Prologue: Christmas Eve, December 2014

156 2 0
                                    

"THANK YOU for your business, and Happy Holidays."

Hay, isang long call na naman ang natapos.

"Cherry, tara, lunch na tayo," tawag ni Adrienne na isa sa mga ka-team ko. Nakita kong nagtanggal na siya ng headset kaya naman ni-wrap ko na ang notes ng kakatapos ko lang na call at tinanggal na rin ang headset ko.

"Nakow, ang consolation ko lang talaga sa tuwing dito ako nagpa-Pasko sa office eh may pakain ang management. Na pang-noche buena din ang peg," sabi ni Adrienne habang naglalakad kami papunta sa pantry.

"Eh 'di ba taun-taon naka-leave ka kapag Pasko? Ano'ng nangyari ngayon?" tanong ko.

Sumimangot naman si Adrienne. "Ayon, naubusan ako ng slot sa leave. Ang plano ko pa naman eh gamitin na ang iba kong leave credits ngayon para non-taxable na ang ico-convert to cash nila. Lima pa naman 'yun."

"Ay sayang naman," sabi ko. Nanghinayang din ako sa kwento ni Adrienne.

Nauna sa akin ng isang taon si Adrienne sa call center na pinapasukan namin. Siya ang member sa team na napuntahan ko na unang bumati sa akin. Laking pasasalamat ko dahil siya rin ang palaging ina-assign ng team leader namin na makatabi ko sakaling may mga tanong ako noong newbie palang ako. Kaya naman naging close kami. Though marami siyang kaibigan sa floor maliban sa akin, sinisigurado naman niya na hindi ako left out.

At ngayon, magdadalawang taon na akong agent dito sa kumpanya na 'to. Mas dumami ang mga kaibigan ko, pero si Adrienne pa rin ang kasa-kasama ko. 'Yun nga lang medyo nalulungkot ako kasi may bali-balita sa floor na magiging trainer na daw siya, Sa kabilang banda, nakakatuwa naman kasi, promoted na ang kaibigan ko.

"Girl, daan lang ako ng lockers' area. Baka may text si Chester," sabi niya. Bawal kasi ang phone sa loob ng operations floor.

Sumunod na rin ako sa kanya para tingnan ang phone ko sakaling may tumawag o nag-text din sa akin.

Maliban sa bati ni Kuya Kiwi, meron akong missed call galing sa isang unknown number.

Napakunot-noo ako, kasabay ng mabilis na pagtibok ng puso ko. Kasi wala namang tumatawag sa akin na unknown ang number. Unless...

Tiningnan ko ang number. Dito galing sa Pilipinas.

Bakit nga ba umaasa pa rin ako?

Ti-nap ko ang Call Back button. Mabilis pa rin ang kabog sa dibdib ko, kasabay ang pag-asa na maririnig ko sa kabilang linya ang boses na dalawang taon na ang nakakaraan nang huli kong marinig.

"Hello? Cherry?"

Hindi iyon ang boses na inasahan ko, pero natuwa pa rin ako sa familiarity nito.

"Sofie?"

"Oo. Si Sofie nga 'to. Kamusta ka na Che? Nasa bahay ka ba?" naramdaman ko ang excitement sa boses ni Sofie. Ilang buwan din kaming hindi nakapag-usap at nagkabalitaan.

"Nasa trabaho ako. Alam mo na, weekends and holidays may pasok pa rin."

"Aba'y grabe ka, ikaw na ang double paid at mayaman!" sabi ni Sofie.

"Ay, ako na talaga! Ikaw kamusta ka?"

"'Eto, nasa Bulacan ako ngayon. Dito ako magpa-Pasko. Kelan ka ba walang pasok? At nang makapag-bonding naman tayo?"

"Sa Tuesday. Tuesdays-Wednesdays ang off ko, 'te," sabi ko.

"Ang loser mo naman. Mid-week talaga?" parang di pa makapaniwala si Sofie.

