Nasagi ko at natumba ang lalagyanan ng mga sandok sa lamesa.

   Kumalat ang mga kutsilyo. Iba’t-ibang klase, haba at tulis. May iba na ngayong ko lang nakita. Dun naman ako napatitig. Nakita ko pang may kumislap sa dulo ng isang patalim. Parang nagsasabing ‘ako ang pinakamatulis sa kanila’. At binaling ko ulit ang leeg ko sa di ko na kilalang tao. Payapa siyang natutulog. Walang kaalam-alam. Kahit anong gawin ko sa kanya ngayon ay ‘di niya malalaman. At wala ding makaka-alam. Sakto sa pagkakataon.

   Hawak na ng kanan kong kamay ang isang kutsilyo.

   “Asan kaya kita sasaksakin? Sa leeg? O sa tiyan? Tapos kukuyugin ko ang mga laman loob mo? Hindi ba magandang ideya yon? ” Pabulong na lumabas sa bibig ko ang di ko naman inisip sabihin. Di ko alam kung ako pa ang nagsasalita dahil hindi ko na marinig ang mga sinabi ko. Nakita ko ang kamay ko na naka-angat na sa ere hawak ang patalim, na sa anumang sandali ay pwede ng maitusok sa gagong nakahiga. Ang alam ko, gusto ko siyang patayin! Para matapos na ang pambubugbog sa aming mag-ina ng tarantadong ito!

   

   

   “Bryan? Pakibuksan naman ang pintuan. Mabigat ‘tong mga dala ko. Andyan ka ba?” .

   Nabitawan ko ang kutsilyo na nagpatunog sa kahoy na sahig. Na dahilan kaya nailumpungatan na naman ang ama-amahan ko. Umunat lang. Balik na ulit ako sa sarili ko. May narinig ako kaninang boses pero iba ang lenggwahe. Parang tumusok sa sintido ko. Naramdaman ko na lang ang unti-unti pagkirot ng ulo ko. Nakita ko ang maitim na pusa sa pintuan ng CR. Nakatitig saken. Ang mama ko ang kumakatok.

   Diyos ko patawarin niyo po ako.

   Binalik ko na ang kutsilyo at itinayo ang natumbang lalagyan ng mga kubyertos. Dali-dali kong binuksan ang pintuan. Ang nanay ko, may dalang dalawang plastic galing sa SaveMore. Nag-grocery. Di ko alam kung san’ galing ang pera. Magulo pa masyado ang utak ko para magtanung. Inabot ni mama ang mga grocery at isinalampak ko sa butas naming sofa. Wala na din ang pusakal.

   “Naku ‘tong tatay mo talaga, lasing na naman.” May isang linya ng luha ang nahulog sa pisngi niya. Pinunasan niya ng bimpo niya. Inayos niya ang kaldero. “Halika ‘nak, sa labas tayo maghapunan. Tapos na yata yang ama mong kumain.”

   “Mama, bakit ba nagtyatyaga ka pa sa hinayupak na yon?” Pinipigil kong lumuha ang mga mata ko. Nanginginig ang bibig. Garalgal ang boses pero pilit na hinihinaan. “Habang buhay lang tayong bubugbugin niyan!”

   “Ito lang ang paraan para mabuo tayong muli anak. Isang pamilya. Bryan.”

   “Hindi ko nakikitang buo ang pamilya ko ngayon! Asan ang kapatid ko? Asan tayo? At asan ang ama ko? Tingnan mo ‘tong bahay! Alin ang buo dyan? Lahat wasak! Dahil sa put…”

   Tinakpan ni mama ang bibig ko at hinila palabas. Gising na ang natutulog. Pero tinakpan niya lang ang mukha niya ng unan at natulog ng pilit.

   Hindi ko talaga maintindihan kung ano ang pinagtyatyagaan ng nanay ko sa nagliliwaliw lang na taong ‘to. Bakit ba kasi kailangan niyang magpakasal. Naalala ko tuloy yung family day namin sa luneta, Tatlo lang kaming bumubuo sa pamilya, pero higit sa isang tribo ang pag-aalaga naming sa isa’t-isa at mas masaya pa kesa sa isang family reunion ang simpleng get-together namin.

   “O Rosita, si Yan-yan magiging guro yan paglaki. Tingnan mo naman pati dito, dala pa din ang mini blackboard niya at isang box ng chalk. Mga pusa lang naman drinodrowing.” Sinamahan ng tawa ng aking tunay na ama ang pang-aalaska nito sakin. Pero, biglang naging seryoso ang mukha niya at dinagdag ang mga linyang dumurog sa puso ni mama. “Kailangan ko ng umalis, malala na ang giyera sa Maguindanao. Kailangan ng heneral ng mga sundalo ko dun. Di ko nga lang talaga alam kung makakabalik pa ako ng buhay. Mahal kita at mahal ko din ang anak ko. Wag mo siyang pabayaan, Rosita.”

   Hinalikan niya sa pisngi ang ina kong lumuluha. Pinunasan ni mama ang dalawang mata niyang nagtutubig . Sumagot siyang nangingig ang boses. “Hindi ko gusto na ganito tayo hahantong Renato. Kailangan ni Yan-yan ng ama. Bumalik kang buhay ah. Please, para samin. Please mahal ko.”

   Mabilis na niyakap ni papa si mama. Inakbayan ako ni papa para mapaloob na din sa yakap ng isang mapagmahal na pamilya. Nakiyakap na din ako at napapikit. Dumikit sa pisngi ko ang bisig ni papa. Hinalikan ko sa noo ni mama. Nginitian niya ako na parang sinasabing maayos lang ang lahat at walang dapat ipag-alala. Napakasarap, mangmang pa ako sa mga kasiyahan sa mundo sa edad kong yun pero ang mapaloob sa kandungan ng mga magulang ko ang pinakamakaligayang sandali ng kamusmusan ko. Ang imortal na yakap ng magulang.

   Sa edad na siyam na taon, litung-lito na ako sa pag-iintindi ng pinag-usapan nila. Pero ngayon, mas naiintidihan ko na ang realidad ay sobrang matalinghaga. Tulad ng sarap ng Sinigang, mahiwaga.

   Hinigop ko ang sabaw na isinasandok sa kutsara, “Mama, pasensya kanina.” Humingi ako ng patawad. Ayokong magkasamaan pa kami ng loob. Kami kami na nga lang eh magkakagulo pa. Magkagulo na ang pamilya ng iba ‘wag lang samin. Tsaka may sakit sa puso si mama, problema sa pera at parusa sa panibagong asawa. Ayoko ng dumagdag pa.

   “May mga problema lang talaga na kunwari kasama ka sa sitwasyon at kailangan mong maki-apela. Pero mga alibi lang ‘to ng pagkakataon na nagiging dahilan ng pagpapaliban sa pagsolba dun sa mga mas importanteng problema. Problemahin mo ang mga projects at quiz sa eskwelahan o ‘yung love letter mo sa gusto mong ligawan, pero wag muna ‘to nak.” Payo ng nanay ko. Lumagok siya ng tubig.

   Di na lang ako nagsalita. Nakita pala niya yung loveletter ko.

  “Bayad po oh, tatlong kanin at isang order ng sinigang.” Nginitian ako ni mama. “Uwi na tayo ‘nak, marami pa tayong aayusin dun sa bahay.”

 

 

Sa Aking DemonyoWo Geschichten leben. Entdecke jetzt