"Wala na sila," dagdag ni Luke.

Noong marinig ko sila'y doon lang ako nagkaroon ng tibay ng loob na imulat muli ang aking mga mata.

"Nandyan lang sila, nagmamasid. Pero, hindi sila makakapasok. Ang mahalaga ay walang lalabas sapagkat mahaba pa ang gabi. Babalik ang mga anino," paalala ni Leandro.

"Ayoko na, please," ani Kate na umiiyak gaya ni Alice.

Samantala, saglit kaming nagkatinginan ni Lemuel. Umiling siya, ngunit hindi ko alam kung para saan. Tila nangingilid na ang luha ng kapatid kong lalaki. Mula noong siya'y magbinata, ngayon ko lang muli siya nakitang pinanghinaan ng loob.

Strikto ang pagpapalaki sa amin ni itay. Bata pa lang kami ay pinilit na niyang maging buo ang loob namin, lalo na kaming mga lalaki.

Hinubog niya kami upang maging sandigan ng aming pamilya sa gitna ng anumang pagsubok sa buhay. Subalit hindi sa ganito, hindi sa ganitong pangyayari.

Nang umiwas ako ng tingin kay Lemuel, nabaling ang atensyon ko kay Luke na nagkataong nakatingin din pala sa'kin. Sa wari ko, para bang may nais siyang iparating.

"Hindi 'to puwede, imposible. Bakit naman ako malalagay sa ganitong sitwasyon? Ano bang nagawa ko? Ano bang ginawa niyo? Bakit tayo nandito?" mapanghamon ang tanong ni Eloisa.

Kahit pa malakas ang kanyang pananampalataya, mukhang nasagad na rin ang dalaga. Sino nga namang hindi, matapos ang ganitong karanasan?

At mahaba pa ang gabi.

"Umalis na tayo, hindi tatagal itong kubo! Tignan niyo yung pinto, halos pareho lang ang materyal niyan sa dingding. Kung babalik pa sila, hindi malabong mapapasok na nila tayo," mungkahi ng nangangatog na si Gio.

Napatingin din siya kay Kate na kasalukuyang nakayakap kay Lemuel; sumimangot subalit wala rin namang ginawa. Ayokong madagdagan pa ang gulo, pero 'di ko naman maaaring utusan si Kate sa pagkakataong ito.

"Yung mga sinabit mong palamuti, yan ba yung tinatawag nilang agimat? Paano mo nalaman na maililigtas tayo niyan?" pag-uusisa ni Sarah.

"Bahala ka na kung ano ang gusto mong itawag sa mga yan. Basta, ang alam ko, ligtas dito sa loob kaysa sa labas," matapos pakalmahin ang asawa ay tumayo si Leandro at sumilip sa bintana.

"Walang saysay kung itatanong ko sa'yo kung bakit kami nandito. Pero, kayo ng asawa mo, bakit? Anong alam mo tungkol sa San Isidro?" hindi natinag si Sarah, nananatiling makabuluhan at mapangahas ang mga katanungan niya.

Kahit pa nakikita kong nanginginig ang mga kamay niyang nakalapat sa kanyang kanlungan, nanatiling nakatuon ang atensyon ni Sarah sa bawat pagkilos ng lalaking nagmamay-ari nitong kubo.

Imbis na sumagot, mas inuna ni Leandro na sindihan muli ang mga gasera. Kasunod nito, siya'y naupo sa papag kaharap ang aming grupo.

"Nagdududa ka ba, binibini?"

"Leandro, gusto naming magtiwala. Kaso, sa mga nangyari sa'min ngayon, mahirap kung basta na lamang namin tatanggapin ang lahat ng sinasabi at iniaalok mo. Walang masamang intensyon ang kasama ko, labis nga ang pasasalamat namin sa pagpapatuloy mo sa'min sa iyong tahanan," hindi ko na naiwasang saluhin si Sarah. Lalo na't makatwiran naman ang kanyang mga katanungan.

"Kung 'di mo mamasamain, ang katanungan ni Sarah ay siya ring nais kong itanong sa'yo kanina pa. At gusto ko ring malaman ang sitwasyon para makatulong ako sa kahit na anumang paraan."

"Sarah? Yun pala ang pangalan niya. Iba kayong dalawa sa mga kasama niyo, Marco," hindi ko batid kung ano ang nais niyang ipahiwatig. Bahagya rin siyang napangiti sa direksyon namin ni Sarah.

Tatlong Gabi sa San IsidroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon