"Nay?" kabadong sambit ni Elie. Hindi na niya namalayan ang pagbasak ng backpack sa sahig. Namumutla ang ina niya, pikit-matang nakasandal sa sofa.

"Naku mabuti't narito ka na, Elie. Hinimatay ang Nanay mo kanina sa palengke. Kakauwi lang namin, hindi pa nga ako nakakapagluto ng hapunan," ani Aling Dolor.

"Ano pong nangyari?" halos pabulong na tanong niya. Sinaniban siya ng matinding takot habang nakatitig sa ina. Kulay-suka ang labi ni Aling Rosita.

"Dumating ang tauhan ni Mr. Vera, sinisingil na si Rosita sa pagkakautang. Mahigit apat na buwan nang hindi nakakapagbayad ng interes ang Nanay mo."

"Utang?" Lumapit siya sa ina. Dinama niya ang palad nitong nanlalamig. "Nay, bakit kayo nangutang? Para saan po?"

"Napeste ang gulayan, anak. Kinailangan ko ng dagdag na pondo para makabawi. Wala naman tayong malaking ipon ng mga panahong iyon. Lalo na at..." Lumunok muna si Aling Rosita bago nagpatuloy, "kamamatay lang ng Tatay mo."

"Malaki po ba ang pagkakautang natin?"

"Medyo malaki. Noong huling balik ng Tatay mo ay naisanla namin sa bangko ang bukirin. Hindi na natubos noong namatay siya. May balanse pa tayo ngayon pero kaunti na lang. Nang mapeste ang mga pananim, wala akong mapagkunan. Kaya ginamit kong kolateral itong bahay at lupa nang umutang ako sa kumpanya ni Mr. Vera," parang hapung-hapo na paliwanag ni Aling Rosita.

"Kapag hindi siya nakapagbayad sa susunod na linggo, maiilit itong bahay at lupa. Humingi si Rosita ng palugit pero isang linggo lang ang kaya nilang ibigay," dugtong ni Aling Dolor.

"Ano po'ng gagawin natin?"

"Hayaan mo na kay Nanay ang bagay na 'to. Mag-aral ka lang ng mabuti, anak. Huwag kang mag-aasawa nang maaga. Huwag kang tutulad sa amin ng Tatay mo, hindi nakapagtapos," sabi ni Aling Rosita.

Nagkasya na lang si Elie sa pagtango. Palaki ng palaki ang bara sa lalamunan niya. Bago pa siya maiyak ay tumayo siya. "Ako na po ang maghahanda ng hapunan natin."

Habang naghihiwa ng sayote ay iba't-ibang eksena ang naiisip niya. 'Pag wala na silang bahay, babalik sila sa bukid. Walang problema sa kanya kasi sanay naman siya doon. Hindi nila pinagiba ang dating bahay. Katunayan ay maayos pa iyon, alaga sa maintenance.

Pero masakit para sa ina na mawala ang bahay at lupa. Pinaghirapang ipundar iyon ng mga magulang niya. Nawala na nga ang Tatay niya, pati ba naman ang pinaghirapan nito?

Mapupunta lang sa wala ang lahat ng sakripisyo nila. Binawian ng buhay ang ama niya para sa pangarap ng magandang buhay. Ang bahay ay lupang iyon ay bahagi ng katuparan ng pinangarap nito.

May pera siya sa bangko. Nakapangalan sa kanya ang perang nakuha nila sa kompanya ng Tatay niya. Pero naka-time deposit 'yon, hindi nila puwedeng galawin.

Isa't kalahating buwan pa ang maturity ng deposito. Pero baka naman mapakiusapan nila si Mr. Vera? Isa't kalahating buwan lang na extension, siguradong makakabayad sila.

Iyon ay kung papayag ang Nanay niya na gamitin nila ang pera. Noon naman nag-vibrate ang bulsa niya. Dalawang message ang natanggap ni Elie. Isa mula kay Larkin. Nai-text na niya sa kaibigan ang bagong number kanina.

Gaya ng inaasahan, nagtaka ito kung bakit bago ang number niya. Idinahilan lang niyang na-sim block. Ang pangalawa ay galing kay Francia. Nakauwi na daw ito.

Hindi siya makaramdam ng saya gaya ng kadalasang nararamdaman niya sa tuwing nagti-text si Larkin. Sa huli, nagpaalam na lang siya dahil wala siyang matinong sagot sa pagkukuwento nito.

SA HAPUNAN ay binanggit ni Elie ang tungkol sa naisip. Gaya ng inaasahan, matigas ang pagtanggi ng Nanay niya. Pero kahit anong gawing isip ni Elie, wala silang choice. Mawawala talaga sa kanila ang bahay at lupa.

"Nay, 'yon lang ang makakapagsalba sa bahay at lupa. Alam ko wala ka nang ibang mapagkukunan. Isa pa, ibabalik naman natin ang pera 'di ba? Kayo, hahayaan n'yo na lang ba na mawala ang pinaghirapan n'yo ni Tatay?"

"Pero anak, para sa pag-aaral mo 'yon," patuloy na tanggi ni Aling Rosita.

"May magandang eskuwelahan sa kabisera, 'Nay. Hindi ko kailangang mag-aral sa sikat na university sa Maynila."

"Sabihin na nating pumapayag ako. Pero isang buwan at kalahati pa bago natin makuha 'yong pera. Isang linggo lang ang palugit ni Mr. Vera, anak."

"Puntahan natin sa opisina, makiusap tayo. Dalhin natin ang katibayan na may pera tayo sa bangko. Magbakasakali tayo 'Nay," ani Elie.

Matagal bago kumibo si Aling Rosita. Patapos na itong kumain pero wala pa ring sagot.

"Sige. Samahan mo ako bukas na bukas din."

Nakahinga ng maluwag si Elie sa narinig. Lihim siyang nagpasalamat na napapayag niya ang ina. Sana lang ay kampihan sila ng pagkakataon bukas.

MENOS singko bago mag-alas otso nang sumunod na araw ay nasa Ace Lending Company na silang mag-ina. Ayon sa receptionist ay wala pa si Mr. Vera. Pero maaga naman daw itong pumapasok. Habang naghihintay ay kung saan-saan napupunta ang mata ni Elie.

Parang salamin sa kintab ang kulay kapeng tiles na sahig. Krema ang kulay ng pintura sa dingding. Sa isang sulok naroon ang water dispenser.

Natatakpan ng puting blinds ang bintanang salamin. Malamig din ang buga ng aircon. Lutang ang amoy ng bulaklak sa paligid. Hindi lang niya sigurado kung galing sa air freshener o sa mismong bulaklak sa mesa ng receptionist.

"Good morning, Sir."

Napatayo ang receptionist nang pumasok ang matangkad na lalaki. Namumuti ang buhok sa gilid ng ulo nito. Saglit nitong tinapunan sila ng tingin bago tumuloy sa loob.

"Si Mr. Vera na ba 'yun, Miss?" aniya nang mawala ang lalaki.

"Oo.'Antay na lang kayo na tawagin, okay?"

Hindi nagtagal ay tinawag na ang Nanay niya. Naiwan si Elie sa kinauupuan. Para mabawasan ang pagkainip ay nagbasa-basa siya ng magazines. Makalipas ng thirty minutes ay dumami na silang naghihintay. Halos nabasa na niya lahat pati mga lumang newspaper. Hindi pa rin lumalabas ang Nanay niya.

"Hi Cecil. Diretso na 'ko kay Dad ha?" anang boses malapit sa kanya. Nang mag-angat siya ng ulo ay nagtama ang paningin nila ni Roxanne Vera.

"May kliyente pa siya, Miss Roxanne. Kausap niya ngayon si Mrs. Sarabia."

Noon bumaling sa kanya si Roxanne. "Ikaw 'yung best friend ni Larkin. Elie Sarabia right? Mom mo 'yung kausap ni Dad?"

Alanganing ngumiti si Elie saka tumango. Siya namang paglabas ng Nanay niya. Bagsak ang mga balikat nito. Nanlulumong inakay niya ang ina. Isa lang ang ibig sabihin nito; bigo sila sa hinihinging palugit.


A Lot Like Love (To Be Published Under PHR)Onde histórias criam vida. Descubra agora