CHAPTER 229 : THE TRUTH 4

Magsimula sa umpisa
                                    

"But for now ay manatili ka diyan sa Seoul. Bukas ay susunduin kita," dagdag niya.

Parang hinaplos ang puso ko sa hindi maipaliwanag na dahilan. Pakiramdam ko ay gano'n ako kaimportante sa sandaling iyon, sa taong iyon, sa pamilya ng taong iyon.

Lalo na sa anak niya... Napalunok ako sa sarili kong naisip. "Hindi ba magiging abala 'yon sa inyo, tito?" nahihiyang sabi ko.

"Hindi." Bumuntong-hininga siya. "Meron kaming sariling eroplano."

Lumaylay ang mga balikat ko. Syempre, kailangang sabihin niya 'yon. Kailangan yatang malaman ng buong mundo na meron silang sariling eroplano. "Salamat, tito," iyon na lang ang nasabi ko.

Bumuntong-hininga siya ulit. "Pero chopper ang dadalhin ko. Pag-aari rin namin iyon," patuloy niya. Napamaang ako saka nasapo ang sariling noo saka napapikit. "I'll call you tomorrow. Bye." Ibinaba niya ang linya.

Hindi ko nagawang alisin agad sa tainga ko ang telepono. Para akong naestatwa sandali sa nangyaring pag-uusap namin. Hindi ko maintindihan ang pakiramdam, gaya ng dati ay naghahalo-halo na naman 'yon. Hanggang ngayon ay hindi ko malaman kung paano nilang napaghahalo ang katotohanan at kayabangan. Sila lang ang nakagagawa no'n. 

Hindi ko na nagawang kainin nang ayos ang pagkain, sapat lang ang kinain ko para magkaro'n ng laman ang tiyan ko.

Matapos ay dumeretso ako sa information desk para humiram ng laptop. Para akong nakalutang. Meron sa loob kong naghahanap pa ng sagot. Pakiramdam ko ay may kailangan akong malaman. Binuhay ni More ang buong sistema ko dahil sa dalawang salita.

North Korea.

Matagal akong tumitig sa screen ng laptop. Panay ang buntong-hininga ko. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Napakarami kong tanong pero maski isang salita ay hindi ko matipa.

At nang sa wakas ay mai-type ko ang pangunahing tanong ko ay mabilis na kumilos ang aking mga mata. Napapalunok ako sa bawat detalyeng aking nababasa. Gusto ko ngayong kuwestiyonin kung bakit ganoon ang bansa nila. Kakaiba! Sa iilang impormasyong nalaman ko ay para akong binuhusan nang malamig na tubig.

Kaya pala... Paulit-ulit iyon sa isip ko sa t'wing maikokonekta ko ang ugali at aksyon ng mga Moon sa mga nalaman ko.

Napakarami kong nabasa, nalaman at naintindihan. Pero nang matapos ay para pa rin akong nadagdagan ng mga tanong.

Nahiga ako nang manakit ang ulo ko. Nasorpresa ako nang makitang inabutan na ako ng liwanag. Hindi ko man lang napansin ang oras. Masyado akong nalunod sa pagbabasa, sa pagkalap ng impormasyon tungkol sa bansa nila.

Hindi lingid sa kaalaman ko ang gulo sa pagitan ng South at North Korea. Alam kong magkaibang bansa sila. Ilang beses din naming napag-aralan iyon noong high school. At pahapyaw na nababalikan sa history subject ngayong college ako. Pero hindi ko akalaing magiging ganito kabigat ang epekto nito sa pagkatao ko. Hindi ko kailanman naisip na posibleng makatungtong ako sa North Korea.

Nang dahil kay Taguro... "Kinakabahan ako sa pagkatao mo, Taguro," nakapikit kong bulong. Nagpatuloy sa paggana ang utak ko hanggang sa makatulugan ko ang pag-iisip.

NAGISING AKO kinabukasan sa sunod-sunod na door bell. Iritable pa akong bumangon at tinitigan ang pinto. Tanghali na. Gusto kong mainis dahil pakiramdam ko ay iyon palang ang pinakamatagal at pinakamaayos kong.

Pero nang maalala ko si More ay agad akong nagising. Dinampot ko ang cellphone at nanlaki ang mga mata ko nang makita kung ilang tawag ang hindi ko nasagot.

Dali-dali akong bumangon at nagroba. Dumeretso ako sa pinto at gano'n na lang ang gulat ko nang masilip kong si More ang nasa likod niyon.

Paano niya nalamang nandito ako? Kinilabutan ako nang maalala ko ang ilan sa mga nabasa ko kagabi. Gano'n ba talaga katinik ang pagkatao nila?

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon