"Ano ngayon kung meron?" Galit kong tanong sa kanya.

Nalaglag ang panga niya, maging si papa ay nagulat sa sinabi ko. Pumalakpak si Tiya Lucy at tumawa.

"Mayaman ba, Chesca? Baka sakaling pwedeng makautang kapalit ng pagpapakasal ninyo?"

WHAT?

"Lucy!" Sigaw ni mama kay Tiya.

Umiling ako at tinalikuran silang lahat. I can't believe it. Naiintindihan ko na desperada na ang buong pamilya ko. Kahit si Teddy at Craig ay desperado na sa pagsalba ng Alps. Si mama at papa, kahit di nagpapakita ng pagkaka depressed nila, ramdam ko iyon. Si Tiya at Tiyo ang halatang mas desperada. Patunay nito ang sinabi ni Tiya, at ang malimit na pagsusugal ni Tiyo.

"Ayokong maligo! Ayokong maligo!" Dinig kong paulit ulit na sinasabi ni lola Siling sa duyan nang nilagpasan ko siya.

"ARGGHHHH!" Tumakbo na ako kaya nag takbuhan din ang mga manok na palakadlakad at patuka tuka sa bakuran namin.

Mabilis akong nakarating sa terminal ng bus. Siyam na oras pa ang hihintayin ko bago makabalik ng Maynila. Alas sais pa ng umaga at nakapwesto na ako sa tabi ng bintana. Sa wakas, wala na ako dun! Wala na ako sa impyernong iyon! Alam kong pamilya ko sila at dapat hindi ko ginawa ang pag alis, pero sa ngayon, ang tanging makakapagpalubag loob sa akin ay ang pakikipag usap kay Clark.

Hula ko, mga nasa alas tres o alas kuwatro ng hapon ako makakarating ng Maynila. Kinuha ko ang cellphone ko para ipaalam kay Clark na uuwi akong Maynila. Kung hindi ako pwede sa bahay, pwes, pupunta ako sa kanyang apartment.

"Battery Empty. Langya." Sabi ko sabay tago sa sarili kong cellphone.

Oo nga pala! Dahil sa pag iyak ko kagabi ay hindi ko na iyon na charge. Ni hindi ko namalayang hindi kami nakapag usap ni Clark. Ipinagkibit balikat ko na lang iyon.

Naging matagal ang byahe. Nahirapan ako kasi ito ang unang pagkakataon na babyahe akong mag isa.

Nawala ang bigat ng dibdib ko nang sa wakas ay naaninag ko ang bukana ng Maynila. Hindi ko maintindihan kung bakit naiiyak ako. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano ko ka miss ang lugar na ito.

Uminit ang mga luhang nagbabadyang lumandas sa gilid ng aking mga mata. Nangatog ang binti ko. Hindi na ako makapaghintay na pumunta kay Clark. Miss na miss ko na ang mga yakap niyang maiinit at nakakapagpa secure sa akin.

Nagkakilala kami ni Clark nung highschool. Mahilig na talaga siyasa photography noon pa man. Hindi kami magkaklase pero isang araw hinarangan niya ako sa school at pinakitaan ng tatlong candid shots ko.

"You're pretty. I want you to be my model."

Presko ang pagkakasabi niya nun. At ayaw na ayaw ko sa mga presko kaya tinanggihan ko siya. Pero akalain niyo? Imbes na tigilan niya ako dahil sa pagtataray ko ay nagpatuloy siya sa pagkuha ng mga candid pictures ko. Dinikit niya iyon sa mga bulletin board ng school, sa CR, sa corridor at kung saan saan pa.

End This War (Alegria Boys #3) (Published under MPress)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon