Naalimpungatan si River dahil sa ingay na nanggagaling sa kabilang kuwarto. Boses ng mama niya, sinasabihan na naman ang nakababatang kapatid na lalaki. Bumaling siya sa kanan at nagtaklob ng unan. Sakto naman ang bukas ng pintuan ng kaniyang kuwarto.
"River, bumangon ka na riyan. Magsisimba tayo."
Madiin munang pumikit si River at mahinang nagbuntong hininga bago tuluyang magmulat. "Ok." Sagot niya na lang. Nawaglit sa isip niya na Linggo pala, nagpakapuyat pa naman siya sa panonood ng mga movies na na download niya noong nakaraan. Gustuhin man niyang matulog pa ay hindi na maaari.
Bumangon siya at nagtungo sa banyo para maligo. Nang matapos siya'y didiretso sana siya sa cabinet, ngunit napansin niya ang isang bestidang puti sa kaniyang kama. Malamang, Mama na naman niya ang bumili no'n para sa kaniya.
Suot ang puting bestida ay bumaba si River ng salas. Nadaanan niya ang kusina, tinawag naman siya ng kaniyang ina para kumain. "Kumain ka na muna, sabayan mo na itong kapatid mo."
Hindi nakatanggi, naupo si River sa kabilang dulo, kaharap ang kaniyang kapatid. Hinihintay ni River na magtama ang kanilang mata, pero tahimik itong kumakain habang nakatungo.
"Si Kuya Ma?" tanong ni River. Binawasan na rin niya ang pagkain sa kaniyang plato. Nakatingin pa rin siya sa kapatid niyang walang imik.
"Wala pa ang kuya niyo. Hahabol na lang daw siya sa simbahan." Sagot ng Mama niya habang nagsusuklay ng buhok.
Kinse minuto lang ang layo ng simbahan na pinupuntahan nila River mula sa kanilang bahay kung lalakarin. Maliit lang ito kumpara sa ibang simbahan at mapapansin na lahat ng kababaihan ay nakabistida't mahahaba ang buhok.
"Mabuti at sakto lang ang dating natin." Ani ng kanilang ina. "Ayusin mo ang pagkilos mo Rohan ah." Bulong ng Mama nila sa kaniyang kapatid.
Tumingin uli si River kay Rohan. Wala pa rin itong imik.
Nang makapasok sila ng simbahan ay agad na bumati at bumeso ang kanilang Mama sa mga kasama. Sa may unahan sila pumuwesto ng upo.
"Mga kapatid, huwag tayong maging confused, ano po? Paano ba natin malalaman na confused tayo?" tanong ng pastor sa buong simbahan. "Malalaman mong confused ka kung nakatayo ka sa harapan ng dalawang pintuan ng CR, at iniisip mo pa kung saan ka papasok. Sa lalaki ba o sa babae?" pagapatuloy nito.
Lumingon uli si River sa kapatid. Nakatungo pa rin ito, nakikipagtitigan sa lapag.
"Ang sabi nga sa Deuteronomy 22:5, a woman shall not wear a man's garment, nor shall a man put on a woman's cloak, for whoever does these things is an abomination to the Lord your God." Itinaas pa nito ang kamay sa ere. "Mga kapatid, God created people in his own image; God patterned them after himself; male and female he created them. At kung iniisip mong iba ang iyong kasarian, sino ang gumawa sa'yo?" pagbiro pa ng nagsasalita sa unahan.
Halos dalawang oras din ang itinagal ng seremonya. Nagtipon-tipon pa ang ilang mga kababaihan para pag-usapan ang gawain sa susunod na linggo.
"Ate, mauna na ako." Sabi ni Rohan. Tumayo na ito at akmang lalakad na palabas ng simbahan.
Pinigilan naman siya ni River. "Teka," Huminto naman ito sa paglalakad. Nilapitan niya ito at binulungan. "Saan ka pupunta? Pagagalitan ka na naman ni Mama kapag hinanap ka niya at wala ka."
Tumingin lamang si Rohan at hindi sumagot.
Bumuntong hininga siya. "Rohan, alam kong hindi madali ang sitwasyon mo ngayon, pero..." tumingin-tingin si River sa kaniyang paligid bago nagsalita. "sundin mo na lang si Mama. Alam niya ang nakabubuti."
Pagkasabi niya no'n ay tumingin sa kaniya si Rohan at ngumiti, pero hindi ito masayang ngiti. Isa itong ngiti nang nagsasabing... "paano mo naman nasabing ito ang nakabubuti para sa akin?"
"Huwag kang mag-alala ate, uuwi lang ako sa bahay. Masama ang pakiramdam ko, pakisabi na lang kay Mama." At saka ito tuluyang umalis.
Walang nagawa si River kundi pagmasdan na lang na maglakad palayo ang kaniyang kapatid.
"Bye! Kita na lang tayo sa susunod na Linggo!" pagpapaalam nila sa mga kasama.
"Sige, pagpalain kayo!"
Ngumiti na lamang si River at sinundan na ang kaniyang ina papalabas ng simbahan.
"Saan naman nagpunta 'yong kapatid mo?" tanong sa kaniya ng kaniyang ina matapos nilang makasakay ng tricycle.
"Nauna na pong umuwi." Sagot niya.
Inilabas naman nito ang pamaypay mula sa bag. Tanghali na at tirik na ang araw. "Pagsabihan mo 'yang kapatid mo River." Pagpaypay nito. "Alam ko naman na makikinig 'yon sa'yo eh. Ayaw kong mabarkada 'yon sa mga bading do'n sa eskwelahan. Ayoko nang may makasalanan sa pamilya natin." Sentimyento nito.
Umalingawngaw naman sa tenga ni River ang salitang 'makasalanan'. "Opo." Ang tanging imik niya.
Nang makauwi nang bahay ay agad na nagtungo si River sa kaniyang kuwarto. Nadaanan niya ang kuwarto ni Rohan, nakasarado ito. Malamang ay nagmumukmok na naman ang kaniyang kapatid. Nang makapasok siya ng kwarto niya'y ni-lock niya ang pintuan at nilapag ang bag na dala sa sahig. Lumakad rin siya sa malaking salamin katabi ng aparador.
Nakita ni River ang sariling repleksyon, pinagmasdan niya ang kaniyang sarili sa salamin. Maputi, mahaba ang buhok, may mala rosas na pisngi at labi . . .
Nanatili siyang gano'n ng ilang minuto, sinusubukang kumbinsihin ang sarili sa kaniyang nakikita.
YOU ARE READING
Slice of Reality
ChickLitThis is a story of three ladies with a slice of reality, friendship, family, and love.
