Adinos, Sacerdotem!

20 0 0
                                    

          Sa pagdating ko rito sa maliit na bayan ng Vale ay maraming tao ang sumalubong at bumati sa akin. Abot-abot ang pasasalamat nila sa akin dahil muling nagkaroon ng pari ang kanilang parokya makalipas nang halos sampung taon. Nakapagtataka lang na umabot pa ng isang dekada bago natugunan ang pangangailangan ng kanilang parokya. Hindi ko lubos maisip kung paano natikis ng mga tao rito na walang paring gumagabay sa kanila sa mga salita ng Diyos.

          "Sanayan lang po, Father. 'Pag po may kalabisan sa pera namin, pumupunta po kami ng kabilang bayan para roon ay magsimba. Kung wala po, nagdarasal na lang po kami sa aming bahay pagsapit ng alas sais ng gabi," sagot sa 'kin ng isang tagapaglingkod sa simbahan nang minsa'y aking tanungin.

          Kaya naman noong unang misa ko rito'y hindi na nakapagtatakang maraming tao ang dumalo. Maging ang labas ng simbaha'y may mga nakatayo't nakikinig sa aking sermon. Tila mga sabik sa pakikinig ng mga salita ng Diyos. Sa loob nga naman ng mahabang panahon ay ngayon lang muli nagkaroon ng ingay ang simbahan.

          Ilang buwan na rin ang nakalilipas ay naging maayos naman ang pamamalagi ko sa bayang ito. Sa katunayan, mababait ang mga tao rito. 'Pag may ani silang mga gulay at prutas ay dinadalhan nila ako sa aking tinutuluyan. Madali silang pakitunguhan. Iyon nga lamang ay napansin kong parang may kakaiba. Sa tuwing tatanungin ko sila kung ano ang dahilan ng kawalan nila ng pari ay parang ilag sila at umiiwas na sagutin ang aking katanungan. Nagtataka ma'y Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon at ginawa ang aking tungkulin.

          Isang gabi habang tahimik ang buong kapaligiran ay nakarinig ako ng tunog ng kampana. Napabalikwas ako nang bangon at tiningnan ang orasan – alas dose ng hatinggabi. Bakit kaya ang nagpapatunog ng kampana si Mang Elias sa ganitong dis oras nang gabi? Si Mang Elias ay isa sa mga tagapangalaga ng simbahan.

          Hindi ko na sana siya aakyatin kaya lang ay walang tigil ang pagtunog nito. Nababahala akong baka makaabala ito sa ilang kabahayan na malapit sa simbahan. Kaya naman tinungo ko ang kinalalagyan ng kampana upang pagsabihan si Mang Elias na patigilin ang pagkalampag nito.

          Nang marating ko ang itaas kung saan naroon ang kampana ay biglang tumigil ang pagtunog nito. Nilibot ko nang tingin ang buong paligid ngunit wala naman si Mang Elias. Wala rin akong nakitang ibang tao maliban sa akin. Sinuyod ko pa ang bawat sulok upang hanapin ang lumikha ng ingay, ngunit wala akong nakita. Kung umalis man agad ang nagpatunog nito, sana'y nakasalubong ko nang umakyat ako rito. Iisa lang naman ang daanan patungo rito. Kung ganoon ay sino o ano kaya ang nagpatunog ng kampana sa ganitong oras? Nakapagtataka naman na wala. Sa bigat nito ay hindi ito maaaring tangayin na lang ng hangin nang basta-basta.

          Palaisipan pa rin sa akin ang nangyari, ngunit napagpasyahan kong bumalik na lang sa aking silid. Siguro'y isa lang din sa mga kasamahan ko rito sa simbahan. Maaaring hindi ko lang napansin agad. Itatanong ko na lang sa kanila mamaya.

          Pagbalik ko ng aking silid ay hindi na ako nakagawa pa nang maayos na tulog sa kaiisip sa nangyari kanina. Kaya nang sumapit ang kinaumagahan ay akin agad hinanap si Mang Elias upang itanong ang tungkol doon sa kampana.

          "Father, hindi po ako ang nagpatunog ng kampana kaninang hatinggabi," aniya.

          Napakunot-noo ako sa kanyang isinagot. "Wala nga rin po akong naririnig na tunog gaya ng sinasabi ninyo sa akin," dagdag pa niya.

          Lalo akong nagtaka sa sinabi niya. "Pero ang lakas ng tunog ng kampana kanina. Wala ka ba talagang narinig?" paninigurado ko.

          "Wala po talaga!" pagkumpirma niya. "Herman! Halika nga rito! May itatanong ako sa 'yo," pagtawag niya sa kasamahang kasalukuyang naglilinis ng altar.

Adinos, Sacerdotem!Место, где живут истории. Откройте их для себя