Gospel Reflection - The Child Within Us

49 0 0
                                    

Noong teenager pa ako, madalas kong sabihin sa sarili ko, sana nanatili na lang akong bata.

Nang mga bata pa kasi tayo wala tayong ibang iniisip kundi kain, laro, tulog tapos laro uli. Simple lang ang buhay. Walang problema. Walang mga komplikadong iniisip. Dapat gawin ang tama. Dapat iwasan ang mali.

Nagbabago ang lahat habang lumalaki tayo. Nalalaman nating hindi ganu'n kasimple ang buhay. Na hindi ganun kadali ang lahat. Lalo na ng makilala natin ang ating first love. Naranasan nating kiligin. Naranasan nating ma-broken heart

Marami pa tayong ibang nakilala. Hindi lang sa larangan ng pag-ibig. Pati na rin ang ating schoolmates, o mga kakilala sa simbahan, o mga katrabaho o mga kapitbahay. Lahat sila'y nagkaroon ng kanya-kanyang papel sa ating mga buhay.

Marami sa kanila ang nakasakit sa atin. Hanggang sa matakot tayong magtiwala. Natuto tayong pumili ng pakikisamahan. Natuto tayong matakot. 

Dati-rati, mumu lang o palabas na horror ang kinatatakutan natin hanggang sa na-realize nating mas nakakatakot ang realidad.

Kaya kapag nagtatangka ang Diyos na lumapit sa atin. Marami sa atin ang hindi tumutugon. Marami ang umiiwas. Iniisip kasi nating baka masaktan lang tayo. Ipinaparis natin ang Diyos sa mga taong nakasakit sa atin. Mabuti pa nu'ng mga bata pa tayo, napakadali para sa atin ang umusal ng maikling panalangin. 

Ngayong kapistahan ng Sto. Nino, tinuturuan tayo ni Kristong maging dakila tulad ng isang bata. Hinihimok Niya tayong muling magtiwala at manalig sa ating Diyos. Tularan natin ang isang bata sa kanyang kasimplehan. Kung paanong hindi niya ibinabaluktot ang mali para maging tama.

Ang batang si Hesus ay lumaki at nagkaisip katulad natin subalit nanatili ang kanyang pagmamahal, pananalig at pagtitiwala sa ating Ama. Nanatili Siyang dakila dahil nanatili Siyang tulad ng isang bata.

Viva Sto. Nino! Natapos man ang aming pagkabata, manatili sana kaming katulad mo sa pagmamahal, pananalig at pagtitiwala.  

( Ito ay mula sa Katolikong blog na Sa Isa Pang Sulyap - http://saisapangsulyap.blogspot.com )

Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol - 15 Enero 2017Where stories live. Discover now