Ngayon, hindi ko na alam kung anong gagawin ko o may magagawa pa ba ako. Akala ko si Koko ang Dela Merced kaya siya ang pinaghirapan ko. At ngayong nalaman kong si Hector pala ang Dela Merced, hindi ko alam kung paano ako magsisimula sa kanya.

Sa sumunod na araw, pumasok ulit ako. Di tulad ng unang araw, may professor ng nagpapakita. Naaninag ko agad ang umaliwalas na mukha ni Koko nang nakita akong pumasok. Tinapik niya agad ang upuan sa tabi niya. Kinagat ko ang labi ko. Oo nga pala, magkaklase kami ni Koko dito.

Anong gagawin ko? Chesca, anong gulo itong pinasukan mo?

Lumingon-lingon ako at sa nahagip agad ang ng mata ko si Hector na umaayos sa pag upo at ngumingisi sa akin. Pinapalibutan na siya ng mga kaibigan niya pero may isang upuang walang nakaupo.

"Hector, ako ba dito?" Tanong ng kararating lang na si Kathy sabay turo sa upuang walang nakaupo sa tabi niya.

"Di, Kathy, doon ka na lang sa likod."

"Huh? Bakit? Sinong nakaupo dito?"

Tumaas ang kilay ni Hector at tumingin sakin.

"Tsaka, anong nangyari sa braso mo?" Puna ni Kathy sabay yuko para tingnan ang nakabandage na braso ni Hector.

"Ah, wala, galos lang." Ngumisi si Hector at tumingin ulit sa akin.

Napatingin na rin ang mga kaibigan niya sa akin. Curious kung kanino bumabalik ang atensyon niya. Imbes na tumunganga ako doon ay dumiretso na ako sa isang abandonadong upuan sa pinaka likod ng classroom. Nakita ko ang pagsimangot ni Koko at ang pag upo naman ni Kathy sa upuang katabi ni Hector.

Aapila sana si Koko. Umamba siyang tumayo para puntahan ako kaya lang dumating nang bigla ang isang matanda at istriktong professor.

"Good morning, class!" Matigas ang kanyang tono.

"Good morning, sir!"

Si Sir Magdale ang professor sa isang major subject namin dito sa Alegria Community College. Tanyag siya sa pagiging bihasa sa Marketing at Business Management. Medyo matanda na kaya istrikto (iyon ang narinig ko sa mga tao dito sa campus).

Medyo traditional si Mr. Magdale. Ayaw niya ng nalilate at lagi siyang nag chi-check ng attendance. Ang worst ay masyado siyang maraming requirements. Dalawang oras pa ang klase niya kaya dalawang oras din ang kalbaryo namin.

"Ichi-check ko ang attendance." Aniya at umupo sa teacher's table.

Kahit na nakumpirma ko na kina mama at tiya ang tungkol kay Hector at Koko, kinabahan pa rin ako ngayong babanggitin na ni Mr. Magdale ang mga pangalan naming lahat.

"Boys." Aniya. "Cartel."

"Present, sir!"

"Dela Merced." Hindi niya na hinintay na magsalita si Hector. Marami pa siyang tinawag bago, "Marasigan."

"Present!" Utas ni Koko sabay tingin sa akin.

It really is true. Hindi siya Dela Merced. Maaring ang jersey na soot niya ay bigay lang ni Hector dahil masyado na siyang maraming damit at si Koko naman ay nauubusan na! What a freaking fail!

End This War (Alegria Boys #3) (Published under MPress)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon