Trenta y Dos: Damdaming Tinanikala

Start from the beginning
                                    

            “Maligayang pagdating, dayanghirang. Ako si Dian Masalanta, ang lakambini ng pag-ibig,” umpisa ng babae. Mahaba ang pula at maalong buhok ni Dian Masalanta na dumadaloy hanggang sa sahig ng silid. Ang kanyang pantaas na damit ay isa lamang manipis na pulang laso na bumabalot mula sa kanyang malusog na hinaharap paikot pataas sa kanyang braso at malayang lumilipad sa hangin ang sobrang tela. Tanging isang pilak na hikaw ang tumakip sa patag niyang tiyan. Isang manipis na pulang laso muli ang bumuo sa kanyang pambabang damit na nakatali sa kanyang bewang na perpekto ang hubog. Nilahad ng mapangahas na pananamit ang kabuuan ng maputi, makinis at katamtamang pangangatawan ng lakambini. Nagtataglay ng mahahaba at matatabang gintong pulseras sa paa si Dian at lubhang nakakahalina at matamis ang timbre ng kanyang boses. Mapula ang kanyang mga labi at kung nakakagayuma lamang ang titig, mahuhumaling ang kahit sinong lalaking tatanaw sa pula at maalab niyang mata.

             “Nakita ka din namin, dayanghirang. Ako si Loos Klagan, lakan ng kagalingan,” pagpapakilala ng lakan. Matangkad si Loos Klagan; moreno at nasuot ng T’nalak. Ang naturang kasuotan ay binubuo ng pulang putong sa kanyang ulo, puting barong pinatungan ng kayumangging damit na may mahabang manggas at puting pantalon. Kapansin-pansin ang iba’t-ibang dahon na nakaipit sa putong ni Loos. May hawak na tubong pangsigarilyo ang lakan na yari sa buho ng kawayan. Matingkad na kayumanggi ang kulay ng kanyang bilugang mata.

            “Loos, Dian,” umpisa ni Sidapa. “Katatapos lang ng inyong pag-iisang dibdib noong--”

            “Sidapa,” putol ni Dian Masalanta, “Walang may kagustuhan ng aming kamatayan.”

            “Hindi napaghiwalay ng kamatayan ang pagmamahalan namin ni Dian,” dagdag pa ni Loos Klagan.

            “May mahalaga kang pakay sa amin, hindi ba, dayanghirang?” na may kasamang paanyaya kay Haliya at Sidapa na lumapit kay Dian Masalanta.

            “Halina,” paanyaya din ni Loos Klagan. “Alamin ninyo ang aming mga alaala upang magkaroong linaw ang inyong mga katanungan.”

            Tumango sina Haliya at Sidapa at lumapit ang dalawa sa lakan at sa lakambini ng pag-ibig. Kumawala ang matinding liwanag sa kapaligiran at mula sa ulo nina Dian Masalanta at Loos Klagan ay umapaw ang mga alaalang nalipas ng oras at nakalimutan na ng panahon.

            “Dayang Ines,” galit na pakiusap ni Dian Masalanta, “Maari ba akong magpanggap na tila walang masamang mangyayari sa iyo! Ipinagbabawal na ritwal ang Pangadlip!”

“Patawad Dayang Ines,” dagdag din ni Loos Klagan, “Sumasang-ayon ako sa pag-aalala ni Dian Masalanta. Nakahanda ka bang--”

“Salamat sa pagpapahayag ng nilalaman ng inyong mga puso, Loos Klagan, Dian Masalanta,” na sinundan ng mahigpit na hawak ni Ines sa mga kamay ng mga babaylan. “Buo na ang aking loob. Upang ipagtanggol ang mundo at ang lalaking minamahal ko, nakahanda na ako sa mangyayari sa akin,” pagtatapos na pahayag ng determinadong Ines Kannoyan.

Pikit-matang sumang-ayon sina Loos Klagan at Dian Masalanta. Bakas sa mga ngiti ni Ines Kannoyan ang isang bagay: nakahanda na siyang mamatay para kay Sidapa. Paano nila magagawang tanggihan ang ganoong klaseng resolba’t desisyon?

“Gamitin mo kami bilang mga sandatang sisigurado sa mapayapang hinaharap,” pahayag ni Dian Masalanta na lumuhod sa harap ni Ines.

 “Ngunit, Dayang,” na may halong hesitasyon sa tinig ni Loos Klagan, “Hindi ba natin sasabihin kay Sidapa ang plano natin?”

“Sana maunawan ninyo ako; Loos Klagan, Dian Masalanta. Hindi makakaya ng aking damdamin ang mukhang ihaharap sa akin ni Sidapa kapag nalaman niya ang katotohanan. Wala akong pagnanais saktan siya sa huling sandali. Kayo-kayo lamang ang nakakaalam ng ating gagawin.” Lumuhod at yumakap kay Dian Masalanta si Ines. Nanginginig ang mga kamay niya habang mangiyak-ngiyak ang kanyang tinig. “Dian Masalanta, babae ka. Naiintindihan mo ang nararamdaman ko hindi ba?”

Napaluha habang mahinang nagpahayag ng pagsang-ayon si Dian Masalanta. “Dayang,” pagsidhi ng pangamba ni Loos. “Aalahanin ka ni Sidapa bilang isang kasuklam-suklam na babae sa iyong gagawin. Gayunpaman, magpapatuloy pa din kayo sa inyong plano?

“Loos, naiintindihan mo din ako hindi ba? Kakakasal lamang ninyo ni Dian Masalanta. Kung malalagay sa panganib si Dian, gagawin mo ang lahat upang mabuhay siya, hindi ba?”

“Susuungin ko ang kamatayan ng walang pag-aalinlangan para maligtas siya,” na sinundan ng paghawak ni Loos Klagan sa kamay ni Dian Masalanta.

“Kung ganoon, tutulungan mo ako, hindi ba, Loos Klagan?”

Tumango si Loos Klagan bilang kasagutan sa pakiusap ni Ines.

 

Matapos ang nakakaantig na memorya, napaluhod si Sidapa at napasuntok sa sahig.

“SINO KA! SINO KA! SINO KA BA TALAGA!”

Kumikirot ang puso ni Sidapa habang kumakawala ang panaghoy ng galit at pighati sa kanyang damdamin. Galit ang lakan sa kanyang sarili dahil wala siyang maalala. Hindi niya maalala si Ines Kannoyan, ang dayanghirang, isa umanong masamang nilalang. Isang masamang nilalang na handang mamatay para kay Sidapa.

Napapikit na lamang at tumingin sa malayo si Haliya. Nakurot ng kalungkutan ang puso ng dalaga. Hindi niya maatim na makitang naghihirap si Sidapa. Kung maari lamang pawiin ng singsing na bertud ang sakit na nadadama ng lakan ay ginamit na ito ng dalaga. Subalit mawawala lamang si Sidapa gamit ang kapangyarihan ng naturang bertud; hindi nito mabubura ang masalimuot na tagpong nasaksihan ng mga mata ng binatang lakan.

DayanghirangWhere stories live. Discover now