CHAPTER ONE
Ang iba't ibang kulay ng mga ilaw na siyang nagpapaindak sa lahat at maiingay na tunog na nagpapatindi sa sidhi ng damdamin ng bawat isa ay nagwiwikang 'Sumayaw ka! Kalimutan ang problema. Tara!'
Halos magkapalitan na ng mukha ang bawat nilalang sa dance floor sa sobrang siksikan ng mga tao. Sa bawat kilos mo'y may masasagi ka. Ramdam mo na rin ang pagiging malagkit ng iyong buong pangangatawan dulot ng pawis na nagsisilabasan mula sa iyong balat, ng inyong balat. Dahil ang pawis ninyo ngayong gabi ay iisa—halo-halo. Wala kayong pag-iinarteng sumasayaw kasabay ng tugtuging nagpapalimot sa inyo nang panandalian sa mga problemang inyong iniinda.
"Whoo! Let's just have fun and forget what happened, guys!" Patalon-talon kang nagsisisigaw habang nakatingin sa mga kaibigang tila gusot-gusot na papel ang mga mukha. Nakataas ang kanilang tig-iisang kilay habang diring-diring nakatitingin sa katabing mga lalaking naligo na rin sa sariling mga pawis. Bahong-baho na sila. Minsan pa nga'y napababahing na ang isa. 'Di na kinakaya. Gustuhin man nilang lumabas na sa lugar na iyon at umuwi na lamang, 'di nila magawa. Dahil kung nasaan ang isa, nandoon din sila. Walang dapat na humiwalay ng lakad upang 'di madisgrasya. Mahirap na. Delikado't baka matokhang pa ang isa sa kanila.
"Come on, Thallia! Malay mo... malay mo lang naman, dito pa tayo makahanap ng guest. Pera din 'yon!" wika mo sa kaharap na babae—ang nag-iisa mong kaibigang babae dahil halos lahat ng iyong mga nakasasama ay miyembro ng pederasyon ng mga lalaking biniyayaang magkaroon ng kaguwapuhan ngunit mas piniling tahakin ang mundo ng kadiyosahan.
"Itikom mo nga 'yang bibig mo't baka may makarinig sa 'yo." Humalukipkip si Thallia at saka ka inirapan. Kahit na isa itong puta, kahit na kumukumpas na ang mga makukulay na pakpak ng mga balita sa kanilang lugar, o kahit na alam na ng magulang na lumalakad siya, mayroon pa rin naman itong hiya para sa sarili. Wala na rin naman silang magagawa. Kailangan lang talaga niyang kumita hindi lang para sa sarili kundi para sa kanilang hapag sa araw at gabi.
Halos pareho lamang kayo ng sitwasyon. Ang ipinagkaiba lamang ay 'di adik, sugarol, bungangera't bungangera, at tsismosa't tsismoso ang mga magulang ni Thallia. Dahil para na rin sa 'yo, lahat ng lait at murang alam mo, isinasalarawan ang magulang mo nang buong-buo. Kung hindi lamang dahil sa mga kapatid mo'y matagal mo nang nilisan ang inyong tirahan. Sinubukan mo na ring isama at itakas ang dalawa mo pang nakababatang mga kapatid ngunit nagiging canvas lamang ang iyong katawan na pinipinturahan ng iyong mga magulang gamit ang dugo mo, mismo. Astig, 'di ba? Kolab' pa!
"Oo na, oo na! Bakit ba kasi nagkaroon ng aberya iyong mga guest namin, Ara?" pagtatanong mo kay Ara, ang kaibigan mong baklang mahaba ang baba na siya ring naghahanap ng mga lalaking pupuwede kayong ilabas... nang may bayad.
"Hindi ko nga rin alam, e. Bigla na lang siyang nag-cancel. Nakakainis. Kuripot na nga, ang pangit pa. 'Tapos, nang-indian pa, putang-ina talaga!" gigil na gigil na tugon nito habang ikinukuyom ang mga kamao.
"O, o. Relaks ka lang, bes. Baka masaksak mo nang 'di sinasadya ang sarili mo. Oops! 'Wag kang yuyuko," sabat naman ni Jade sa usapan habang may pasenyas-senyas pa kay Ara. Siya lang naman ang kaibigan mong bakla na mas mukha pang babae sa inyong dalawa ni Thallia. Wala nga lang puday.
'Di ninyo napigilang hindi tumawa. Gumaan ang atmosperang napakabigat kanina. Nagkaayaan na lamang kayong magpunta sa isang table malayo sa dance floor. Kani-kaniya kayong upo sa mga bakanteng mini-sofa roon at um-order ng maiinom.
"Ma'am, ito na po 'yong order n'yo." Tumango ka at inilapag na ng lalaking waiter ang alak at pulutan sa mesang babasagin.
Agad kang dumampot ng isang bote, binuksan ito at tinungga. Gusto mong magpakalasing. Gusto mong makalimot sa mga kamalasang nangyari sa iyo ngayong araw, mali, araw-araw. At ang makasama ang mga loka-loka mong kaibigan ang tanging nagsisilbing tali upang manatili kang nakakapit sa uri ng buhay na mayroon ka na kung tutuusin, matagal mo nang sinukuan.
Wala ka sa modong magdrama ngayon. Wala kang balak umiyak. Kinuha mo ang salamin sa maliit na bag na nakasabit sa iyong leeg. Pumosing-posing ka sa harap nito at ngumiti nang mapait.
Ngunit ang mapait na ngiting iyon ay lumapad—lumiwanag nang iyong masilayan ang lalaki sa likod mo. Nakatingin ito sa iyo, patawa-tawa habang hinihimas ang basong hawak. Marahil dahil sa iyong pagmo-model sa salamin kaya siya natingin sa iyo ngayon. Ginanahan ka, tila ba ang katawan mo'y dinaluyan ng kuryente. Nagising ang natutulog mong diwa.
Inayos mo ang sarili. Sinuri mo ang iyong katawan kung presentable ka bang tingnan saka ka tumayo sa iyong kinauupuan.
"O, Mira, saan ka gogora?" tanong sa iyo ni Ara.
Bigo itong makakuha ng sagot mula sa iyo. Alam naman na siguro nila ang ibig sabihin ng iyong ngiting malagkit. Kabisado ka na nila kung kaya binalewala ka na lamang.
Bumalik na lamang sila sa kanilang pinag-uusapan habang ikaw, nagsimula nang maglakad patungo sa katabi ninyong mesa kung saan naroroon ang lalaking kanina lamang ay pinagmamasdan ka.
"Hi! Sayaw tayo, gusto mo?" Ngumiti ka sa kaniya—tila ba mapupunit na ang iyong mukha dahil ang iyong ngiti ay umaabot hanggang sa iyong tainga.
Ngumiti siya pabalik sa iyo saka siya tumango. Agaran siyang tumayo sa kaniyang kinauupuan at saka tinungga ang natitirang alak sa kaniyang baso.
Tinitigan mo siya mula paa paitaas. Ngunit... napatigil ka sa bandang gitna. Napakalaki ng kaniyang pagkalalaki. Napanganga ka nito, walang halong biro. Uminit ang iyong buong katawan na para kang inaapoy ng lagnat. 'Di mo matanggal ang pagkakatitig ng iyong mga mata sa bakat na alam mo kung ano ang nagtatago.
Umubo siya, dahilan upang bumalik ang iyong diwa. Natawa ka na lamang sa sarili mo. Ganiyan ka na ba talaga kalibog ngayon?
"A, e, tara?" pag-iiba niya ng usapan habang iniaabot niya ang kaniyang kamay sa iyo para hawakan mo ngunit tinalikuran mo lamang siya at magpupunta na sana sa mismong dance floor nang mapansin mong 'di siya sumusunod sa iyo.
"Hoy, ano? 'Di mo ako sasamahan?" Bahagyang nakatagilid ang iyong katawan upang siya'y masilayan habang tinititigan mo siya nang may pagtataka sa mukha. Natawa na lamang siya. Kinunsinti ang sarili na baka, siguro, 'di mo lang napansin ang paglahad niya ng kamay sa iyo.
Nagsimula ka na ulit humakbang at ramdam mong sumunod na rin siya sa iyo. Habang inililibot mo ang iyong paningin ay siya mo ring pasimpleng pagsiko-siko sa bawat nadaraanang tao papunta sa gitna nila. Mas gusto mo ang parting iyon dahil wala masyadong nakakikita sa inyo. 'Di ka rin naman tatapunan ng tingin ng mga kapwa mo mananayaw sa gabing iyon dahil busy rin sila kakagiling, kakahaplos sa mga kapareho.
Nagtitigan muna kayo. Tila ba nangangapa ang bawat isa sa inyo. 'Di mo alam ngunit nawawala ka sa sarili lalo na nang tumama ang ilaw sa kaniyang mukha. Kitang-kita mo kung gaano kaganda ang hugis ng panga niya. Lalaking-lalaki, ika nga. Lumandas ang iyong makasalanang mga mata sa kaniyang mapupulang labi na pinalilibutan ng itim na bigote. Umakyat ang iyong tingin sa kaniyang patulis at matangos na ilong at tila nahipnotismo ka nang mapunta na ang titig sa kaniyang asul na mga mata.
Naglaway ka, nawala sa sarili at biglaan mo siyang hinagkan ng iyong mga labi. Iniangat mo ang iyong mga kamay at ipinatong sa kaniyang balikat. Sinabunutan mo ang kaniyang makapal at itim na itim na buhok nang dahan-dahan. Malayang nilalakbay ng kaniyang mga kamay ang kurba ng iyong katawan. Sinasabayan ninyong dalawa ang tugtuging nakapagpapadagdag sa init na inyong nararamdaman.
Nawala ka na, nagwala ang hayop na mabangis sa iyong loob. Wala kang nagawa kundi sumuko. Handa ka nang kalimutan ang iyong mga problema para sa gabing iyon. Handa mo nang ibigay ang lahat sa lalaking kakikilala mo pa lamang. Ang bilis man, wala silang pakialam.
YOU ARE READING
Isang Gabing KINA(sa)MA Ka (UNEDITED)
General FictionAng iba't ibang kulay ng mga ilaw na siyang nagpapaindak sa lahat at maiingay na tunog na nagpapatindi sa sidhi ng damdamin ng bawat isa ay nagwiwikang 'Sumayaw ka! Kalimutan ang problema. Tara!'