"Oo, ganun talaga. Yaan mo, minsan pupuntahan kita para naman makapag-bonding tayo."

"Sige, ha? Aasahan ko 'yan. At girl, bago ko makalimutan, Merry Christmas!"

"Merry Christmas!" bati ko rin.

Nang magpaalamanan kami ni Sofie ay tama namang kabababa lang din ni Adrienne ng phone niya.

"Kamusta naman si Chester?" tanong ko.

"Ayun, susunduin na lang daw niya ako mamaya. Gusto niya sanang pumunta dito ngayon na, sabay kaming kakain. Kaso sabi ko, mamaya na lang..." sagot ni Adrienne.

"Talagang may forever sa inyo 'no?" puna ko.

"Ay oo naman. Matagal kong hinintay at pinagdasal ang forever na 'yan."

Fresh from training ako nang mabalitaan ko na ang isa sa mga ka-batch ko na si Francine ay naging boyfriend si Charles, na ex naman ni Adrienne. Ang sabi sa floor, nakipag-break si Charles kay Adrienne dahil kay Francine. Hindi ko naman masyadong gusto si Francine, at nang makilala ko nang husto si Adrienne, naisip ko, tama nga lang siguro na iniwan siya ni Charles. Dahil higit pa talaga kay Charles ang bagay sa kanya.

Nakangiti pa rin si Adrienne hanggang makarating kami sa pantry. Naniwala naman ako na matagal naghintay si Adrienne ng forever niya. At hindi biro ang pinagdaanan nila ni Chester bago nila narating ang kasiyahan na meron sila ngayon. College schoolmates ang dalawa, at ngayon na may kanya-kanya na silang trabaho ay saka lang sila ulit nagkaroon ng pagkakataon na ipagpatuloy ang naudlot na love story nila noon.

May halos ganun din akong eksena, na hanggang ngayon ay hinihintay ko kung darating pa nga ba.

"Sino naman yung kausap mo kanina?" tanong ni Adrienne. "Kuya mo?"

"Hindi. Kaibigan ko. Matagal na kaming hindi nakakapag-usap nu'n kaya tinawagan ko," sagot ko naman.

Tiningnan ko ni Adrienne. "Alam mo, 'wag ka ma-oofend ha? Pero noon pa, nararamdaman ko, parang ang weird mo? Not in a bad way, though."

"Paanong weird?" kunot-noo kong tanong.

"Parang ang dami mong itinatago sa buhay," paliwanag niya.

"Lahat naman tayo may mga itinatago sa buhay siguro," sabi ko na lang.

Kumibit-balikat na lang si Adrienne. "Well, tama din naman 'yun. Siguro ang lakas lang talaga ng aura mo'ng may pa-mystery effect."

Hindi naman nagkakamali talaga si Adrienne. Totoong marami akong tinatago sa buhay. Mga bagay na hindi ko maisip ngayon kung paano ko nakayanang malampasan. Mga bagay na kahit mapait at masakit, hindi ko maikakailang bahagi na ng nakaraan ko.

Minsan akong nawalan ng bilib sa forever. Ngayon, miyembro na ako ng Team Hopia. Mga hopefuls na sana nga totoong may forever.

Napatingin ako sa isang sulok ng pantry kung saan, imbes na Christmas tree ay isang malaking replica ni Santa Claus ang nakalagay. May dala itong supot sa likod kung saan nakalagay ang mga regalo.

Kung talagang totoo si Santa Claus, susulatan ko siya. Pero hindi ako hihingi ng regalo. Hindi ko hihilingin sa kanya na bigyan ako ng boyfriend, kahit na mukhang nakaka-tuksong gawin. Hindi rin ako hihingi ng maraming pera, o ng peace of heart, o ng mga bagay na imposible naman talagang maibigay niya. May itatanong lang ako sa kanya. Isang bagay lang.

Dear Santa, may forever nga ba?

May FOREVER Nga Ba?Where stories live. Discover now