Manong Taxi Driver

Start from the beginning
                                        

            “Ilan ba anak mo?”

            “Labing-isa po....” akala ko ay magugulat siya sa bilang ng anak ko. Pero pinagpatuloy niya ang kanyang mga tanong.

            “Ilan na napatapos mo?”

            “Apat na po…” bigla akong napangiti nalang. “Sa katunayan nga po niyan, natutuwa po ako sa kanila. Lalo na po siguro sa panganay ko. Sabi niya po kasi sa akin, saka lang daw po siya mag-aasawa kapag nakatapos na ang susunod sa kanya… at dahil nga po sa graduate narin po ang pangalawang kapatid niya, ayun po, masaya na siya sa kanyang asawa.”

            Parang may kakaiba akong naramdaman ng napangiti siya sa akin. Parang ito na ata ang pinakatotoong ngiti na nakita ko sa buong buhay ko. Napapangiti ka rin sa mga ngiti niya sayo. May ibang klase sa kanya na di ko maintindihan.

            “Ilan taon ka na bang nagmamaneho ng taxi?” tanong niya pa.

            “Mahigit labing tatlong taon narin naman po…”

            “Nabibilib ako sa iyo…sa pagtataxi mo, nakayang tustusan ang pangangailangan ng pamilya mo. Dahil sa ganyang klaseng pagsisikap mo, kaya mong bigyan ng inspirasyon ang maraming tao sa bansa. Isa pa niyan, isa ka sa mga taong nagbibigay ng tuwid na daan para sa mga kabataan ng kinabukasan. Ipagpatuloy mo yan…”

            Sobrang tumagos sa puso ko ang mga sinabi niya. Sobrang simple pero iba ang dating sa akin. Naalala ko tuloy ang tatay ko noon sa mga ganitong klaseng sinasabi niya.

            “Salamat po… di ko naman po kailangan ng marangyang trabaho po kasi. Ang importante po niyan, masaya naman po ako sa mga ginagawa ko at nasa puso ko ang pagmamaneho ng taxi,” sabi ko sa kanya.

            “Ok lang… naalala ko rin kasi sayo ang ama ko…”

            Ah? May ama pa pala siya kahit na ganitong klase ng edad niya? Pero mas mabuti na ngang wag magtanong. Baka makabastos pa ako sa kanya.

            “Parehas kasi kayo ng ama ko. Kaya niyang alagaan lahat ng anak niya kahit may ibang sinisisi pa siya kapag may nangyaring masama,” sabay ngiti siya.

            “Ilan po ba kayong magkakapatid?”

            “Marami…sobrang dami. Kaya na nga itong punan ang buong daigdig sa sobrang dami eh…” sabi niya pa.

            Natawa ako bigla sa kanya. Kahit na medyo seryoso pala ang itsura niya, kaya niya parin palang makipag tawanan at makipag biruan.

            Maya-maya ay nagreen na ang ilaw. Nagsimula na akong magmaneho ulit.

            Pinaliko niya ako sabay diretso ulit ng takbo. Wala talaga akong kaide-ideya sa pupuntahan ko.

            “Sigurado po ba kayo sa lugar na ito? Mukhang di ko na po kasi alam ito eh,” halatang may pag-aalala sa boses ko.

            “Wag kang mag-alala, alam ko ang daan…”

            Nagkaroon ako ng kumpiyansa sa loob ko na hindi kami maliligaw. Pero bakit?

            “Paano mo napagtapos ang mga anak mo sa pagiging taxi driver mo?” dagdag na tanong niya pa sa akin.

            “Tiwala lang po sa sarili. Siyempre rin po, kaunting inspirasyon rin po para sa kanila. Sila naman po kasing dahilan ng pagsusumikap ko eh… kaya kahit anong hirap, gagawin ko, kahit magpawis na ako ng dugo sa sobrang hirap.”

            “Hayaan mo, balang araw, susuklian ka rin ng kabutihan ng mga anak mo…” sabi niya pa.

            Sa sobrang haba ng pag babiyahe naming dalawa, napasarap rin ang aming usapan. Parang ito na siguro ang pinakamasayang usapan na nangyari sa buong buhay ko. Pero ang ikinatuwa ko pa ay ng pumara na siya. Pero alam niyo kung saan siya pumara? Sa isang simbahan. Ibig sabihin ba nun, pari siya?

            Bumaba na siya ng taxi ko at agad naman akong nagsalita.

            “Ay nako! Pari po pala kayo… sige po, kahit di na po kayo magbayad. Ok lang naman po… salamat nalang po sa usapan natin,” sabi ko sa kanya.

            “Hindi na… tanggapin mo na ito,” sabi naman niya.

            TInignan ko ang metro niya. Halos limang daan lang… ngunit binigyan niya ako ng limang libo. Mas lalo akong nahiya dahil sobra-sobra ang perang ibinigay niya sa akin. “Sobra naman po yan. Kahit isang daan nalang po. Sobrang laki po kasi eh..”

            “Tanggapin mo na ito. Galing ito sa puso ko…”

            Di na ako nakatanggi pa dahil pinipilit niya talagang kunin ko.

            “Salamat po,” sabi ko sa kanya.

            “Walang anuman………. Amparo,” sabi niya.

            Nagtaka ako. Ang ikanakagulat ko, paano niya nalaman ang pangalan ko?!

            “Teka po, paano niyo po nalaman ang pangalan ko? Magkakilala po ba tayo noon? O Magkamag-anak? Parang di ko naman po naalala ang mukha niyo eh,” pagtataka ko.

            “Magkakilala tayo, magkakilalang-magkakilala…”

            Mas lalo akong nagtaka.

            “Teka po, maari ko po bang malaman ang pangalan niyo?”

            “Ako? Pangalan ko? Ang pangalan ko ay….. HESUS.”

            Bigla akong napangiti. Tumalikod na ang matandang lalaki habang papasok ng simbahan. Pinagmasdan ko siya hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Sa sobrang saya ko ngayong araw, di ko na maipaliwanag pa ang nararamdaman ko.

            Nagmaneho ako paalis sa simbahan ng may ngiti sa labi.

PolaroidWhere stories live. Discover now