat na yung dahilang:

Lalaki ako.
Lalaki rin siya.

Tang ina.

---

Yung best friend ko? Daming manliligaw niyan. Naks. Siya na nililigawan ng babae, angas pa mam-busted. Tikas.

Naalala ko pa, nung mga bata pa kami, palagi kaming naglalaro ng kasalkasalan kasama yung kapitbahay namin na classmate din namin nung Elementary. Si Shane, na girlfriend niya na ngayon.

Titingin siya sa akin habang nag-uulit ng  panunumpa at magsasabi ng, "I do." Sa bride, na may matamis na ngiti sa kanyang mga labi.

Siya yung groom.
Tapos ako yung pari.

Best FriendWhere stories live. Discover now