Gospel Reflection - Excess Baggages

38 0 0
                                    

"May mga kumakalat na balita/ Na ang kaligtasa'y madaling makuha/ Bago maniwala, mag-isip-isip ka muna/ Marami ang namamatay sa maling akala."

Ang lyrics sa itaas ay coda ng kantang "Maling Akala" ng Eraserheads. Isa ito sa mga paborito kong kanta nu'ng kabataan ko.

Hinahamon nito ang mga katotohanang pinaniniwalaan natin. Hinihimok tayong pagnilayan kung totoo nga ba ang ating mga akalang madalas sa hindi ay humuhubog sa ating mga buhay at paniniwala. Sapat na ba ang lahat ng nasa atin upang magawa nating angkining "maliligtas" tayo? Na kakamtin natin ang buhay na walang-hanggan?

Ano ba ang dapat nating gawin para magawa nating pumasok sa makipot na pintuang binabanggit ni Hesus sa ating Ebanghelyo?

Madali lang ang sagot dito. Gayahin natin ang mga apostol ni Hesus, iniwan nila ang lahat upang sumunod kay Kristo.

Madaling sabihin o isulat pero mahirap gawin. Paano mo iiwanan anggirlfriend o boyfriend mong mahal na mahal mo? Paano mo igi-give-up ang mga materyal na bagay na pinahahalagahan mo-- angcellphone mo, ang tablet mo, ang kotse mo, ang bahay mo? Paano mo iiwanan ang mga pangarap mo at mga pinagsisikapan mong kamtin sa buhay mo?

Eto pa. Paano mo kalilimutan ang lahat ng galit mo sa kapitbahay mong ginawan ka ng masama? O sa asawa mong iniwan ka para sumama sa ibang babae/lalaki? Paano mo tatanggalin ang lahat ng iyong takot, alinlangan at pagduruda? Paano mong tatanggalin sa katawan mo ang inggit at inis sa mga taong nakatalbog sa 'yo? Paano mo iiwasan ang lahat ng iyong mga bisyo? Kaya mo bang i-give-upang DOTA o ang facebook o ang internet? Mapipigil mo ba ang sarili mong gawin ang mga kasalanang paulit-ulit mong ginagawa?

Makipot ang pinto patungo sa kaligtasan, at ang lahat ng ito'y mgaexcess baggages na pumipigil sa atin para makapasok. Kaya bago tayo makapasok sa pinto, kailangan nating itapon ang lahat ng ito. Hindi ito madaling gawin. Lalo na at nakasanayan na natin at naging bahagi na ng pang-araw-araw nating mga buhay.

Malinaw ang panawagan ng ating Panginoon, "Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok."

Hindi madaling gawin. Ang totoo'y para ngang imposible. Subalit idalangin nating makamit sana natin ang Espiritu Santo upang gabayan tayong unti-unting makalapit sa imahe ni Hesus na lumimot sa Kanyang sarili at namatay para sa atin. Idalangin nating mapunan ng Kanyang walang-hanggang pag-ibig ang kabutihan nating kulang na kulang.

Tanggalin natin ang mga excess baggages natin. Hindi man madaling kamtin ang kaligtasan tulad ng inaakala ng iba, sa pangalan ni Hesus, ang lahat ay posible. Walang imposible basta nagsusumikap tayo at nananalig sa Kanya.

( Ito ay mula sa Katolikong blog na Sa Isa Pang Sulyap - http://saisapangsulyap.blogspot.com )

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon - 21 Agosto 2016Where stories live. Discover now