Ang Pagkabasag ng Mahikang Kalasag ng Lireo

442 6 14
                                    


Nagtagumpay nga sina Avria at Andora na papaniwalain ang mga Sang'gre na sila'y nagwagi sa huwad na digmaan sa pagitan nila at ng Etheria. Ibig sabihin ay maisasakatuparan na nila ang pagbawi sa sentro ng kapangyarihan sa Encantadia, ang tanyag na Lireo, ang naging simbolo na ng kapangyarihan, ang pamosong muog ng mga diwata.

Malalim ang gabi. Subalit dama sa paligid ang saya sa palasyo. Ang mga tawanan at sigawan ay sinabayan ng pagkislap ng mga bituin sa kalangitan.

Ngunit dama rin ni Avria ang kakaibang galak. Amoy niya ang tagumpay maging sa banayad na simoy ng hanging tila binabati siya sa napipintong panibagong digmaan, digmaang batid niyang ipapanalo niya at ng kanyang hukbo. Nakangiti sa kanya ang tapat na Heran na si Andora na marahang tumango upang ipakita ang pananabik nito. Si Lilasari naman ay nakakatitig lamang sa kastilyo ng Lireo.

"Nagkakasiyahan ang mga diwata," saad ni Andora.

"Alam ko," tugon ng hara ng Etheria habang nakapikit at taimtim na nakikiramdam. "Naririnig ko sila. Ramdam ko ang saya nila sa inaakala nilang tagumpay."

"Hindi nila alam ang matinding panganib na paparating."

"Ngayong gabi ay tuluyan nang babagsak ang mga diwata, at sa pagkakataong ito hindi na sila muling makakabangon."

"Maghahari nang muli ang Etheria sa buong Encantadia." Matalim ang titig ni Andora sa makislap na palasyo.

"Andora, natitiyak mo bang hindi tayo masisiglapan ng tagakita sa kanyang balintataw."

"Mahal na Hara, natitiyak ko." Ngumisi ang nakadilat na Heran. "Hindi tayo makikita ni Cassiopea dahil hinaharangan ng aking kapangyarihan ang kanyang pangitain."

"Maghanda kayo!" sigaw ni Avria sa kanyang hukbo. Ngumisi siya nang marinig ang tunog ng mga sandatang mabilis na hinugot ng mga mandirigma mula sa mga kaluban ng mga ito. Ang kalabog ng kanilang mga paa sa lupa ay musika sa kanyang pandinig. Muli siyang humarap sa Lireo. Tanging ang lambak at ang kagubatang naroon ang pumagitna sa mga diwatang walang kaalam-alam at sa pwersa ng Etheria.

"Hindi tayo makakalapit hangga't napapaligiran ng kalasag ang Lireo," saad ni Andora, "kalasag na gawa ng mga brilyante."

"Batid ko," maikli niyang tugon habang unti-unting lumitaw ang kulay-lilang enerhiya sa kanyang mga mata. Mahigpit ang hawak ni Avria sa kanyang tungkod na dahan-dahan niyang inangat. "Sa bisa ng kapangyarihang pinagkaloob ng bathaluman, sinasamo ko ang bagsik ng kadiliman. Wasakin ang mahikang pananggalang ng mga diwata!"

Bakas ang ngitngit sa kanyang mukha, subalit kinubli ng tumitingkad na lilang enerhiya sa kanyang mga mata ang bangis ng kanyang mga titig. Dumaloy mula sa kanyang katawan ang kapangyarihan at umikot ito sa kanyang tungkod. Mabilis na naipon ang enerhiya sa ulo ng kanyang setro. Inikutan ng itim na usok ang kumakapal na globo ng kapangyarihan, at kasabay ng tili ni Avria ang matuling pagtumbok ng mahika ng kadiliman patungo sa kastilyo.

Sa pagtama ng kapangyarihan ni Avria sa kalasag ay naghalo ang langitngit at dagundong na dinig sa kapaligiran. Tila ba ay lumalaban ang proteksiyong gawa ng mga brilyante. Nagliwanag ang bilugang kalasag sa palibot ng kastilyo. Ilang sandali pa ay lumitaw ang iba't ibang kulay ng mga elemento, umaalon, animo'y nakikipaglaban sa pwersang nais sumira sa mga ito.

Ngunit tunay ngang makapangyarihan ang reyna ng Etheria. Pinupunit ng enerhiyang rumaragasa mula sa kanyang tungkod ang umaandap na pananggalang. Kasabay ng matining na halakhak ni Avria ang tuluyang pagkawasak ng panabing na sumingaw at naglaho.

Hindi niya inalis sa kanyang paningin ang maliwanag na kastilyo na noo'y batid na niyang madali na nilang malulusob. Walang pagsidlan ang galak na kanyang nadarama habang naglalakad patungo sa dulo ng talampas.

"Hayaan ninyong magsilbing babala ang gagawin kong ito." Sa pagbagsak niya ng kanyang tungkod sa lupa ay kumawala ang alon ng pwersa patungo sa kastilyo. Binasag ng pwersa ng alon ang mga bintana ng palasyo ng Lireo. Mula sa kanyang kinatatayuan ay dinig niya ang sigawan ng mga diwata. Dama niya ang pagkawindang ng mga ito at ang takot ng marami.

Humarap si Avria sa mga Etherian. "Ivo live, Etheria!" Binalot silang lahat ng itim na usok at sabay-sabay na naglaho.

Encantadia FAN FICTIONWhere stories live. Discover now