06: Ang pinakamahalagang uri ng kagandahan

11 4 0
                                    

ANG PINAKA MAHALAGANG URI NG KAGANDAN

NABIBIGHANI ang mga tao sa mga itinuturing nilang kaakit-akit. Pero bakit ba masasabing kaakit-akit ka? Ang totoo, may hangganan ang puwede mong gawin nang ligtas upang baguhin ang minanang mga katangian. Bukod dito, kumukupas ang pisikal na kagandahan, sapagkat walang sinuman ngayon ang makaiiwas sa nakapanghihinang mga epekto ng pagtanda at pagkakasakit. Mayroon bang isa pang uri ng kagandahan na mas mahalaga, tumatagal, at puwedeng matamo?

Ang Kahalagahan ng Panloob na Kagandahan

Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang panloob na kagandahan ay lubhang pinahahalagahan ng Maylalang, ang Diyos na Jehova.

Tingnan ang ilang halimbawa.
Nang sabihan ni Jehova si propeta Samuel na pumili ng isang hari para sa Israel mula sa mga anak ni Jesse, unang napansin ng propeta ang makisig na si Eliab. “Tiyak na ang taong nakatayo sa harapan ng Panginoon ang kaniyang hinirang,” ang sabi ni Samuel.

Ngunit sinabi ni Jehova kay Samuel: “Huwag mong hangaan ang kaniyang kakisigan o taas, hindi siya ang hinirang ko. Ang Panginoon ay hindi tumitingin sa anyo. Ang tao’y tumitingin sa anyo, ngunit ang tingin ng Panginoon ay sa puso.”— 1 Samuel 16: 6,7, Ang Biblia.

Ang piniling maging hari ay si David, ang bunsong anak. Bagaman sinasabing siya ay may “magagandang mata” at “makisig ang anyo,” maaaring si David ay hindi kasingkisig ng kaniyang mga kuya.

Subalit “ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay David magmula nang araw na iyon.” Bagaman siya ay di-sakdal at nakagawa ng malulubhang pagkakamali, nakilala siya bilang isang taong may mabuting puso at tapat na lingkod ng Diyos hanggang sa dulo ng kaniyang buhay. ( 1 Samuel 16:12,13 ) Tiyak na kaakit-akit siya sa Diyos dahil sa kaniyang panloob na kagandahan.

Ibang-iba naman ang isa sa mga anak ni David na si Absalom. Siya ay naging isang taong di-kanais-nais sa kabila ng kaniyang kaakit-akit na hitsura.

Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Kung ihahambing nga kay Absalom ay walang lalaki na gayon kaganda sa buong Israel anupat pinupuri nang gayon na lamang. Mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo ay walang kapintasan sa kaniya.” ( 2 Samuel 14:25  ) Gayunman, ambisyon ang nag-udyok kay Absalom na magrebelde laban sa kaniyang sariling ama at agawin ang trono. Hinalay pa man din niya ang mga babae ng kaniyang ama. Bunga nito, napoot ang Diyos kay Absalom at dumanas siya ng masasaklap na kamatayan 2 Samuel 15:10-14; 16:13-22; 17:14; 18:9, 15

Kaakit-akit ba sa iyo si Absalom? Siyempre, hindi. Sa kabuuan, isa siyang kasuklam-suklam na indibiduwal. Hindi natakpan ng kaniyang pambihirang pisikal na kagandahan ang kaniyang kahambugan at kataksilan, ni napigilan man nito ang kaniyang kapahamakan. Sa kabilang panig, naglalaman ang Bibliya ng maraming halimbawa ng matatalino at kanais-nais na mga tao pero wala namang binabanggit tungkol sa kanilang pisikal na anyo. Maliwanag, higit na mahalaga ang kanilang panloob na kagandahan.
Nakaaakit ang Panloob na Kagandahan
Nakaaakit ba sa iba ang panloob na kagandahan? Ganito ang sabi ni Georgina, halos sampung taon nang may-asawa: “Sa paglipas ng mga taon, naaakit ako sa aking asawa dahil sa kaniyang katapatan at kataimtiman. Pinakamahalaga sa kaniya ang mapalugdan ang Diyos. Dahil dito ay makonsiderasyon at maibigin siya. Isinasaalang-alang niya ako kapag nagpapasiya siya at ipinadarama niya sa akin na mahalaga ako. Alam kong mahal na mahal niya ako.”
Si Daniel, na nagpakasal noong 1987, ay nagsabi: “Para sa akin, maganda ang asawa ko. Hindi lamang ako naaakit sa kaniyang pisikal na hitsura kundi lalo pa akong napaiibig sa kaniya dahil sa kaniyang pagkatao. Lagi niyang iniisip ang ibang tao at pinasasaya sila. Taglay niya ang mahahalagang katangian ng isang Kristiyano. Kaya naman masarap siyang kasama.”
Sa mababaw na daigdig na ito, hindi lamang panlabas na anyo ang dapat nating tingnan. Kailangan nating matanto na mahirap magkaroon ng “modelong” hitsura—kung posible nga ito—at maliit lamang ang halaga nito. Gayunman, posibleng malinang ang kanais-nais na mga katangiang nagbibigay sa atin ng tunay na panloob na kagandahan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.” Nagbababala naman ang Kasulatan: “Gaya ng gintong singsing na pang-ilong na nasa nguso ng baboy, gayon ang babaing maganda ngunit humihiwalay sa katinuan.”-kawikaan 11:22; 31:30

Tinutulungan tayo ng Salita ng Diyos na pahalagahan “ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.” ( 1 Pedro 3:4 ) Oo, lubhang nakahihigit ang halaga ng gayong panloob na kagandahan kaysa sa pisikal na kagandahan. At maaari itong makamit ng lahat ng tao.



Source: http://wol.jw.org/tl/wol/d/r27/lp-tg/102004923#h=5

EXPEL THE DARKNESS Where stories live. Discover now