Hindi naging hadlang para kay Dana ang kadiliman, kanyang niyakap ang bangkay ni Mira at inihiga sa kanyang braso sa kabila ng napakaraming dugong dumidikit sa kanyang katawan.


Marahang hinaplos ni Dana ang mukha ni Mira hanggang sa isang iglap, bigla na lamang bumalik ang ilaw na nakatapat sa kanilang direksyon. Napasinghap si Dana, naiwang nakaawang ang kanyang bibig kasabay ng paglisik ng luhaan niyang mga mata. Labis man ang panlulumo, mas nangibabaw ang takot na rumehistro sa mukha ni Dana nang makitang wala na ang mga mata ni Mira.


Ibinaba ni Dana ang tingin patungo sa dibdib ni Mira at hindi na niya napigilan pang mapahiyaw sa hinagpis nang makitang wakwak na ang bibig ni Mira at halos lumabas na ang kanyang buto at laman.


"H-hindi..." Napasinghap si Dana nang bumalik sa kanyang isipan ang lahat ng paghihirap na narasan sa kamay ni Dondy. Sa isang iglap, nakarinig si Dana ng ingay na para bang likidong pumapatak at mistulang nanggagaling ito sa dulo ng pinakamadilim na bahagi ng pasilyo, hindi kalayuan mula sa kanila.


Unti-unti niyang binitawan si Mira at napatayo, sa pagkakataong ito'y nakatuon na ang kanyang atensyon sa direksyon na pinanggagalingan ng ingay. Mariing tumitig si Dana sa kadiliman hanggang sa muling sumindi ang mga ilaw sa direksyon nito at tuluyan niyang nakita kung sino ang gumagawa ng ingay—Si Dondy, nakaupo rin sa sahig at hawak ang natitira sa puso ni Mira.


Tuluyang napahakbang si Dana ng isang beses paatras nang makita ang mga laslas na kinaroroonan sana ng mga mata, bibig at ilong ni Dondy. Ang masaklap ay mistulang nakaharap na si Dondy sa kanyang direksyon.


Ipinasok ni Dondy ang huling piraso ng puso ni Mira sa laslas na sana'y kinaroroonan ng kanyang bibig. Gumalaw-galaw pa ang laslas na animo'y pinagpira-piraso ang puso ni Mira. Ginawa ito ni Dondy na para bang pinagmamayabang it okay Dana.


Tuluyang tumayo si Dondy at tumambad kay Dana ang malahigante nitong pigura na mas malaki pa kay Boris. Kinailangan pa ni Dana na tumingala para lamang masundan ng tingin ang "mukha" nito.


Nang magsimulang humakbang si Dondy palapit kay Dana, mistulang sumiklab ang kamalayan ni Dana at agad na itong kumaripas ng takbo. Sinundan siya ni Dondy ngunit hindi gaya niya, naglakad lamang ito ng mabagal. Mabagal man, malalaki ang mga hakbang nito sapat na dahilan para mas bilisan pa ni Dana ang pagtakbo.


****


Umiiyak na ikinulong ni Dana ang kanyang sarili sa isang cabinet na nasa ilalim ng lababo. Sa labis na takot at taranta, ang magtago ang unang pumasok sa kanyang isipan at ang kusina ang kanyang unang napuntahan.


Pilit na pinagkasya ni Dana ang kanyang sarili sa maliit na cabinet, nagsumikap na 'wag gumalaw nang hindi niya matabig at mabuksan ang pinto, nagsumikap na takpan ang kanyang bibig nang hindi makagawa ng kahit na anong ingay.


Gustong-gusto mang humiyaw at humagulgol dahil sa labis na takot, naalala ni Dana ang kanyang mga magulang kaya naman pilit niya itong nilabanan. Mabigat ngunit mabagal ang bawat paghinga ni Dana, ingat na ingat siyang makagawa ng kahit na anong ingay.


"778... From now on it's going to be 778."


Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)Where stories live. Discover now