Lumapit pa ako ng konti. Kalaro niya iyong mga kaklase namin sa last subject ngayong araw. Oo. Tapos na ang klase. Uuwi na sana ako pero naisipan kong gumala muna. Tutal uuwi naman akong Maynila bukas.

"Hectoooor! YEHEY!"

Nakashoot ang bruto ng isang 3 points. Nakita kong naka braid ang walanyang buhok niya sa likod habang sumasayaw ito sa bawat galaw niya.

"Ang galing mo, Hector!" Sigaw ng mga tao.

Natigilan si Hector at bumaling bigla sa akin. Ngumisi siya.

"Tara ayusin natin! Nandito crush ko!" Tumawa siya at mabilis na tumakbo para mang agaw ng bola.

"WAAA! Sino crush mo, Hector? Ako?" Tumatalon talon ang mga babae sa gilid sa sobrang kilig sa sinabi ni Hector.

Uminit ang pisngi ko. Ayaw kong mag fe-feeling pero ako ba yung pinaparinggan niya? Hindi ko alam. Kinagat ko na lang ang labi ko at lumingon ako sa kabilang side ng court. Humalukipkip si Kathy kasama ang kanyang dalawang chinitang mga kaibigan habang pinagmamasdan si Hector. Kakarating lang din yata nila.

"Si Kathy siguro yung tinutukoy ni Hector!" Bulungbulungan naman ngayon nung mga babae sa gilid.

Naistorbo ang pag iisip ko nang biglang sumulpot ang nakangising si Koko sa harap ko.

"K-Koko, anong ginagawa mo dito?"

"Akala ko umuwi ka na! Buti at nakita kita para sa wakas ay maihatid na kita!" Tumawa siya at hinawakan ang kamay ko.

Agad kong binawi ang kamay koo.

"Koko, wa'g na. Ako na. Kaya ko namang umuwi mag isa." Malamig kong sinabi.

"Huh? Ayaw mo bang ihatid kita? Kaya ko namang ihatid ka, Chesca." Ngumisi siya.

"Hindi, talaga, ako na."

Kumunot ang noo niya, "May problema ba tayo?"

"Wala! At walang tayo!" Hindi ko na napigilan ang sarili ko.

"Chesca," Ngumiti siya. "Nirerespeto ko ang pagpapakipot mo-"

"Hindi ako nagpapakipot."

Medyo bumilis na ang paghinga ko ngayon. Walang kasalanan si Koko, alam ko. Pinaasa ko siya kaya heto siya at umaasa nga. Pero walang madaling paraan para gisingin siya at iparealize sa kanya na nagkamali ako at hindi ko siya gusto. Ito lang. Ang masakit na katotohanan.

Besides, hindi ako naniniwala na hulog na hulog na siya sa akin. Isang linggo pa lang kaming magkakilala. Hindi pwedeng agad niya na akong mahal.

"Chesca, alam ko ang ugali ninyong mga babae na nag papa hard-to-get. Naiintindihan kong mahinhin ka lang kaya mo ako tinatanggihan." Bigla niyang hinaplos ang braso ko.

Napatingin ako sa braso ko at kinilabutan ako sa haplos niya. Hinawi ko ang kamay niya at bumaling.

"Koko, hindi. Totoo talaga ito. Hindi ako nagpapakipot."

Nalaglag ang panga niya sa sinabi ko. "Chesca, nag seselos ka ba kasi lumalapit si Abby sa akin? Nakita mo ba ang paglapit niya?" Umamba ulit siyang hawakan ang braso ko pero agad akong umatras.

End This War (Alegria Boys #3) (Published under MPress)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon