Panglima

201 0 0
                                    

“Pare, akin na. Habang nasa labas pa ang panget na proctor.” Pawisan kong pinipilit si Rommel na bigyan ako ng biyaya, kodigo.“Putik. Wala talaga akong alam sa Trigonometry! Mamatay na sana ang nakadiskubre nito! Sira-ulo.”

Makulimlim ang kalangitan sa labas ng silid aralan pero mainit ang pagsasagot namin sa kasulukayang pasulit. Buti na lang talaga at hindi alphabetical ang sitting arrangement namin sa Final Achievement Test. Pagpasok ko pa lang kanina sa room ay tinabihan ko na agad si Rommel para ligtas na ako sa mga subjects. Ngayon, nasa likod si Herbert. As in sa huling row at sa huling upuan na malapit sa basurahan. Late na kasing dumating ang kumag eh. Wala tuloy kaibigan. Walang nagpapatingin sa kanya ng sagot. Mangiyak-ngiyak pa yata ang mukha.

   Ang totoo, nakita ko na hinulog ni Rommel ang ginusot at binilog na papel na gumulong pa sa ilalim ng armchair ko. Pero kanina pa kasi nakatitig ang proctor sa akin. Nasa may pintuan na pala ang lintik. Napansin yata ang pagsundot-sundot ko ng ballpen sa siko ni Rommel.

  “Hoy, hoy, hoy. Kayong dalawa. Anong pinagkakaabalahan niyo dyan? Di ba bawal magsalita during test? It’s clear in my instructions before you took the exams.” Inayos ng matandang titser ang kanyang salamin para titigan kami. Saka pinuntahan sa aming kinauupuan. “Let me see your papers.”

    Dinig ko ang mabilis na pag’dug-dug’ sa aking dibdib. Malalim na katahimikan ang pumaloob sa loob ng silid-aralan. Talagang identical ang mga sagot namin at nakalimutan kong mali-maliin ang iba. Baka di ako grumadweyt nito. Lahat ng mga kaklase ko nakatingin saken. Pero easy lang si Rommel. Di ko alam kung bakit.

    “Ito ma’am oh.”  May hinugot si Rommel na isang papel sa kanyang bag at iyon ang binigay niya sa proctor. Tinitigan ito ng titser. Nanlaki ang mga mata niya at biglang nginitian si Rommel. Ang weird. Nung nakita ko namang inangat yung papel ay nakita ko ang bakat na nakasulat sa mga backgrounds. Pero hindi A,B,C at D ang nakita kong inverted. Para siyang drawing. Mata yata. Di ko alam. Di ko sigurado.

    “Ok. I’m sorry. You can now all continue with your test. You still have 30 minutes left.” Umubo pa ang 50 plus anyos na guro at ipinahinga ang katawan sa upuan sa harapan. Kinalikot niya ang mga papel sa nakapatong sa table. Parang walang nangyari.

    Kinindatan ako ni Rommel. Pasimple niya na ding inabot sa’ken ang papel niya. Hindi na ako nagtanung kung anong nangyari. Kinopya ko na agad ang mga sagot niya. Ligtas na talaga ako.

Si Herbert, nakatitig sa basurahan.

    Sa Trigonometry lang naman talaga ako may problema. Ay hindi, sa kahit anong uri pala ng Math. Haggard ang mga lessons. Tulad ng mga madalas itanung ng mga pilosopong estudyante, ano ba talaga ang katuturan ng pagkakaroon ng ganitong subject sa buhay-pag-aaral namin? Eh para sa mga engineers lang naman yun. Mag-eengineer ba ako?

    Akala ko nga kukumbulsyunin na ako nung Logarithms na topic namin eh. Ang mga wala daw calculators, bawal manghiram at mano-mano dapat ang pagsolb. Pangongopya na lang ang bumubuhay saken sa asignaturang ‘to. At dahil sa kaibigan ko ay intelehente, kay Rommel nanggagaling ang mga pangangailangan ko.

   Minsan pa nga eh pinagreport siya sa history ng Trigonometry bilang ‘entrance’ namin bago talakayin ang mga lesson nito. Sabi niya, hangang-hanga daw siya kay      dahil kung hindi ipinanganak ang ‘tatlong kantong matematika’ na ito, ay wala sanang mga gusali at mga inprastraktura para sa ating mga mag-aaral. Mananatili pa sana tayo sa mga kapatagan sa ilalim ng mainit na araw at nakikinig sa mga naiinitan na ding mga guro.

   Malaki nga ang naitulong ng Trigonometry sa paghulma ng mga sementadong haligi ng mundo natin ngayon. Nabibigay nito ang mga eksaktong layo at hangganan ng mga kanto para sa mga Architect na nagdidisenyo. Ito ang pundasyon ng tinatawag nilang ‘engineering’.

  Pero anak ng asong ulol, eh kahit sa panaginip ay hindi ko pinangarap na magtayo ng bahay. Magulo na nga bahay namin ‘tas papatayo pa ako ng iba. At alam ko, isa o dalawa lang ang nangangarap maging inhinyero dito sa mga kaklase ko. Hindi ako isa dun. Gusto kong maging..maging.. Ah basta. Sa magiging trabaho ko naman sa hinaharap, alam kong walang kwenta at alikabok lang ang mga secant, cosecant, tangent, cotangent, sine at cosine.

   Bakit nga ba tinuturo pa rin nila ito? Pati college daw, kasama pa din ‘to sa kurikulum. At mas hayop pa lalo. Lilitsunin daw utak mo.

   Si Patrick, hindi na talaga makatiis at minsa’y tinanung niya ang titser namin dito kung ano ba talaga ang katuturan ng trigonometry sa amin eh hindi naman kami ‘accountant’ o ‘engineer’. Sinagot siya ng guro sa pinakamaalam na tono, “Logic.Kailangan natin ng logic sa buhay at hindi lang puro common sense. Yan ang gamit ng math. Sabihin mo mang walang kinalaman yan sa buhay niyo, malaki pa din ang ambag nito sa mga pagdedesisyon mo sa maraming bagay. Logic.”

   Tuloy pa din ang test. Ok na sa’ken ang English at Filipino. Minamani ko na lang ang tanung. Sisiw para sa’kin. Common sense lang daw kasi ang dapat iapply sa pag-iintindi ng English at Filipino subjects.

   Taimtim pa din ang lahat sa exam. Si Patrick, tinulugan ang test. Korek talaga, ano naman kaya pumasok sa utak nun. Napansin na din siya ng proctor at mabilis na nilapitan at tinanung, “Tapos ka na ba?”

   “Kanina pa mam.” Humihikab pa at nagpupunas ng muta si Patrick. Ayos yun ah, kanina eh parang nasunugan na siya ng bahay dahil sa lugmok ng kanyang mukha tapos ngayon tapos niya na lahat ng tests? Pagbalik ng proctor sa kinauupuan niya, doon ko din nakita na na may nilukot din siyang papel at pinagulong papunta kay Sylestre. Nabasa ko ang sinabi niya ng walang boses, “Salamat, par.”

  Pagkatapos ng test, baba agad kami at dumerecho sa canteen.

  Naalala ko din, bwisit na test na ‘to, kailangan nakatapat talaga sa Valentines Day. Valentines ngayon, at ang kadate ko si Rommel. Inangat niya ang Fruit Soda at saka ininom.

   “Oh ano na pare? Tuloy ba natin ngayon ang plano?” Hinigop ni Rommel ang libreng sabaw na palaging binibigay t’wing bibili ng budget meal. “Wala si  Patrick o Herbert. Hehe.”

    Si Rommel, ayaw magkagirlfriend. Kaya hindi niya prinoblema ang kahalagahan ng araw na ‘to.Hindi ko alam ang dahilan, siguro gusto niya talagang magpokus ng pag-aaral. Pero alam ko naman kaya niyang balansihin eh, mga gimmick pa nga lang namin hindi siya nawawala. Sa pag-ibig pa kaya?

     Sinandok ko ang huling kutsara ng kanin na may cornbeef. Sinagot ko siya habang nginuya ko pa ito. “Ok lang yun. Baka nga magkasama sila ni Sylestre eh. Tanggap ko na pare. Happy Valentines sa’ting dalawa. Hehe. PacoPark tayo. Date-date lang.” Seryoso ako nung sinabi ko yun sa kanya. Gusto ko lang talaga may kasama ngayong araw na ‘to.

     “WAHAHAHAHA!” Sumirit sa dalawang malalaking butas ng ilong  ni Rommel ang libreng sabaw na nilaga dahil sa pagtawa sa sinabi ko. May mga nashoot pa sa bowl ko. “Hahaha. Hinaan mo naman boses mo, baka maschoolpaper tayo nito. Journalist ako. Hahahaha!” Tama nga ako. Hindi niya ako sineryoso.

      Nakakalungkot. Parang isang dekada na nung huli akong kinausap ni Roselle. Ambilis ng oras kapag kasama mo ang mahal mo dahil wala kang kamalayan sa oras. Dahil walang konseptong ‘oras’ sa pagmamahal. At kasing bagal naman ng paglalakbay ng mga ulap sa kalangitan ang panahon kapag wala sa tabi mo ang tinitibok ng puso mo, dahil naghihintay ka sa muli niyong pagkikita at oras ang magdidikta kung kailan ito.

Sa Aking DemonyoWhere stories live. Discover now