Maaga akong naggising. Tinignan ko ang kalendaryong nasa tabi ng kama ko-Ikalabing-apat ng Pebrero, araw ng mga puso.
Ito ang araw na makikita kita at mahahagkang muli. Ito rin ang araw ng ating anibersaryo.
Masaya kong inaayos ang isang bungkos ng bulaklak at tsokolateng binili ko kagabi para lamang sa iyo. Naaalala ko pa ang mga panahong nililigawan pa lamang kita, ito rin ang mga binigay ko sa iyo noon. Ngunit may isang mahalagang bagay pa akong inihanda, hindi lamang para sa iyo, kung hindi ay para sa ating dalawa.
Pinagpapawisan ako habang nagmamaneho papunta sa kinaroroonan mo. Magustuhan mo kaya ang mga regalo ko at ang gagawin ko?
Pagkababa ko ng sasakyan ay agad kong naramdaman ang malamig na hangin na tila ba ay may nagbabadyang ulan. Tinahak ko ang lubak-lubak na daan papunta sayo, doon, ay nakita kita. Para bang binuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan at biglang bumuhos ang aking mga luha, traydor, traydor na mga luha, niyakap kita. Niyakap ko ang malamig at marmol mong puntod, kasama ang mga nakasabit na natuyong bulaklak. "Masaya ka bang nandito ako? Nagustuhan mo ba ang mga regalo ko sayo? Huwag kang mag-alala, meron pa akong inihandang regalo,para sayo,para sa ating dalawa." Kinapa ko ang matigas na bagay na nasa bag ko, kinuha ko ang baril. "Sigurado akong magsasama na tayo habang buhay. Bubuo tayong muli ng mga masasayang ala-ala."
Ikinasa ko ang baril ng walang pakundangan, itinutok ko ito sa aking dibdib. Kasabay nang pagkalabit ko sa baril ay ang pagpatak ng ulan. Naghalo ang tubig at dugo ko sa puntod mo.
"Maligayang Araw ng mga Puso mahal ko." at unti-unti ay nilamon na ako ng mapait na kadiliman.
