Tumango bilang pagtugon si Chairman Moon. Sinuyod niya ng tingin ang kabuuan ng opisina. Isa-isa niya kaming sinuri ng tingin bago iyon ipinukol kay Chairman Enrile. Pinanood niya ang mga doktor sa ginagawa.

"May mga nangyaring hindi inaasahan kanina at heto ang naging resulta," napabuntong-hininga si Lolo Dei Min. "Nahirapang huminga ang Chairman namin nang dahil doon."

"Nakarating sa akin ang balita," pormal na tugon ni Chairman Moon.

Bigla ay magkasunod na pumasok sina Maxpein at Maxwell, naagaw ang atensyon namin.

Nagtama ang paningin namin ni Taguro. Pakiramdam ko sa isang iglap ay nagawa niyang pag-aralan ang kabuuan ko, sinisigurong ayos lang ako.

Sa halip na matuwa ay tumayo ako at inis siyang hinila papalapit. "Magpapakamatay ka ba, o papatayin mo 'ko?" asik ko.

Mabilis na nagsalubong ang mga kilay niya. "What the hell are talking about, Sensui?" seryoso siya.

"Sumugod ka na naman nang hindi kailangan! Paano kung napaano ka? "

"Come on, Deib. Wala namang nangyari sa 'kin, 'di ba?" sinikap niyang maging kalmado. "Hindi ka pa rin ba sanay sa 'kin?"

"Sanay na ako, at sinabi ko na sa 'yong ayaw kong ginagawa mo 'yon."

"Bakit nagagalit ka?" nalilito siyang ngumiti, nagmukha tuloy iyong peke.

"Dahil nag-aalala ako sa 'yo."

"Walang nangyari sa 'kin."

"Paano nga kung meron?" asik ko, natigilan siya. "Palibhasa ay iniisip mo parati ang ibang tao, pero ang nararamdaman ko, hindi. Nakita mo na ngang may sumabog, lumapit ka pa, Taguro."

"Tss."

"Ikaw na rin ang nagsabi, tao ka lang. 'Yong mga bagay na ginagawa ko sa 'yo noon, iniiyakan mo. Pero bakit sa ganitong sitwasyon ay ang lakas ng loob mo?"

Umiling siya. "Hindi kita maintindihan. Hindi mo kailangang sabihin 'yan, lalo na ngayon. Hindi mo kailangang magkompara. Dahil noon, walang buhay na nadadamay. Ngayon, meron na."

"Pero hindi pa rin 'yan sapat na dahilan para sumugal ka."

"Deib Lohr," galit na pagtawag ni daddy. "Huminahon ka, hijo, pakiusap."

"Natatakot ka para sa pamilya ko pero sa sarili mo ay hindi. Taguro naman?" nanlulumong asik ko. Hindi ko maipaliwanag ang pinanggagalingan ng inis ko. Masiyado nitong natatabunan ang pag-iisip ko. "Sinabi ko na sa 'yong ayaw kong ginagawa mo ang pasugod sa gano'n kadelikadong sitwasyon. How can I make you understand?"

Lalo siyang napailing, nalilito sa bagay na hindi niya maipaintindi sa akin. "Dahil kailangan, Deib," mariing aniya. "Pang-intindi rin ang kailangan ko mula sa 'yo ngayon. Now if you don't mind, I have some things to discuss with my family."

"No," pigil ko sa kaniya. "I want you to talk to me first."

Inis na binawi ni Taguro ang braso niyang hawak ko. Sumama ang tingin niya sa akin. "You're overreacting,"aniya. Napamaang ako. "Kung hindi ko ginawa 'yon, sino sa tingin mo ang gagawa?" pabulong na aniya saka sinuyod ng tingin ang kabuuan ko. "Ikaw?"nakakainsultong dagdag niya.

Natigilan ako at napatitig sa kaniya. Pakiramdam ko ay bumagsak ang lahat ng dugo sa katawan ko. Namutla ako sa pagkapahiya. May kakaibang kirot na idinulot ang tanong niyang 'yon sa puso ko. Ang huling salitang sinabi niya ay nagtila pang-aalispusta sa buong pagkatao ko.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Onde histórias criam vida. Descubra agora