Chapter Four

21.2K 657 735
                                    

NAGPAHID ng luha si Carol. Tapos na ang apat na oras na duty niya sa bar. Mag-aalas-onse na ng gabi nang makauwi siya sa bahay. Ngayong mag-isa na lang ay saka niya nararamdaman ang lungkot. Kanina pa niya hawak ang cell phone, umaasa pa ring tatawagan siya ni Derick o ite-text kaya. Na hihingi ito ng sorry. She was expecting him to do everything to win her back. Mga ganoon.

Pero patatawarin pa nga ba niya ito kung sakali? Magbibigay pa ba siya ng second chance kahit itinapon lang nito ang isang taong pinagsamahan nila dahil lang sa isang babae?

Hindi niya alam. Ang totoo, ayaw na niyang mag-isip. Ayaw nang isipin si Derick. Hindi pa si Derick ang tamang lalaki para sa kanya, iyon ang dapat niyang isipin. That someone would eventually come... magmamahal sa kanya nang lubos, at tatrato sa kanya nang tama.

Hindi niya dapat iyakan ang kagaya ni Derick na hindi consistent ang tibok ng puso. May faithful pang lalaki sa mundo. Ang kailangan lang niyang gawin ay maghintay hanggang sa dumating ito. Naisip niya, maigi na rin iyong maaga niyang nalaman ang totoo bago pa siya mag invest ng mas malalim na feelings kay Derick. At least isang taon lang ng buhay niya ang nasayang, hindi na humaba pa. Pinahid niya ng kamay ang mga luha sa pisngi.

Maingay na nagbuga ng hangin si Carol, pagkatapos ay lumapit sa Orocan. Isa-isa niyang inilabas ang mga damit mula roon at isinilid sa isang malaking bag. Hindi naman ganoon karami ang mga gamit niya. Sa halos tatlong taon na pananatili niya sa Cebu, tanging single burner gas stove, plastic cabinet, at sofa bed pa lang ang nabili niya. Oh, she also bought a twelve inches flat screen TV last December pero sa bahay nila sa Panglao iyon dinala para sa kanyang lola at pamangkin.

Napangiti si Carol nang maalala ang pamilya. Nami-miss na niya si Lola Leonida at ang makulit na si Rein. Sana kahit paano ay may maipundar pa siyang gamit—kahit mumurahing cell phone na may camera siguro para sa pamangkin since mahilig itong mag-feeling photographer.

Ipinilig niya ang ulo. Ibinalik ang focus sa mas mabigat na problema. Pinagkrus niya ang mga kamay sa tapat ng dibdib. Saan siya hahanap ng room for rent? Iyong malapit lang sana sa pinagtatrabahuhan niyang bar para makatipid siya sa pamasahe.

Patulan na kaya niya ang bedspace lang para mas mura ang upa? Kaso, mawawalan na siya ng privacy. Magulo siyang tao, makalat. Dahil sa pagsasabay niya sa pag-aaral at pagtatrabaho, minsan lang siya nakakapaglinis sa loob ng isang buwan. Ayaw naman niyang awayin siya ng mga roommates niya o pag-usapan dahil sa pagiging balahura.

Napu-frustrate na naupo si Carol sa sofa bed. Ipapagiba na raw ang Roque Building. Gusto sana niyang makiusap uli kay Leandro na i-extend naman ang palugit, pero nakita niya kanina na nag-iimpake na ang mga kapit-kuwarto niya, nakahanda nang umalis. Mukhang hindi eepek kung siya lang ang aapela at magpoprotesta.

Nakakainggit. Siguradong may nakahandang pera ang mga ito kaya makakalipat agad. May mahigit dalawang libong piso pa ang ATM niya pero para iyon sa eyeglasses ni Lola Leonida.

Makitira na lang kaya talaga muna siya kina Jopay at Josef? Kahit hanggang makaipon lang siya ng pang-one-month advance at one-month deposit? One month. Tama. Good friends sila ni Jopay at in good terms din sila ni Josef, siguradong hindi siya tatanggihan ng mga ito. Okay lang naman sa kanya kahit sa maliit na sala lang siya matulog. Nagdesisyon siyang puntahan bukas ang dalawa para kausapin.

Problem solved. Ibinagsak ni Carol ang sarili sa higaan. Itinigil ang planong pag-iimpake. Tumitig siya sa naninilaw na kisame.

Naisip niya ang guwapong mukha ni Leandro. Pogi sana pero masyadong seryoso. Ano kaya ang dahilan nito at gustong makipagkita sa kanya bukas? Naghikab siya. Malalaman niya bukas.

NAKAKUNOT-NOO ang Leandro na nagbukas kay Carol ng pinto ng opisina nito kinabukasan. Hindi siya nahirapang makapasok sa main building ng DM Textile sa Cebu City hanggang sa private office ni Leandro sa eighth floor. Naabisuhan siguro nito nang maayos ang guwardiya at sekretarya nito na nakadaupang palad niya kanina.

Men In Tux 2 : Fall For Me Again (Preview)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon