First Stop

6.6K 81 5
                                    

Unang Kabiguan

Lugar:     Sa school, sa may playground

Oras:      Labasan, mga alas-singko ng hapon

Kanino:  Sa kanya…

 

 

          “Ayoko na talaga, Aris. Palagi na lang namang ganito eh. Paulit-ulit na lang. Sawang-sawa na ko.”

          Tahimik lang na nakaupo si Aristotle. Pinapakinggan ang confessions ni Mira. Si Mira na araw-araw umiiyak. Si Mira na araw-araw nasasaktan. Si Mira na mahal niya pero hindi niya kayang ipaglaban.

          “Hirap na hirap na ko. Bakit ba kailangan pang saktan ng mga lalaki ang damdamin ng mga babae? Alam niyo bang mga lalaki kung gaano kaming mga babae ka-sincere kapag nagmahal? Hindi. Kasi wala kayong alam gawin kundi unahin ang mga sarili niyo.”

          Gusto sanang magsalita ni Aris. Hindi yun ganun, Mira. Hindi. Ibahin mo ako sa mga lalaking kilala mo.Pero hindi niya magawa. Mas mabuting makinig na lang muna siya ngayon sa hinanakit ng babae sa tabi niya.

          “Pero bakit ganun? Bakit mahal ko pa rin siya?”

          Humilig si Mira sa balikat ni Aris at nag-iiyak. Inakbayan naman niya si Mira at tinapik-tapik sa likod. To comfort her. To know that he’s there for her. Iyon na namang drama nilang iyon. Tuwing alas-singko ng hapon, sa playground sa tabi ng field, sa isang bench kung saan wala masyadong umuupo, parang nakatakda na ang lugar na yun para sa kanilang dalawa lang.

          “Aris, ayoko na.”

          Sasabihin ni Mira sa kanyang ayaw na nito. Suko na. Tama na. Pero babawiin din nito sa huli.

          “Pero hindi ko kaya.”

          Palagi silang ganun. Pero para kay Aris, iyon ang panahong pakiramdam niya ay may saysay siya sa mundo. Dahil umiiyak si Mira at kailangan siya nito, ayan na naman ang shoulder to lean on na drama niya. Tuwing alas-singko ng hapon, sa playground sa tabi ng field, sa isang bench kung saan wala masyadong umuupo, dahil alam ng marami na doon sila nag-mo-moment tuwing hapon.

          “Aris… ano pa bang gagawin ko? Palagi niya kong sinasaktan pero bakit mahal ko pa rin siya?”

          Hiwalayan mo na siya, Mira. Pag-aralan mo nang hindi siya mahalin. Subukan mong lumingon sa iba. Sa akin.

          Hinawakan ni Mira ang kamay niya. Ngumiti siya. “Aris, alam mo ba kung minsan, iniisip ko, mabuti ka pa. Nandiyan kapag ganitong nalulungkot ako. Nandiyan kapag may kailangan ako.”

          Mula sa kamay nitong nakahawak sa kanya, niyakap siya ni Mira. Hindi na siya nagulat. Bakit pa? Eh, ganun nga ang drama nila tuwing alas-singko ng hapon, sa playground sa tabi ng field, sa isang bench kung saan wala masyadong umuupo, dahil sawa na ang lahat sa pag-mo-moment nilang iyon. Siya na lang yata ang hindi.

          “’Wag kang aalis sa tabi ko ha? Gusto ko, kapag tumakbo ako papunta dito, makita ulit kita. Ikaw lang. Mag-isa. Gusto ko kapag umiiyak ako, i-comfort mo ulit ako. Gusto ko bukas, alas-singko ng hapon, dito sa playground sa tabi ng field, dito sa bench. Tayo lang dalawa.”

          Tumango si Aris. Oo. Dahil bukas iiyak na naman si Mira, masasaktan, at tatakbo papalayo sa katotohanan. Saglit na magpapantasya sa tabi niya. Mag-i-internalize. Dadantay sa kanya, hahawakan ang kamay niya, yayakap sa kanya.

          Tumayo si Mira nang sabay nilang matanaw si Jason, ang boyfriend nito. May hinahanap si Jason.

          “Aris, hinahanap yata ako ni Jason. Baka mag-so-sorry siya sa ‘kin.” Tatakbo na si Mira papunta kay Jason. Ang lalaking kinaiinggitan niya. Ang lalaking palaging nananalo kahit sa mga telenovela. Iyong lalaking mas pinipili ng leading lady. Iyong ‘bad guy’. At walang panama ang ‘good guy’ na katulad niya.

          Paalis na rin sana siya nang may marinig siya kaluskos mula sa likuran niya. Si Mira. Hingal na tumakbo pabalik sa kanya.

          “Aris!”

          “O, Mira. Bakit?” taka siya. Unang beses na may nagbago sa routine nila. Umalis na si Mira pero binalikan siya. Dati, pagkaalis nito, aalis na rin dapat siya.

          “Thank you for being a good friend.”

          Ngiti at tango ang isinagot niya. Alam niyang pagkatapos ay tatakbo na ulit ang babaeng mahal niya papunta sa lalaking mahal nito. Si Jason. At hindi siya.

          At nagtatakbo na nga si Mira. Naiwan siyang pinapanood itong tumakbo palayo. Sa mga balikat niya. Sa kamay niya. Sa kanya. Pero alam niyang babalik rin ito bukas. At may bagong dagdag na gawain sila. Ang thank for being a good friend nito ang bago niyang hihintayin sa routine nila.

          Nagtagpo rin si Mira at Jason. Panahon na para umuwi siya. Sa araw na iyon, doon na nagtatapos ang role niya: isang shoulder to lean on, takbuhan kapag may problema, a good friend.

          Bukas ulit.

          Alas-singko ng hapon, sa playground sa tabi ng field, sa isang bench kung saan wala masyadong umuupo, kundi dalawang pusong nasasaktan at walang lakas na harapin ang tunay na laban.

STOPOVER (Filipino One Shots)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon