Nagtiim ang bagang niya. "Kasi kung sasabihin mo sa 'kin ngayon na magagawa mo 'yong ginawa ko, sige, titigil ako," hamon niya sa mapaklang tono. Gusto ko na namang mainsulto. Pakiramdam ko ay nasisiguro niya nang hindi ko magagawa 'yon gaya gano'n kapait niya iyong sinabi.

"So what do you mean?" naiinsulto kong tugon.

"Pamilya mo ang iniisip ko at hindi ang sarili ko. Kung hindi ko ginawa 'yon ay paniguradong mas malala pa rito ang inabot nating pare-pareho. Nakapag-iisip ka pa ba?" singhal niya. Doon ko lang naramdaman ang galit niya.

Sa unang pagkakataon ay nakita ko iyong galit na galit, na halos umapoy nang mga mata niya. Ilang beses ko na iyong nakita pero hindi sa akin nakatuon kung hindi kina Choco, Mallyu at Yago.

Lalo akong nanliit. Ang mga salita niya ay unti-unting sumasaksak sa akin. Nagawa niyang iparamdam sa akin kung gaano akong kainutil. Hindi ko alam kung paano niyang naisusumbat ang mga salitang 'yon sa harap ng pareho naming pamilya. Naiinsulto ang pagkalalaki ko. Masakit sa pakiramdam.

"Lakas at kakayahan ba ang batayan dito, Taguro?" mayamaya ay tanong ko.

"Hindi. Pero iyon ang kailangan sa sandaling ito."

Tatango-tango akong bumuntong-hininga. "Alright, then I'm sorry," mapakla kong sinabi. "Nawala sa isip kong sobrang lakas mo nga pala."

"Enough," saway ni Chairman Moon. Nagtama ang paningin namin. "Naiintindihan ko ang pag-aalala mo para sa apo ko, salamat," sinsero, nakangiting aniya. Napakurap lang ako.

Nakakabilib ang gano'ng ugali ng Chairman Moon. Hindi ko alam kung paano niya nakukuhang ngumiti nang ganoon kaganda sa kabila ng ganitong klase ng problema. Puro kabutihan ang ipinapakita niya sa 'kin, at hindi ko alam kung karapat-dapat ba ako ro'n.

"Ayos na ba ang kaniyang lagay?" bumaling si Chairman Moon sa mga doktor na umaasikaso kay Chairman Enrile. Tumango lang ang mga ito. "Maxpein? Ano ang nangyari?"

Gusto kong manlumo. Hindi ko inaasahang si Taguro ang tatanungin nila nang ganoon. Alam kong wala rin itong alam, at gaya namin, nangangapa sa posibleng dahilan nang pangyayari.

Pero kung magtanong ang Chairman sa kaniya ay para bang hawak niya ang tamang sagot. Tch. Mga wirdo talaga.

Bumuntong-hininga si Taguro. "Hindi natukoy ang lalaking nakasakay sa motor, Chairman."

"Bakit hindi?"

"Nakaalis agad sila, Chairman." Unti-unti ay humina ang tinig ni Taguro, kabado. "Walang tao para makasunod sa kanila."

Nilingon ni Chairman Moon si Taguro at pinagkunutan ng noo dahilan para mag-iwas ito ng tingin. "Walang tao, Maxpein?" sarkastikong anang Chairman. Lalong nagbaba ng tingin si Taguro.

'Wag niya sabihing pupuntahan pa ni Taguro ang mga 'yon? Hindi kita maintindihan kahit kailan, Chairman.

Nabasag ang namuong katahimikan nang mag-ring ang telepono ni More. Tahimik siyang nakipag-usap bago bumaling sa ama. "May natagpuan na runaway vehicle sa may CDCP," patungkol niya sa lugar papuntang Manila. Nilingon niya ang anak. "Ano ang plaka?"

Kahanga-hangang naidikta iyon ni Taguro. Hindi ko man lang naisip na kunin iyon kanina. Wala na ako sa sarili. At hindi ko na naman malaman kung ano ang mararamdaman ko habang nag-uusap silang pamilya. Para silang pira-pirasong puzzle na may binubuo gamit ang iilang salita.

"Nasaan na ang motor, Maxwell?" baling naman dito ni More.

"Kinuha na ng mga pulis, dad," kaswal na tugon ni Maxwell saka tumayo. "I gotta go. May duty pa ako."Tumango siya sa lahat.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon